PINAS

Luis Manzano sa abroad pakakasalan ni Jessy Mendiola

Ni: Beth Gelena

LAGI namang sinasabi ni Luis Manzano na si Jessy Mendiola na ang tamang babae sa kanya. Hindi rin niya itinatanggi na may plano na siyang pakasalan ang dalaga ‘yun nga lang ay wala pang definite time but if ever daw ay sa abroad nila planong magpakasal si Jessy. May choices na raw silang naisip na kailangan daw muna nilang mapuntahan para ma-ocular.

Hindi naman itinatanggi ng mahusay na TV host na pinag-uusapan nila ng girlfriend ang marriage. Katunayan nag-post si Jessy ng picture sa kanyang Instagram account na nakasuot ng wedding gown at may comment si Luis ng “soon po.” Tanong tuloy ng netizen kung kelan ba talaga?

“Soon, yun naman talaga, hindi ko naman nilalabo o itinatago under different context. Definite date? Wala pa talaga, but definitely soon.”