Ni: Jonnalyn Cortez
INALALA ni IBF super-flyweight champion Jerwin Ancajas ang lahat ng pinagdaanan niyang hirap mula noong nagsisimula pa lamang siyang pasukin ang mundo ng boksing. Mula sa mga oras na wala silang makain, hanggang sa mga panahong wala silang pambayad ng renta, malaki na nga ang pagbabago ng buhay ng 26 anyos na boksingero.
Inaasahan na ngang magbabago ang takbo ng karera ni Ancajas sa pagboboksing, lalo na ng pumirma ito ng dalawang taong kontrata sa ilalim ng kumpanya ni Bob Arum na Top Rank. Sa katunayan, tinagurian itong bagong Manny Pacquiao ng kilalang promoter ng boksing.
BUHAY PAMILYA
Hindi na nga mapigilan ang pagsikat ni Ancajas sa buong mundo, lalo na at nailunsad na ito sa kauna-unahang pagkakataon sa isang laban sa Amerika kontra kay Israel Gonzalez noong Pebrero 3.
Gayunpaman, nananatiling simple ang pamumuhay ng sumisikat nating boksingero, pati na rin ang pagpapalaki nito sa kanyang mga anak – ang apat na taong si Kyrie at dalawang taong si Kyle.
ALAALA NG NAKARAAN
Pinalaki si Ancajas ng ka-nyang ama sa pamamagitan ng pagtatrabaho sa plantasyon ng saging kasama ang kanyang nakatatandang ka-patid na lalake at nakababatang kapatid na babae.
Dahil nga sa may kaliitan ang kita, kahit pa ume-ekstra ang kanyang ama sa pagbabalat ng niyog, kinakapos pa rin sa buhay ang mag-anak at kinukulang sa pagkain.
“Minsan wala kang pagkain, minsan kakain ka lang ng saging o kung ano mang meron. Manok Tagalog kung may alaga kayo,” pag-alala ni Ancajas. “Minsan, pag wala kaming kanin, kumukuha kami ng saging o kaya kamote.”
SIMULA NG PAGLABAN
Pinasok ni Ancajas ang mundo ng boksing sa pagbabakasakaling makaahon sa kahirapan. Sinundan nito ang yapak ng kanyang kuya na si Jesar, isang propersyonal na boksingero na naging kapareha ni Pacquiao sa sparring.
Naging matagumpay ang noong nangangarap lang na si Ancajas na makamit ang mga medalyang ginto sa Pa-larong Pambansa at iba pang pampalakasang paligsahan bago nito piniling maging isa ring propesyonal na boksingero.
Swerte na lamang at napansin ito ng bise presidente ng Asia-Pacific WBO na si Leon Panoncillo Jr. at inirekomenda sa trainer at manager nito ngayong si Joven Jimenez ng matalo nito si Jimmy Paypa noong 2009.
Dahil sa hindi personal na kilala ni Ancajas si Joven, natakot ito na iwan ang tinubuang lupa at makipagsapalaran sa Maynila.
“Para sa taong galing sa probinsya, takot ako na pumunta ng Maynila dahil baka panloloko lang,” anito. “Sabi ko sa sarili ko, kahit anong mangyari, nagdasal ako sa Panginoon, sabi ko, Lord, kayo ng bahala kung ano mang mangyari pagdating ko sa Maynila.”
ANG PAGBANGON
Nagsimula ang pagba-ngon ni Ancajas sa kahirapan noong pumirma ito ng kontrata sa ilalim ng MP Promotions.
Nakuha ng boksingero ang kauna-unahan nitong world title noong 2016 laban kay McJoe Arroyo sa Taguig. Nasundan pa ito ng mga panalo sa Macau, Australia at Nor-thern Ireland.
Nananatili namang nakatapak sa lupa ang mga paa ni Ancajas.
“Kahit ano pang makamit mo, hindi mo pwedeng ipagyabang kung sino ka ngayon,” paliwanag niya. “Kailangan manatili ka kung sino ka noong nagsisimula ka pa lang hanggang sa matapos ang iyong karera.”
Dagdag pa niya, lahat ng bagay ay hiram lamang at lilipas din. “Kung kilala ka ngayon, lilipas din yan, hindi yan laging mananatiling ganun,” aniya.
BAGONG MANNY PACQUIAO
Nabigyang pansin si Ancajas ng internasyonal at lokal na media nang magkaroon ito nang koneksyon sa kumpa-nyang Top Rank, na siya ring nagpasikat kay Pacquiao. Nakuha pa niya lalo ang a-tensyon ng marami noong matalo niya si Gonzales sa ika-sampung round sa iskor na tatlong knockdowns at malayong pagitan ng puntos sa scorecards.
Bunsod nito, maraming lokal na tagahanga ang nagsasabing siya ang bagong Pacquiao ng Philippine boxing. Ngunit, pinili pa rin ni Ancajas na gamitin ang kanyang sariling istilo sa pagharap kay Gonzales.
“Special si Jerwin kasi nakikinig siya at may mahabang pasensiya. Inantay niya talaga ang pagkakataon niya,” ang tagapagsanay nitong si Jimenez.
Hindi naman sinagot ni Ancajas noong tanungin ito kung anong masasabi niya sa kanyang pagkapanalo. Anito, bahala na ang mga Pilipinong humusga sa laban niya kay Gonzales.
Pinagmamalaki naman nitong sinabi na napabilib si Arum sa kanyang pagganap sa laban.
Sa kabilang dako, inamin naman ni Ancajas na ins-pirasyon niya si Pacquiao pagdating sa pagboboksing. Sa katunayan, naiyak ito nang makausap ang Senador sa telepono para humingi ng dasal bago maganap ang laban nila ni Gonzales.
“Pinapalakas niya ang loob ko… Kung kaya ko, kahit konti lang, na lumaban katulad ni Sir Manny, lubos akong magpapasalamat,” anito.
SUSUNOD NA LABAN
Inihayag ng MP Promotions matchmaker na si Sean Gibbons sa Sports Center Philippines na ang plano sa susunod na laban ni Ancajas ay iharap ito sa kapwa niyang Pilipino na si Jonas Sultan.
“In the IBF we have a mandatory with another Filipino Jonas Sultan. We’re looking into that. If we have to do that fight we’ll do it. If not, we’ll see what’s out there. But we’re kind of looking at the mandatory right now,” anito.
Tinaguriang “mandatory challenger” ang IBF Intercontinental super flyweight champion na si Sultan dahil na rin sa pagkatalo nito kay Johnriel Casimero sa Cebu City noong Setyembre. Pag natuloy ang laban, ito ang kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 93 taon na ang dawalang Pinoy ay maghaharap para sa boxing world championship.