Ni: Quincy Joel V. Cahilig
ANG bakuna ang isa sa mga dakilang imbensiyon na nakapagliligtas ng maraming buhay mula sa mga nakamamatay na mga sakit. Dahil din dito ay humaba ang lifespan nating mga tao dito sa mundo.Nguni’t sa ngayon ang bakunang nakapagpapahaba ng buhay ay kinatatakutan na ng marami sa pag-aakalang isa itong uri ng lethal injection sa halip na immunization.
Sa pagputok ng kontrobersiya sa dengue immunization program ng pamahalaan, maraming mga magulang ang tila nagkaroon ng phobia sa pagpapabakuna dahil sa balitang ang bakunang Dengvaxia, na inaasahang magbibigay proteksyon laban sa sakit na dengue na nasa 700,000 na mga bata, ay pinagbibintangan na sanhi ng pagkamatay ng ilang nabakunahan.
Ngunit sa pagsusuri ng mga eksperto mula sa University of the Philippines-Philippine General Hospital sa pagkamatay ng 14 na mga batang binakunahan ng Dengvaxia, hindi pa makakabuo ng konklusyon na ang bakuna nga ang dahilan ng kanilang kamatayan, kaya ibayong mga pag-aaral pa ang kinakailangan.
ANG EPEKTO NG TAKOT NA DULOT NG DENGVAXIA
Sa kasalukuyan, dinidig sa Senado at Kongreso ang isyu at patuloy na inaalam kung sinu-sino ang dapat papanagutin sa pagsasapanganib sa kalusugan ng daang libong kabataan. Kasabay din ng paggulong ng mga imbestigasyon ang patuloy na pangamba ng maraming mga magulang, na nagpasyang mas mabuti pang huwag na lamang ipabakuna ang kanilang mga anak.
Ayon sa datos ng DOH, malaki ang bilang ng mga magulang ang hindi nagsali ng kanilang mga anak sa libreng pabakuna ng gobyerno. Mula 87 porsyento, bumagsak sa 57 porsyento ang bilang ng mga nagpapabakuna sa Luzon. Kahit umano deworming o pagpurga sa bata upang matanggal ang mga bulate sa katawan ay kanila na ring tinatanggihan—bagay na ikinababahala ni Health Secretary Francisco Duque III.
Ang measles o tigdas ay isang nakahahawa at nakamamatay na sakit na maaring dumapo sa mga batang edad tatlong buwan pataas. Madalas itong laganap sa malamig na panahon na may sintomas ng skin rashes at lagnat.
Ayon sa World Health Organization, ang tigdas ay isa pa rin sa nangungunang sanhi ng pagkamatay ng maraming mga bata sa buong mundo. Karamihan ng namamatay sa tigdas ay dahil sa mga kumplikasyon tulad ng pagkabulag, pamamaga ng utak, pagtatae, dehydration, ear infection, at pneumonia.Dahil dito, binigyang diin ni Duque ang kahalagahan ng pagpapabakuna upang matiyak ang proteksyon ng mga bata mula sa mga seryosong sakit na maaring makaapek-to hindi lamang sa kanilang kalusugan, kundi sa kanilang paglaki.
Sa ilalim ng Expanded Program on Immunization, na sinimulan noong 1976, ay napatunayan nang ligtas at epektibo sa loob ng mahabang panahon at milyun-milyong buhay na ang nasagip ng mga ito. Kabilang sa mga bakunang ibinibigay ng libre sa mga bata at sanggol: tuberculosis, polio-myelitis, diphtheria, tetanus, pertussis, hepatitis, at measles.
“Dapat huwag mawala ang ating tiwala at paniniwala sa ating bakuna ng DOH. Napatunayan na ito ay nagbibigay ng proteksyon laban sa mga sakit,” wika ni Duque. “We save 3 to 5 million patients from developing diseases, which are otherwise prevented by vaccine.”
HOUSE-TO- HOUSE IMMUNIZATION
Upang masolusyunan at mapigilan ang paglala ng problema, magbabahay-bahay ang DOH upang direktang magbakuna sa mga bata at maturuan din ang mga magulang patungkol sa kahalagahan ng immunization.
Nagsasagawa din ng pag-lilibot ang mga opisyal ng DOH sa mga ospital sa buong bansa upang matiyak ang pag-aasikaso at libreng paggamot sa mga pasyenteng nabakunahan ng Dengvaxia, matapos ang mga report ng umano’y pagtanggi at paniningil ng ilang mga ospital sa mga nasabing pasyente.
“Number 1: no balance billing. So kung ano na yung singil ng PhilHealth, okay na dapat yun. Number 2: magkaroon ng dengue triaging, Dengvaxia triaging and one-stop shop or an express lane to prioritize our patients, our Dengvaxia patients, whatever symptoms might be”, pagtatapos ni Duque.