Ni: Quincy Joel V. Cahilig
ANG Pilipinas na lamang ang natitirang bansa sa mundo na hindi nagpapatupad ng diborsyo. Ito ay sa kabila ng malakas na panawagan ng publiko na pahintulutan na ng Estado ang paghihiwalay ng mga mag-asawang gusto nang kalagan ang bigkis ng kanilang kasal dahil wala ng pag-asang maisalba ang kanilang relasyon. Bagay na mariin namang tinututulan ng maimpluwensiyang Simbahang Katolika.
Itinuturo ng Simbahan na sagrado ang pagsasama ng isang mag-asawa at hindi dapat sila papaghiwalayin ng tao. Ngunit kung susuriin ang kasalukuyang realidad, may mga pagsasamang winasak na ng maraming masalimuot na problema ng pagtataksil, pang-aabuso, di pagkakasundo, at mga isyung pinansyal.
Nakikita ni Albay Representative Edcel Lagman at ng iba pang mga mambabatas na napapanahon na ang pagpapatupad ng diborsyo sa Pilipinas dahil responsibilidad din ng Estado na tugunan ang maraming kaso ng pang-aabuso at mga kumplikadong isyu sa pagitan ng mga mag-asawa.
“When a marriage totally breaks down and reconciliation is nil, it is also the duty of the State to afford relief to the spouses in irreconcilable conflict relations and bail them out and their children from the tempest of incessant discord,” ayon sa kinatawan ng 1st District ng Albay.
“In absolute divorce proceedings, there is no more marriage to protect or destroy because it has disintegrated much earlier,” wika pa ni Lagman, na miyembro ng oposisyon.
Sa kasalukuyan ay gumugulong sa Kongreso ang “Absolute Divorce and Dissolution of Marriage Bill” na siyang may akda. Nakatakda na itong pag-usapan sa plenaryo matapos makapasa ang naturang panukalang batas sa Committee on Population and Family Relations ng Mababang Kapulu-ngan kamakailan.
Sa ilalim ng naturang panukalang batas, maaring ma-divorce ang isang mag-asawang magkahiwalay na namumuhay ng hindi bababa sa limang taon kung mayroon silang mga problemang hindi na malulutas; at kung mayroong pangangalunya o “se-xual infidelity” sa kanilang pagsasama. Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay sustento sa mga anak ng mga magulang na nag-diborsyo.
Ngunit nilinaw ni Lagman na ang mga mag-asawang nasa “totally broken marriages” at yung mga “void from the start” ang kasal ang maaaring ipataw ang “absolute divorce”.
Kongres vs Simbahan
Nagkakasundo ang magkalabang panig ng mayorya at oposisyon sa Kongreso pagdating sa pagsusulong sa legalisasyon ng diborsyo.
Suportado ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang naturang hakbangin dahil mas mabilis at mas mura ang prosesong ito ng hiwalayan kumpara sa annulment, na kasalukuyang ipinapatupad, na inaabot ng maraming taon at daang libo hanggang milyong piso ang halaga. Marami rin aniyang nananawagan na gawing ligal na ang diborsyo batay sa kanilang public consultations at mga panayam sa mga overseas Filipino workers.
Lumabas sa isang isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS), 60 porsyento o anim sa 10 Pinoy ang pabor na gawing ligal ang diborsyo sa bansa para mabigyan ng karapatan makapagpakasal sa iba ang mga mag-asawang wasak na ang relasyon.
Sa kabila ng nagkakaisang sentimyento ng publiko at ng Kongreso, mariin pa rin ang pagtutol ng Simbahang Katolika na maisabatas ang diborsyo dahil sisirain lamang umano nito ang mga institusyon ng pamilya.
“The Church is all for the protection of rights especially of the aggrieved parties,” wika ni Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng Ca-tholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
“While divorce may indeed vindicate the rights of women, as congressmen believed, it is unfortunately to the detriment of marriage and family as sacred institutions that should otherwise be protected by the State,” dagdag ng opisyal ng CBCP. “Divorce is anti-marriage and anti-family!”
Ito na ba ang tamang panahon?
Kung kasaysayan ang pagbabatayan, hindi gano’n kabago ang diborsyo sa Pilipinas. Ayon sa certified life coach na si Christine Maple-Francisco bago pa ang pa-nanakop ng mga Kastila, ang diborsyo ay nasa legal system na ng mga tribo ng Tagbanua sa Palawan, Gudang ng Nueva Vizcaya, Sagadan at Igorot sa Cordillera, at mga Manobo Bila-an Moslems sa Visayas at Mindanao.
Wika ni Maple-Francisco, matutulungan ng diborsyo ang mga kababaihan, lalo na ang mga mahihirap, na kumawala sa isang relasyong wala nang idinudulot sa kanilang buhay kundi pasakit at paghihinagpis.
“It will help women, especially the poor ones, who are trapped unhappy in an abusive relationship. They will have the clear breath from spousal abuse from irremediable breakdown, marital infedility, and psychological incapacity. Family can also have peace of mind from damaging the children and wife. It will protect the wife or woman and children from further violence in the case of abusive relationship,” aniya.
Dagdag ng naturang eksperto, sa ilalim ng panukalang batas ay magkakaroon ng tamang hatian ng kayamanan ang mag-asawang maghihiwalay at oobligahin ng Estado na suportahan ang isang partidong kumikita na sustentohan ang dating esposo kung wala siyang trabaho, na isang napakahalagang bagay lalo na’t may mga kaso kung saan hindi pinahihintulutan ng lalake ang kaniyag misis na humawak ng pera.
Ngunit para kay Maple-Franciso, mahalagang mapa-ngalagaan ang pagsasama ng mag-asawa at hindi na dapat humantong pa sa pang-aabuso at hiwalayan kung sila ay mayroong pag-ibig, respeto, pag-unawa, at suporta sa isa’t-isa; lalo na ng gabay ng Pa-nginoon.
Nguni’t batid din niya na sa realidad ay may mga nagaganap na mga pang-aabuso ng mga mister sa kanilang misis. Ang kaniyang payo sa mga nakakaranas nito, huwag matakot magsalita.
“Don’t live in the realm of wishes. Violence against women is now six folds higher, within 2001-2017. To suffer in silence to keep family together and avoid the stigma of a broken marriage but this is not the answer.” wika ni Maple-Franciso.
“When a woman is a battered wife she must have the freedom and the right to get out of the marriage and the fatality severe the bond that has been destroying her.”