PINAS

Literasiya sa Siyensya

Ni: Assoc.Prof. Louie C. Montemar

NAKABABAHALA lalo na sa isang tulad kong gurong interesado sa agham ang mapansing napakabilis kumalat ng mga maling balita hinggil sa pagbabakuna, halimbawa, sa usapin Dengvaxia. Idagdag pa rito ang kakatwang pagdami ng mga kasapi ng isang grupo sa social media na kilala bilang “Flat Earth Society”.  Sa aking pananaw, maaaring indikasyon ang mga ito ng ating kahinaan bilang lipunan sa tinatawag na “science literacy” o “literasiya sa siyensiya.”

Ang literasiya sa siyensiya o agham ay ang kaalaman at pag-unawa sa mga konsepto at prosesong pang-agham na kinakailangan ng isang tao para sa pagdidesisyon, paglahok sa mga gawaing sibiko at pangkultura, at mga produktibong gawain sa ekonomiya.

Sa pagkakaroon ng ganitong uri ng literasiya, ang isang tao ay nakapagtatanong, nakahahanap, o nakatutukoy ng tugon sa mga katanungang bunsod ng kanyang pagkamausisa sa mga karanasang pang-araw-araw. Ang isang tao na may li-terasiyang pangsiyensiya ay may kakayahang ilarawan at ipaliwanag ang natural na paggalaw ng mga bagay sa kanyang kapaligiran. Armado ng ganitong uri ng literasiya, nakikilala ng isang tao ang mga isyung pang-agham kabilang na iyong mga may kaugnayan sa mga desisyong pambansa at lokal at nakapagpapahayag siya ng posisyon hinggil sa mga ito batay sa kaalamang pangsi-yensiya at teknolohikal.

Batay sa ideya ng literasiyang pangsiyensiya, maaaninag kung bakit—bilang halimbawa—sa usapin ng Dengvaxia, marami ang tila madaling nadala sa takot. Dahil hindi malinaw sa lahat kung paano gumagana ang pagbabakuna, kung sinu-sino at anu-ano na lamang ang sinisisi ng marami sa kinahinatnan ng usapin. Pati tuloy ang ibang pagbabakuna, kahit hindi pa ng Dengvaxia, iniiwasan na ng ibang mga magulang.

Hindi naman bago sa akin na may usapin sa scientific literacy sa ating bansa. Noon pa man, ito na ang hinuha ko dahil sa datos mula sa mga pag-aaral at pagsusulit—ang “TIMSS” o Trends in International Mathematics and Science Studies noong 1995, 1999, at 2003. Sa mga pag-aaral na ito, nakitang ang mga batang Pilipino na nasa grade four sa elementarya at ikalawang taon sa high school ay mahina sa tatlong aspeto ng pagkatuto: kaalaman sa mga facts, pag-unawa sa mga konsepto, at pagdadahilan at pagsusuri. Ito rin ang makikita sa National Achievement Test na binibigay ng Department of Education.

Ayon sa mga pang-akademikong pag-aaral, may ilang dahilan sa sitwasyong ito: kakulangan  sa mga qualified na guro, isang curriculum na labis-labis ang laman, kakulangan sa maayos na aklat at kagamitan sa pagtuturo, at kawalan ng mga gamit pangsiyensiya.  Kailangang patuloy ng mamuhunan sa edukasyon ang pamahalaan at sa apat na salik na nabanggit higit na dapat magtuon ng pondo.  Gawin sanang tunay na mga prayoridad ang mga ito.

Kung ‘di natin ito gagawin, patuloy na dadami pa ang maniniwala sa, halimbawa na lamang, kasinungalingang hindi isang globo ang mundo at nakamamatay ang bakuna. Patuloy din tayong lilikha ng mga pinunong makitid ang pag-unawa at baluktot ang pamamahala.