Pinas News
NANATILI pa ring nasa alert level 5 ang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Pilar Village, Baranggay Almansa Uno Las Piñas City.
Base sa impormasyon ng Bureau of fire protection nagsimula ang sunog pasado alas-dos ng madaling araw sa bahay ni Marilyn Bora habang nagluluto gamit ang kahoy na panggatong.
Mabilis na kumalat ang apoy sa Laong Compound kung saan umabot na sa 575 na kabahayan ang tinupok ng apoy.
Nabatid na may isang tao na ang naitalang nasaktan na agad na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan.
Inamin ni F/SInsp Pena Borlad ground commander ng Las Piñas Fire Department, nahirapan sila sa pag-apula sa apoy dahil masikip ang daanan papasok sa nasusunog na mga kabahayan kaya’t pinagdugtong-dugtong na lamang ang mga hose upang masuportahan ng tubig ang mga bumberong umaapula ng apoy.
Samantalang pasado alas 6 kaninang umaga ng ideklarang fire under control at aabot sa P1.5-M ang mga ari-ariang tinupok ng apoy kung saan mahigit na isang libong pamilya ang nawalan ng tirahan.