PINAS

Malls at pag-unlad

Ni: Assoc.Prof. Louie C. Montemar

NAGUGULAT ang mga banyagang unang dating pa lamang sa bansa kapag nakikita nila ang mga naglalakihang “malls” sa Kalakhang Maynila. Mas malalaki pa raw kasi ang mga malls natin kum-para sa mga nasa bansa nila, kahit na sa mga mauunlad na bansa. Kapansin-pansin din sa kanila ang bilang ng mga makabagong pamilihan at sentro ng pagliliwaliw na ito—oo, hindi ba’t pamilihan at lugar ng kasiyahan naman sa esensiya ang mga malls?

Sa Kalakhang Maynila (Metro Manila) pa lamang, may mahigit dalawandaang malls o “shopping centers” na. May tinatawag na mga “supermalls” (may hindi bababa sa labing-anim sa Maynila) Sila iyong mayroong higit sa isandaang mga lokal at internasyonal na tindahang pinagsasama-sama at nakaangkla sa hindi bababa sa isang department store at supermarket o hypermarket. Maraming mga kainan at lugar aliwan (entertainment) sa mga ito. Halimbawa nito ang Mall of Asia sa lungsod ng Pasay.

  • Mayroon ding walumpung (80) “community malls.” Ito ang mga pangkomunidad o pampook na shopping center na nakabatay sa isang department store o supermarket. Ang mga shopping center na ito ay matatagpuan sa mga suburban at residensiyal na lugar at kadalasang nagsisilbi sa mga pangunahing pa-ngangailangan sa pamimili ng mga residente ng lugar. Halimbawa nito ang Ali Mall sa Quezon City at ang Harrison Plaza sa Maynila. Ang dalawang ito ang pinakamatandang mall na nasa Kalakhang Maynila sa ngayon.

    Mayroon pang 22 Lifestyle Malls gaya ng Century City Mall at Circuit Lane sa Makati; 41 Strip Malls gaya ng Harbour Square sa Pasay City at Centris Walk sa Quezon City; 33 Retail Podiums gaya ng Serendra Piazza sa Taguig City at The Podium sa Mandaluyong City; 16 Bargain Malls at open shopping plaza gaya ng Baclaran Supermall sa Parañaque City at Tiendesitas sa Ortigas Center, Pasig City.

    Ang SM Prime, ang pinakamalaking mall operator ng bansa, ay may aabot sa 370,000 trabahador. Noong 2015, P35 bilyon, ang ini-ambag na kita ng mga SM malls sa grupo ng SM, ang SM Prime ay may 56 mall sa Pilipinas at anim na shopping malls sa China, sa Ayala Land naman, ang kita mula sa mga shopping center ay umabot sa P13.37 bilyon noong 2015 kung iisipin, malawak na daloy ng kasaysayan at paghubog ng lipunan, ang mga malls ngayon ang sentro ng kalinangan o kultura sa ating mga pangunahing lunsod. Kung dati nariyan ang mga plaza at parke o pasyalan, ngayon nariyan na ang mga malls, pati nga mga misa ay ginaganap na rin sa mga ito.

  • Mainam sigurong pag-aralan pa at bigyan-pansin kung gayon ng ating mga namumuno kung ano ang mga proyektong pangkultura na maaari pang masagawa para sa mga mamamayan sa mga malls. At sana naman, maging mas bukas pa ang mga mall sa mga proyektong pampubliko. Lubusin pa natin ang mga sentrong ito ng komersiyo upang maging mga sentro rin ng kalinangan. Kung tutuusin, hindi naman tungkol lamang sa komersiyo o pinansiya ang pag-unlad. Ang tunay na kaunlaran ay nangangahulugan din ng pagyaman ng ating kalinangan.