PINAS

Bakuna huwag katakutan — DOH

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

ANG bakuna ang isa sa mga dakilang imbensiyon na nakapagliligtas ng maraming buhay mula sa mga nakamamatay na mga sakit. Dahil din dito ay humaba ang lifespan nating mga tao dito sa mundo.Nguni’t sa ngayon ang bakunang nakapagpapahaba ng buhay ay kinatatakutan na ng marami sa pag-aakalang isa itong uri ng lethal injection sa halip na immunization.

Sa pagputok ng kontrobersiya sa dengue immunization program ng pamahalaan, maraming mga magulang ang tila nagkaroon ng phobia sa pagpapabakuna dahil sa balitang ang bakunang Dengvaxia, na inaasahang magbibigay proteksyon laban sa sakit na dengue na nasa 700,000 na mga bata, ay pinagbibintangan na sanhi ng pagkamatay ng ilang nabakunahan.

  • Ang nasabing programa ay sinimulan sa huling bahagi ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III na ipinagpatuloy sa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.Bago magtapos ang taong 2017, sinuspende ng Department of Health (DOH) ang dengue immunization program at tinanggal na sa merkado ang Dengvaxia matapos aminin ng “severe dengue” na gumawa nito na Sanofi Pasteur na maari itong makapagdulot ng “severe dengue” kapag ibinigay sa mga batang hindi pa nadapuan ng nasabing sakit. Iniulat din ng DOH na nagrefund ang Sanofi ng mahigit PHP 1 bilyon para sa mga hindi nagamit na mga bakuna.

    Ngunit sa pagsusuri ng mga eksperto mula sa University of the Philippines-Philippine General Hospital sa pagkamatay ng 14 na mga batang binakunahan ng Dengvaxia, hindi pa makakabuo ng konklusyon na ang bakuna nga ang dahilan ng kanilang kamatayan, kaya ibayong mga pag-aaral pa ang kinakailangan.

    ANG EPEKTO NG TAKOT NA DULOT NG DENGVAXIA

    Sa kasalukuyan, dinidig sa Senado at Kongreso ang isyu at patuloy na inaalam kung sinu-sino ang dapat papanagutin sa pagsasapanganib sa kalusugan ng daang libong kabataan. Kasabay din ng paggulong ng mga imbestigasyon ang patuloy na pangamba ng maraming mga magulang, na nagpasyang mas mabuti pang huwag na lamang ipabakuna ang kanilang mga anak.

    Ayon sa datos ng DOH, malaki ang bilang ng mga magulang ang hindi nagsali ng kanilang mga anak sa libreng pabakuna ng gobyerno. Mula 87 porsyento, bumagsak sa 57 porsyento ang bilang ng mga nagpapabakuna sa Luzon. Kahit umano deworming o pagpurga sa bata upang matanggal ang mga bulate sa katawan ay kanila na ring tinatanggihan—bagay na ikinababahala ni Health Secretary Francisco Duque III.

  • “One of the most common reasons for refusal is the Dengvaxia has tainted the other innocent vaccines. Even for the benign dewor-ming activity, where they will just swallow tablets, there has been palpable refusal from a lot of parents,” pahayag ni Duque.Kamakailan ay kinumpirma ng DOH ang measles outbreak sa isang barangay sa lungsod ng Taguig, kung saan pito ang naitalang tinamaan ng sakit. Nagdeklara din ng measles outbreak sa Davao City kung saan halos 40 na mga barangay ang may kaso ng measles—mga kasong naiwasan sana kung nabakunahan ang mga biktima.

    Ang measles o tigdas ay isang nakahahawa at nakamamatay na sakit na maaring dumapo sa mga batang edad tatlong buwan pataas. Madalas itong laganap sa malamig na panahon na may sintomas ng skin rashes at lagnat.

    Ayon sa World Health Organization, ang tigdas ay isa pa rin sa nangungunang sanhi ng pagkamatay ng maraming mga bata sa buong mundo. Karamihan ng namamatay sa tigdas ay dahil sa mga kumplikasyon tulad ng pagkabulag, pamamaga ng utak, pagtatae, dehydration, ear infection, at pneumonia.Dahil dito, binigyang diin ni Duque ang kahalagahan ng pagpapabakuna upang matiyak ang proteksyon ng mga bata mula sa mga seryosong sakit na maaring makaapek-to hindi lamang sa kanilang kalusugan, kundi sa kanilang paglaki.

  • Aniya, hindi dapat matakot ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil ang mga bakunang ibinibigay ng gobyerno ay subok nang ligtas.

    Sa ilalim ng Expanded Program on Immunization, na sinimulan noong 1976, ay napatunayan nang ligtas at epektibo sa loob ng mahabang panahon at milyun-milyong buhay na ang nasagip ng mga ito. Kabilang sa mga bakunang ibinibigay ng libre sa mga bata at sanggol: tuberculosis, polio-myelitis, diphtheria, tetanus, pertussis, hepatitis, at measles.

    “Dapat huwag mawala ang ating tiwala at paniniwala sa ating bakuna ng DOH. Napatunayan na ito ay nagbibigay ng proteksyon laban sa mga sakit,” wika ni Duque. “We save 3 to 5 million patients from developing diseases, which are otherwise prevented by vaccine.”

    HOUSE-TO- HOUSE IMMUNIZATION

    Upang masolusyunan at mapigilan ang paglala ng problema, magbabahay-bahay ang DOH upang direktang magbakuna sa mga bata at maturuan din ang mga magulang patungkol sa kahalagahan ng immunization.

    Nagsasagawa din ng pag-lilibot ang mga opisyal ng DOH sa mga ospital sa buong bansa upang matiyak ang pag-aasikaso at libreng paggamot sa mga pasyenteng nabakunahan ng Dengvaxia, matapos ang mga report ng umano’y pagtanggi at paniningil ng ilang mga ospital sa mga nasabing pasyente.

  • “I want to do surprise visits so that I will find out,” wika ni Duque.Samantala, upang matiyak na maserbisyohan ang mga Dengvaxia patients, bumalangkas ang DOH, Philippine Hospital Association, Philippine Medical Association, Private Hospital Association of the Philippines at Association of Hospital Administrators ng kasunduan at ilang panuntunan na magbibigay prayoridad sa kanila.

    “Number 1: no balance billing. So kung ano na yung singil ng PhilHealth, okay na dapat yun. Number 2: magkaroon ng  dengue triaging, Dengvaxia triaging and one-stop shop or an express lane to prioritize our patients, our Dengvaxia patients, whatever symptoms might be”, pagtatapos ni Duque.