PINAS

Napoles: State o fake witness?

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

MAHIGIT 16 milyong mga botante ang naghalal kay Rodrigo R. Duterte na ma-ging pangulo ng bansa noong 2016 National Elections sa pag-asang tutuparin nito ang binitiwang pangako na susugpuin ang problema ng droga, krimen, at katiwalian na naglulugmok sa bansa sa kahirapan.

Ngunit ang katuparan ng pangakong ito ay tila nababahiran ng mga pagdududa dahil sa kontrobersyal na mga hakbanging isinagawa ng Department of Justice (DOJ) kamakailan, na tila baga pag-aabswelto sa mga itinuturong utak ng mga iligal na gawain sa bansa.

Una, ay ang pag-dismiss ng mga prosecutor ng DOJ sa isinampang kaso ng PNP sa mga umano’y drug lords na sina Peter Lim, ang umamin na drug lord na si Kerwin Espinosa, at iba pa nilang mga kasamahan dahil sa umano’y mahinang ebidensyang inihain ng Criminal Investigation and Detection Group.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano N. Aguirre II, ang dismissal ng mga drug char-ges ay maari pang-baliktarin.

Ngunit matapos ang ilang araw, pumutok naman ang balita ng paglalagay ng DOJ kay Janet Lim Napoles, sa Witness Protection Program (WPP), na nakikita ng ilan na tila pagpapawalang sala sa tinaguriang reyna ng Pork Barrel Scam, na may mga kaso ng pandarambong at katiwalian sa Sandiganba-yan.

Kinumpirma ni DOJ Undersecretary Erickson Balmes na si Napoles ay “partially admitted” sa WPP pero wala umano siya sa physical custody ng program dahil sa “provisional status of the admission.”

Napoles karapatdapat nga ba sa WPP?

Sa ilalim ng WPP, si Napoles ay poprotektahan siya ng estado at pagkakalooban ng tulong pinansyal at medikal, na galing sa pondo ng pamahalaan.

Pero sabi ng Sandiganbayan, kailangang mapatunayan muna ng kampo ni Napoles ang mga alegasyon nitong harassment at pa-nanakot.

“Where is the evidence? Why is it that you are filing this motion?” tanong ni Fifth Division chairperson Associate Justice Rafael Lagos sa kampo ni Napoles sa paghaharap ng dalawang panig.

Sinagot naman ng abogado ni Napoles na si Carlo Acasili na “confidential” umano ang proceedings ng mosyon ng kanyang kliyente at ang DOJ anya ang dapat na tumugon sa katanungan.

“But you already alleged it. What’s confidential about that? You have no proof to support your allegation of reported harassment?” tanong muli ni Lagos.

Ipinunto ng kampo ni Napoles na ni-ransack ang kanyang selda sa Camp Bagong Diwa ng mga di pa natukoy na suspek na tumangay sa kanyang laptop at mga dokumentong mahalaga sa ka-nyang depensa.

Ipinagtaka naman ni Associate Justice Geraldine Faith Econg ang insidente. Aniya paano nangyaring nakakagamit ng laptop si Napoles sa loob ng selda kung ang kapwa dawit sa PDAF scam na si dating senador Bong Revilla ay kailangang humingi pa ng pahintulot na makagamit ng kanyang laptop.

“You mean to say a laptop and documents were left with Napoles? That is strange. What kind of arrangement is this?” sabi ni Econg.

Dagdag ng kampo ni Napoles, nakatatanggap din ng pananakot ang mga tauhan ng DOJ na lumilikom ng mga affidavit ni Napoles.

“You are asking Napoles to be admitted by WPP. If the ones visiting her are in danger then they should be in WPP, not Napoles,” sabi ni Econg.

Binigyan ng Sandiganba-yan ang kampo ni Napoles ng 10 araw upang makapag-file ng kumento o oposisyon sa mosyon.

Napoles, may kredibilidad ba?

Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimintel, Jr., kahit magdawit pa ng mga panibagong pangalan sa PDAF scam si Napoles, hindi pa rin nito malilinis ang kaniyang pangalan at siya pa rin ang “most guilty”.

“Para ika’y maging state witness under WPP, dapat you should not appear to be the most guilty, maaaring one of the most guilty siya, pero hindi ka dapat ang most guilty. So kung mapapatunayan natin na ang isang witness ay maraming kapantay na guilty katulad halimbawa ng mga government official, yan po ay may posibilidad na siya ay maging state witness,” paliwanag ni Pimintel.

Matatandaan na sa im-bestigasyon ng Senado noong 2013, lumabas na si Napoles ang mastermind ng multi-billion peso PDAF scam, pondong para sana sa mga proyekto ng gobyerno na napunta sa bulsa ng ilang mambabatas, staff, pribadong indibidwal, at mga non-go-vernment agencies.

“Sino ang paulit-ulit na pangalan ang lumabas? Sino ang nagbuo ng foundation?  Ikaw yung nagbuo ng scheme tapos ikaw ngayon ang kakanta laban sa mga nakinabang?” komento ni Pimintel.

Para naman kay Senador Leila De Lima, hindi mapagkakatiwalaan si Napoles dahil gagawin nito ang lahat para maiwasan ang prosekusyon.

Kwento ni De Lima na noong siya ang DOJ secretary, nang mag-execute ng affidavit si Napoles, tinanong siya nito, “Sino ba ang gusto niyong isama?”

“Napoles is no different from a karaoke club regular. She will sing anything she is asked to. She is indeed the ideal witness for a crooked administration, to use against its critics and vocal dissenters,” wika ni De Lima.

Nooong 2017, inanunsyo ni Aguirre ang pagkakasangkot umano ng opposition senators na sina De Lima, Antonio Trillanes IV, at Franklin Drilon sa pork barrel scam, impormasyong nakuha niya sa kampo ni Napoles, na itinanggi naman ng mga mambabatas.

Bilang na ba ang mga araw ni Aguirre sa DOJ?

Sa kabila ng mga panawagan na siya ay bumitaw sa pwesto, naninindigan si Aguirre na hindi siya magre-resign.  Ngunit, sabi ng Malacañang, kung mapatunayang may katiwaliang ginawa ang kalihim, hindi malayong sibakin siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Spokesman Harry Roque, kung nagawa ng Pangulo na patalsikin sa pwesto ang ilang malapit na kaalyadong nabahiran ng kurapsyon, tulad nina da-ting interior secretary Ismael Sueno at dating national irrigation admistrator Peter Laviña, hindi malayong mangyari ang kahalintulad kay Aguirre.

Dagdag ni Roque, dapat seryosohin ng mga opisyal ng gobyerno ang mga pahayag ng Pangulong Duterte laban sa kurapsyon.