Ni: Jun Samson
SA Pebrero o sa Marso ay wala na siguro tayong makikitang mga kotse o motorsiklo na ang nakakabit na plaka ay “registered, no plate available”. Pero ito ay depende na rin sa bilis ng pagproseso na gagawin ng Land Transportation Office (LTO).
Kung inyong maaalala ay na-freeze kasi sa bodega ng Bureau of Customs (BOC) ang 700,000 na mga licensed plates matapos na naisyuhan ng temporary restraining order ng Supreme Court noong Hunyo 2016, matapos na pinatawan ito ng notice of disallowance ng Commission on Audit (COA) at iniutos ang pagsasauli ng P477.9 milyon na advance payment ng LTO.
Ang mga plaka ng sasakyan ay kinumpiska ng BOC dahil ang manufacturer nito na joint venture ng Power Plates Development Concepts Incorporated at J. Knieriem BV Goes ay hindi nakapagbayad ng buwis at customs duties and taxes. Alam niyo ba na 300 libong license plate para sa mga motor vehicles at 400 libong license plates para sa mga motorsiklo ang pinag-uusapan dito?
Mabuti na lang at idineklara ng Korte Suprema na constitutional ang paggamit ng pondo ng gobyerno sa ilalim ng 2014 General Appropriations Act para sa pagpapatupad ng Motor Vehicle License Plate Standardization Program ng LTO at Department of Transportation (DOTr).
Pero alam niyo rin ba na kahit maipamahagi na sa Pebrero ang nasabing mga plaka ay tinatayang magkakaroon pa rin ng anim hanggang pitong milyong plaka sa bansa? Ang kagandahan lang dito ay kinumpirma ng LTO na nai-award na nila ang kontrata sa bagong kumpanya na gagawa ng mga bagong plaka para sa mga naka-pending mula Hulyo 1, 2016 hanggang sa kasalukuyan at baka matapos daw ang produksyon nito sa buwan ng Abril.
Kasama raw sa mga bagong plakang gagawin ay 775,000 para sa mga four wheel vehicles at 1.8-M naman para sa mga motorsiklo. Ito ay tiyak na magandang balita para sa mga motorista na ilang taon din na gumagamit ng kanilang sasakyan na walang plaka kahit kasama iyon sa kanilang binayaran nung ipinarehistro ang kanilang sasakyan.