Ni: Jun Samsom
TOTOO kaya na kapos tayo sa bigas ngayon, partikular sa National Food Authority o NFA rice na tinatawag nilang bigas na pang-masa na P27 kada kilo? May rice shortage ba o artificial rice shortage? Ang mga ito ay mga katanungan ni Juan dela Cruz na nakakatanggap ng magkakaibang kasagutan.
Sabi ng pamahalaan ay walang rice shortage at the on top of the situation. Kasabay nito ay inamin ni NFA Administrator Jason Aquino na tumaas ng halos limang piso kada kilo ang commercial rice sa ilang palengke pero iginigiit niya na walang rice shortage.
Pero kung sapat ang suplay ng bigas sa bansa ay bakit kaya inaprubahan ni NFA Council Chairman Leoncio Evasco ang rice importation na 250 thousand metric tons na sisimulan sa unang linggo ng buwan ng Hunyo? May mga nagsasabi na kagagawan daw ito ng mga rice smugglers na silang nagmamanipula para makontrol nila ang presyuhan sa mga pamilihan.
Aminado naman si Senate Committee on Agriculture Chairman Cynthia Villar na wala pang napaparusahang mga cartel na kumokontrol sa presyo ng bigas bagamat naniniwala siya na mga smugglers at mga cartels ang nasa likod ng pagsipa ng presyo ng commercial rice kahit sapat ang supply.
Dahil dito ay nakatakdang magsagawa ng senate hearing si Villar para matunton ang pinag-ugatan ng problema. Batay sa pag-aaral o ayon mismo sa NFA ay 10% ng kanin na pang-araw araw na kinakain ng mga pinoy ay NFA rice. Ibig sabihin ay sampung porsyento ng ating populasyon ang namemeligro o posibleng hindi makakakain ng kanin sa tamang oras sakaling hindi maresolba ang problema.
Isinisisi naman ng grupong Bantay Bigas ang pagiging dependent ng NFA sa imported na bigas at matumal na pagbili sa lokal na palay. Sa isang banda ay nasabi pa ng tagapagsalita ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo na isinasangkalan ng NFA ang diumano’y kakapusan sa suplay ng NFA rice para mabigyang-katwiran ang pag-aangkat natin ng bigas sa ibang bansa.
Ang tanong ko naman diyan, totoo man o hindi na may rice shortage ay may magagawa ba ang ordinaryong mamamayan? Ang sagot, WALA. Susunod lang tayo sa agos. Sabi nga ng karamihan ay kahit mahal ang bigas ay gagawa pa rin ng paraan ang ama o ina ng tahanan para makabili pa rin at upang may maihain sa hapag kainan kahit asin lang ang ulam basta ang mahalaga ay makakain sila ng kanin na nakasanayan ng mga pinoy.