NI: Jomar M. San Antonio
ISang karangalan ng bansa ang makakamit muli ng titulo mula sa pandaigdigang kompetisyon. Isang pagkakataon na dinala sa Pilipinas ni Carlo Biado, ang tinaguriang “The Black Tiger” matapos dalhin ang kampeonato ng 2017 WPA World 9-Ball Championship. Isang patunay na Pinoy muli ang hari ng mundo sa larangan ng Billiards.
Bagama’t Pinoy din ang naging katunggali ni Biado sa finals ng nasabing kumpetisyon noong isang taon sa Al-Arabi Sports Club sa Doha, Qatar, pinatunayan lamang nila na dugong Pinoy ang dapat manaig sa billiards sa buong daigdig.
Pitong taon ang lumipas nang mapasakamay muli ng bansa ang titulo na unang hinawakan nina Efren “Bata” Reyes noong 1999 kung saan ginanap ang kanyang laban sa Cardiff, Wales, Ronnie Alcano sa Pilipinas noong 2006, Francisco “Django” Bustamante noong 2010 sa Middle East, at si Alex Pagulayan noong 2004 bagamat watawat ng Canada ang dinala nito. Si Biado ang panlimang Pinoy na sumama sa grupong ito ng mga kampeon.
MULA SA LA UNION
Ang tatlumpu’t apat na taong si Biado ay isinilang sa La Union noong Oktubre 31, 1983 mula sa isang mahirap na pamilya samantalang lumaki siya sa Kamaynilaan kung saan ang kanyang payak na pamumuhay ang naging daan niya sa pagkahumaling sa larong billiards. Labintatlong taong gulang noon si Biado nang magsimulang maglaro nito kungsaan ay isa pa siyang caddie o tee boy sa Villamor Air Base golf range. “Nagwo-work ako after school then bilyar naman sa gabi,” nabanggit niya. Dagdag pa niya, first year high school pa siya noong naglaro siya ng bilyar para kumita.
“Natigil ako sa pag-aaral kasi kapos kami sa pera. So nag-concentrate na lang ako sa bilyar kasi kumikita ako sa mga pusta at nakakatulong sa pamilya,” ika niya. “Kung saan saang sulok ako ng Me-tro Manila nakakarating para lang lumaro.” Isang patunay na ang bilyar ay ang buhay ni Biado mula bata hanggang maging opisyal na atleta ng bansa.
MAHABANG KARERA
Marami-rami na ring kompetisyon ang nilabanan ni Biado at marami-rami na ring titulo ang kanyang naiuwi. Ilan na nga rito ang 2010 Manny Pacquiao Cup, 2011 Philippine National Championship, 2012 Banjamasin 9-Ball Championship, 2012 Green Garden Jakarta 9-Ball Open, 2013 Hard Times 10-Ball Open, ngunit ang 2017 talaga ang taon niya.
Napanalunan din kasi niya ang gintong medalya sa 2017 World Games na ginanap sa Warsaw, United Kingdom na sinundan naman ng isa pang ginto sa Kuala Lumpur Southeast Asian Games. Kasunod naman nito ay ang kompetisyon niya sa Ashgabat para sa Asian Indoor and Martial Arts Games kung saan nanalo naman siya ng bronze na medalya bago pumunta sa Doha at lumaban sa 2017 World 9-Ball Championship. “Kaya napakabuti ng 2017 sa akin,” ika niya kung saan ay naka apat na medalya siya lahat-lahat nitong dumaang taon.
KAKAIBANG KARANASAN
Ayon kay Biado, mala-king pagbabago ang dinala sa kanya ng pagkapanalo niya sa Doha. Ikinuwento niya ang kanyang mga karanasan kungsaan nauna niyang nilabanan at tinalo sina Daniel Tangudd (11-6) at Tomasz Kaplan (11-8) sa knockout phase. Sa round of 16 naman, tinalo naman niya ang kapwa pinoy na si Jeffrey Ignacio sa iskor 11-7.
Ngunit para sa kanya, ang quarterfinals ay ang pagkakataon kung saan niya naramdamang maaari niyang maabot ang oportunidad na maging “The 2017 Champion”. Nanalo kasi siya by default laban kay Liu Haltao ng China matapos mabigo itong magpakita sa tamang oras ng laban nilang dalawa.
Sa semifinals ay pinatumba niya si Wu Kun-lin ng Chinese Taipei (11-6) bago makasagupa ang kapwa pinoy na si Ronald Garcia sa finals na kanya ring nakamit sa iskor na 13-5. “Ang nakakatuwa doon, manalo o matalo Pilipino pa rin ang panalo,” ika ni Biado nang buong pagmamalaki para sa bansa.
Nag-uwi si Biado sa ka-nyang pamilya ng medalya at tropeyo kalakip ang tumataginting na $30,000 (1.5 million pesos).
Nagsimula man sa payak na pamilya ay nagawa pa rin niyang patunayan ang ka-nyang sarili sa napili niyang propesyon. Kahanga-hanga ang kanyang mga natapos at ang maaari pa niyang makamit. Ika nga niya, itutuloy pa rin niya ang laban para sa Pilipinas at sa kanyang kinahiligang isports.
Sipag, tiyaga, at kahit na magsimula pa sa mahirap, dapat lamang lumaban. Iyan ang nakikita natin sa na-ging buhay ni Biado bilang isang manlalaro at hari ng billiards.