Pinas News
HINDI naman dapat na nakagugulat para sa isang bansang gaya ng atin na maging maingay ang pulitika.
Napakarami nating hinaharap na mga usapin kaya likas na lamang na maraming mga interes ang maglalabasan. Ito ang ugat ng ingay pampulitika sa kahit anong lipunan. Linawin natin na ang isang usapin o “issue” ay isang bagay na nakagugulo sa isang tao o isang grupo ng mga tao. Sa partikular,
ang isang isang usapin ay isang problemang panlipunan. Ito ay panlipunan dahil problema ito hindi lamang ng iilan subalit ng maraming tao.
Nariyan ngayon ang mga usaping pampulitika ang Impeachment, ang pagpapawalang-sala sa ilang personalidad na naakusahang drug lords, ang pagpapalibang muli sa barangay elections, at ang panukalang pagbabago sa Konstitusyon at porma ng gobyerno.
Mayroon ring mga usaping pang-ekonomiya’t pangkalikasan gaya ng panukalang pagpapasara sa Boracay, ang patuloy na pagtaas ng mga presyo dahil sa ipinataw na dagdag-buwis sa petrolyo, ang paglobo ng utang panlabas ng ating bansa at papainit a panahon na maaaring magpalobo pa sa pagkonsumo ng kuryente ngayong mga buwan ng tag-init.
May ilan ring piling usa-pin na tampok na sa mahahalagang sektor at lugar sa bansa. Nariyan ang usapin sa vaccination at kalusugan na pinaiinit ng patuloy na imbestigasyon sa naging kapalpakan sa paggamit ng gamot na Dengvaxia.
Siyempre pa, sa mga Manilenyo sa partikular, ang matinding trapik na kumakain sa bilyun-bilyong pisong produktubidad nating mga mamamayan sa Kalakhang Maynila. Mayroon pa ngang usaping binabato ang ating mga lider laban sa ilang institusyong pandaigdigan at mga opisyal ng mga ito hinggil sa pakikialam at pamumuna daw ng mga ito sa ating pamahalaan.
Ang tanong, alin dito ang dapat bigyang-diin at unahin? Alin ang dapat big-yang- pansin? Mainit na usapin ang lahat ng ito at dapat namang bigyang-pansin. Lumilikha ng ingay ang lahat dahil may mga mga tunay na interes namang nasasaling o tinatamaan.
Sa pangkalahatan, ang kailangan natin ay mga matatalinong mamamayan na kalmadong sumusuri sa lahat ng usapin subalit matamang tumatayo sa kung ano ang tunay na mga usapin—tunay dahil ang mga ito ang talagang problema o banta sa nakararami sa ating bansa sa ngayon.
Kung paglilimian, ang hindi kanais-nais na ingay pampulitika ay iyong mula sa mga pekeng usapin na nilikha lamang at bunsod ng mga interes na nais lituhin at pag-initin ng wala sa lugar ang emosyon ng ating mga mamamayan.
Huwag tayong mabahala sa ingay pampolitika sa ngayon. Hindi na bago ang marami diyan. Huwag tayong basta magpadala sa kung anumang pambubuyo ng kung anumang grupo at kung anu-anong panawagan. Mag-isip. Magdesisiyon at kumilos ayon sa matamang pagsusuri.