Ni: Louie C. Montemar
NABALITA kamakailan lamang na tuloy na tuloy na ang halalang pambarangay sa darating na Mayo.
Ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Commission on Elections (COMELEC), mula Abril 14 hanggang Mayo 21 ang darating na halalang pambarangay kasama na ang sa Sangguniang Kabataan. Maisusumite mula Abril 14 hanggang 20 ang mga katibayan ng pagkakandidato o certificates of candidacy (COC) habang mula Mayo 2 hanggang 12 naman ang magiging araw para sa pangangampanya.
Oktubre 28, 2013 pa ang huling halalan para sa mga barangay. Mainam na matuloy na ito ngayon lalo na sa harap ng maraming agam-agam at mga usapin sa kakayahan ng mga kasalukuyang nakaupo sa mga barangay.
Mismong si Pangulong Duterte naman mismo ang nagsasabi na may apatnapung porsiyento (40%) sa mga pinunong pambarangay o mga “Kapitan” sa buong bansa ang pinagsususpetsahang bahagi sa bentahan ng iligal na droga.
Nakababahala ang sitwasyon kung tama nga ang bilang na ito. Subalit hindi naman makukuha lamang sa diktasyon o tahasang pagtatalaga na lamang ng Malakanyang ang pagpapalit ng mga lider pambarangay.
Isipin na lamang natin, sinasabi ng mga nasa pamahalaan na hindi bababa sa isa sa bawat isang daang Pilipino ang lulong sa droga (kung higit isang milyong ang drug users). Ayon sa paliwanag ni Senador Ping Lacsion sa isang talakayan sa Senado noong Nobyembre 16, 2017 lamang, galing sa isang pribadong survey ang bilang na 1.8 milyong drug user sa bansa, habang galing sa Oplan Tokhang ng Philippine National Police ang tantiyang may 4 milyong drug addict na Pilipino sa bansa.
Kung tunay na may tiwala tayo sa kapangyarihan ng mamamayan at sa abilidad ng kasalukuyang liderato ng DILG at PNP, mas madaling mawawalis palabas mula sa kanilang mga posisyon sa barangay ang mga galamay ng droga. Paano? Dapat maging aktibo ang DILG sa isang information drive sa darating na halalan at kasuhan na dapat ang mga suspetsadong lokal na opisyal.
Napakapopular ng Pangulo sa ngayon at kung talagang kikilos ang pamahalaan sa paglilinis ng mga barangay, tiyak na sa susuporta ang mga tao sa mga maayos na kakandidato o maging ang mismong napupusuan ng pambansang administrasyon sa darating na eleksiyon. Maraming paraan para mailinaw sa botante kung sinu-sino ang mga ito.
Muli, isipin natin, apatnapung porsiyento daw ng mga kapitan ang kasama sa narcopolitics sa bansa — halos isa sa dalawang Punong Barangay raw sa buong bansa ang kabilang sa bentahan ng iligal na droga. Kung gayon, magandang gawing susing paksa sa eleksiyon ang usapin hinggil sa iligal na droga at kung paano ito ganap na maalis sa mga barangay.
Magagamit ng pamahalaan sa pamamagitan ng DILG ang darating na halalan upang mapatibay pa ang kampanya nito laban sa droga.