PINAS

Martial artists maghaharap-harap sa ONE: Heroes of Honor

Ni: Jonnalyn Cortez

NAkatakda na ang paghaharap ng mga batikan sa mixed martial arts (MMA) sa nalalapit na ONE: Heroes of Honor sa Mall of Asia Arena sa Pasay.

Inanunsyo ng One Championship ang pagtatagpo ng mga pinakamagagaling mula sa lokal at internasyonal na mga bansa sa darating na Abril 20.

Pinakaaabangan din ang paglulunsad ng ONE Super Series sa darating na pagtatagpo. Ipapakita nito ang pinaka-epek-tibong “striking arts” at iimbitahan ang pinakamahuhusay na martial artist mula sa Muay Thai, kickboxing, karate, taekwondo, wushu, sanda, at marami pang iba. Ipapakita ng mga ito ang kani-kanilang mga galing sa channel ng ONE Championship.

Makasaysayang pagtatagpo

Ipinagmalaki ng chairman at CEO ng ONE Championship na si Chatri Sityodtong na ang magaganap na ONE: Heroes of Honor ay isang makasaysayang tagpo para sa ONE Championship.

“For the first time ever, we are combining the action and thrill of mixed martial arts with the authenticity of the world’s most elite striking arts in ONE Super Series,” anito.

Sa katunayan, nasasabik na itong ipakita ang kanilang bagong ring kung saan magaganap ang pinakamaiinit na aksyon at laban. Dito rin nila sasalubungin ang mga pinakamagagaling na martial artist sa buong mundo na kanilang tinaguriang pinaka-prestihiyosong entablado sa daigdig para sa nasabing kumpetisyon.

“It’s going to be an evening filled with excitement as we showcase the best in martial arts, and with ONE Super Series, ONE Championship is now the largest martial arts organization in the world,” dagdag ni Sityodtong.

Labanang Kevin Belingon at Andrew Leone

Pangungunahan ni Kevin “The Silencer” Belingon mula sa Team Lakay ng Baguio City ang darating na ONE: Heroes of Honor. Sinasabing isa siya sa pinaka-mahusay na martial artist sa Pilipinas.

Kilala si Belingon bilang mabangis na katunggali dahil sa kakayahan nitong patumbahin ang kalaban sa iba’t-ibang paraan. Hawak nito ang propesyonal na rekord na 17-5 at isa rin siyang da-ting world title challenger at kampeon.

Pinagmamalaki rin ng 29-anyos na wushu stalwart ang tala nitong pitong pinakamalalaking knockout. Isa rin siya sa mga pinakatatakutang striker sa deep bantamweight division ng ONE Championship. Sa kanyang huling laban, nagwagi ito sa pamamagitan ng nagkakaisang desisyon laban kay Kevin Chung.

Mula naman sa Cortland, New York, ang makakalaban ni Belingon na si Andrew Leone. Itinuturing ang 28-anyos na martial artist bilang pangunahing kalaban sa deep bantamweight division ng ONE Championship.

Sa katunayan, nagsanay si Leone kasama ang mga pinakamahuhusay na martial artist sa Asya sa kilalang Bali MMA gym sa Bali, Indonesia.

Hinarap na rin ng nasabing manlalaro sa kanyang pinakahuling laban ang ONE Bantamweight World Champion na si Bibiano Fernandes. Nanalo na rin ito ng tatlong beses sa kanyang limang laban.

Bunsod nito, naglalayong makabalik si Leone sa labanan ng titulo. Kaya, kung  papalarin itong manalo laban kay Belingon, maaari itong makabalik sa mga manlala-rong may titulong hawak.

Maghaharap si Belingon at Leone sa darating na tagpo sa global rule set na 65.8 kilo.

Paghaharap ni Honorio Banario at Adrian Pang

Mula naman sa Team Lakay ni Belingon, si Honorio “The Rock” Banario ay isa sa pinaka-ginagalang na beteranong martial artist sa matagal ng panahon sa Pilipinas.

Sa katunayan, nalibot na nito ang buong Asya dahil sa kanyang napakalawak na karanasan sa martial arts. Kasama na rin dito ang napakaraming hindi malilimutang laban kontra sa pinakamagagaling na martial artist.

Ilan nga sa napakaraming kakayahan nito ay ang ka-nyang lakas sa striking. Nagpamalas din ito kamakailan ng kagalingan sa grappling game.

Bunsod nito, muling makikita ng kanyang mga tagasunod ang pagpapamalas ni Banario ng husay pagda-ting sa wushu at kasing-bilis ng kidlat na strikes laban kay Adrian “The Hunter” Pang.

Kilalang beteranong martial artist din ang makakaharap ni Banario na si Pang. Mula ito sa Queensland, Australia, at mayroong 22-11-2 na propesyonal na rekord.

Dahil sa kanyang kakaibang kakayahan, walang-takot na diskarte sa labanan at dalawang dekadang karanasan, nababawasan na nga ang gustong lumalaban dito.

Kilala si Pang dahil sa ka-nyang kahanga-hangang tibay, kakaibang lakas at kakayahang hakbangan ang kanyang mga kalaban nang halos hindi pumapalag.

Magtatagpo sa bagong ring ng ONE Championship si Banario at Pang sa global rule set na 77.1 kilo.