PINAS

Mga mura at masarap na kainan sa Binondo tuklasin

Mga mura at masarap na kainan sa Binondo tuklasin

NI: Jonnalyn Cortez

NALALAPIT na nga ang Chinese New Year, kaya ano pa bang mas mainam na paraan upang ipagdiwang ito kundi kumain. Siguradong maraming dadayong Pilipino sa kilalang lugar kung saan masayang idinadaos ang bagong taon ng mga kapatid nating Intsik dito sa Pilipinas – ang Binondo.

Kilala ang Binondo bilang may pinakamatandang Chinatown sa buong mundo. Kaya naman, sinasabing hindi makukompleto ang pagbisita mo dito kung hindi mo susubukan ang mga naglipanang kainan na may mga pinagmamalaking lutuing authentic Chinese.

Kaya, heto ang ilan sa mga kilalang kainan sa lugar na talaga namang masisiyahan hindi lamang ang inyong mga tiyan kundi pati na rin ang inyong mga bulsa. Maaari mo ng matikman ang iba’t-ibang klaseng putahe sa murang halaga at siguradong mabubusog ka.

 

DONG BEI DUMPLINGS

Pagmamay-ari ito ng isang Chinese na mula sa mainland ng China na pumunta sa Pilipinas. Sikat ang lugar na ito dahil sa kanilang malasa, mura at authentic na dumplings.

Mapapatunayang laging bago at hindi tira-tira ang kanilang dumplings dahil ito ay ginagawa at niluluto mismo sa iyong harapan.

Sa sarap nito, sinasabing kahit ang mga hindi marunong kumain ng gulay ay mapapakain nito. Mas sasarap pa nga ang mga dumplings na ito kapag sinasawsaw mo sa suka o kaya naman sa chili sauce na siya namang magpapangibabaw sa tunay nitong lasa – hindi maalat, pero hindi matabang, sakto lamang.

Kailangan nga lang magbaon ng maraming pasensya ng kung sino mang bibisita dito dahil na din sa haba ng pila ng mga bumibili dito. Nagpapatunay lamang ito kung gaano kasarap ang kanilang mga lutuin.

Mabibili ang kanilang Pork Dumpling sa halagang P150 para sa 14 piraso.

Matatagpuan ito sa 642 Yuchengco Street, Binondo, Manila na bukas mula 9am hanggang 8pm araw-araw.

 

SINCERITY RESTAURANT

Sikat ang kainan na ito dahil sa kanilang Sincerity Chicken na sinasabing parang lutong-bahay na napakasarap. Pinipilahan din ang kanilang fried oyster cakes na itinuturing din na isa sa mga pinakamasarap na luto ng talaba dahil sa sariwa at makatas ang kanilang laging hinahain.

Nagsimula ang dalawang palapag na gusali na ito mula pa noong 1956, kaya naman madami ng nakakaalam at nakakakilala dito. Sa katunayan, nabisita na ito ng maraming artista at naipalabas sa telebisyon.

Nagkakahalaga ang sikat na sikat na Sincerity Chicken ng P320 para sa isang buo at P160 naman para sa kalahati. Ang fried oyster cakes naman ay may presyong P250 para sa malaki at P200 naman para sa maliit. Ilan pa nga sa mga pinagmamalaki nitong mga putahe ay adobong palaka, omelet na hipon at barbecue spareribs.

Matatagpuan ang Sincerity Restaurant sa 497 E.T. Yuchengco Street, Binondo, Manila. Bukas ito mula 9am hanggang 9pm araw-araw.

 

SHANGHAI FRIED SIOPAO

Tinuturing din na isa sa pinakasikat at pinakamurang kainan sa Binondo ang Shanghai Fried Siopao. Kahit pa para lamang itong isang maliit na tindahan ng kung anu-anong produkto ng mga Chinese, napakadaming tao ang pumipila dito.

Makakabili dito ng maraming siomai at kikiam na maaari ninyong lutuin sa bahay. Syempre pa, sikat ito dahil sa kanilang sariling gawang fried siopao na nagkakahalaga lamang ng P20.

Pinasisingawan muna ang napakalambot na tinapay nito, pagkatapos ay tutustahin ang pinakailalim nito. Gawa naman sa tinadtad na karne ng baboy na may chives ang palaman nito.

Matatagpuan ang Shanghai Fried Siopao sa Sabino Padilla St. na bukas mula 9am hanggang 7pm, Lunes hanggang Biyernes.

 

CAFÉ MEZZANINE

Kilala rin ang Café Mezzanine bilang Volunteer Fireman’s Coffee Shop dahil ang lahat ng kita nito ay napupunta sa Paco Fire Search and Rescue Brigade.

Ilan nga sa mga pinakababalik-balikan na mga putahe dito ay ang Kiampong na nagkakahalaga lamang ng P65, lechon kawali na may presyong P130 isang order at Xiao Long Bao na P180. Sikat din ito dahil sa kanilang mga sariling timplang inumin.

Madalas bisitahin ng mga mas nakakatanda ang lugar na ito, ngunit isa naman ito sa may pinakamagandang lugar kung saan matatanaw ang Binondo.

Matatagpuan ang Café Mezzanine sa ikalawang palapag sa 650 Ongpin Street, Binondo, Manila. Bukas ito mula 7am hanggang 10 pm. araw-araw.

 

MASUKI MAMI HOUSE

Nakilala ang unang tindahan ng Masuki bilang Ma Kong Mami House na itinatag noong 1930 sa may Salazar St.

Sa ngayon, ang Masuki ay may ilan ng mga sangay sa loob ng Metro Manila. Makikita naman sa loob nito ang ilan sa mga larawan at mga ginupit-gupit na dyaryo na nakapaligid sa lugar ang mga kilalang tao sa showbiz at mga sikat na personalidad sa bansa na bumisita na dito.

Bukod sa iba’t-ibang klase ng mami na nagkakahalaga ng P130 para sa regular at P140 para sa espesyal, ipinagmamalaki din nito ang kanilang asado siopao na may presyong P55 lamang. Meron din silang malaking siomai na mabibili sa halagang P35 kada piraso.

Matatagpuan ang Masuki Mami House sa 931 Benavidez St. na bukas mula 7am hanggang 10:30 pm mula Lunes hanggang Huwebes. Bukas naman ito mula 7am hanggang 11 pm mula Biyernes hanggang Linggo.