PINAS

Kredibilidad ng war on drugs kinuwestyon, matapos maabswelto sa drug charges ang mga drug lords 

 

Pinas News 

Kinuwestyon ngayon ng Makabayan Bloc sa Kamara ang kredibilidad ng war on drugs ng Duterte administration kasunod ng pagkakaabswelto ng umanoy  big time drug lords na sina Kerwin Espinosa,Peter Lim at iba sa kasong isinampa ng PNP-CIDG.

Batikos agad ang isinalubong ng Makabayan Bloc sa Kamara matapos hingan ng reaksyon sa pagkakaabswelto ng umano’y mga big time drug lords sa kasong isinampa  na may kinalaman sa iligal na droga.

Ayon sa grupo, kwestyunable na ang war on drugs ng pamahalaan dahil mistulang kinakanlong pa nito ang mga lantad na mga drug lords sa bansa.

Mungkahi naman ng grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte, sibakin sa pwesto si DOJ Secretary Vitaliano Aguirre at ihinto ang war on drugs.

Samantala, bumuo na ang DOJ ng bagong panel of prosecutors na hahawak sa ihinaing motion for reconsideration ng PNP-CIDG sa pagkakabasura ng national prosecution service sa drug case laban kina Peter Lim at aminadong drug lord na si Kerwin Espinosa.

Sa bisa sa Department Order 151 na pirmado ni Justice Sec. Vitaliano Aguirre, itinalaga nito bilang bagong mga miyembro ng panel na sina Senior Assistant State Prosecutor Juan Pedro Navera, Assistant State Prosecutor Ana Noreen Devanadera at Prosecution Attorney Herbert Calvin Abugan.

Itinalaga din muna bilang acting prosecutor general para sa kasong ito si Senior Deputy State Prosecutor Richard Anthony Fadullon.

Ang nasabing panel ang inaasahang reresolba sa motion for reconsideration ng PNP-CIDG-MCIU matapos ibasura ng naunang panel of prosecutors ang drug case laban kina Peter Lim alyas Jaguar, Kerwin Espinosa, Peter Co, Lovely Impal, Marcelo Adorco, Max Miro, Ruel Malindagan, Jun Pepito at ilan pang John Does.

Samantala, ipinag-utos naman ng DOJ sa NBI ang pagiimbestiga sa National Prosecutions Service na nagabswelto sa mga nabanggit na personalidad sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga.