PINAS

Nganga sa lovelife, Glaiza de Castro nilamon ng showbiz

Ni: Wally Peralta 

NALALAGAY ngayon sa isang matitinding challenge ang Kapuso young actress na si Glaiza de Castro hindi dahil sa intriga kundi dahil sa bago niyang project sa Kapuso Network, ang “Contessa.” Ang naturang teleserye ang kapalit sa naiwanang timeslot ng number one noontime soap ng bansa ang “Ika-6 Na Utos”.

Sa naging success nito ay marami na ang nakakapagsabing mahihirapan na ang mga susunod pang teleserye na magaya o mapantayan man lamang ang kasikatan na naabot ng “Ika 6 Na Utos”.

Ang “Contessa” ay istorya ng isang babaeng naakusahan at nakulong sa isang pangyayaring wala itong kinalaman. Naghirap at naghiganti sa mga taong umapi sa kanya. Nagsimula bilang si Bea, bumangon sa katauhan ni Contessa.

Ano kaya ang nasa isip ngayon ni Glaiza sa pagsisimula ng kanyang bagong teleserye? “Sobrang honored ako. The role itself is challenging at napakalaking responsibility siya. It just means na ganun kalaki ang tiwala sa akin ng GMA and naappreciate ko na binibigyan nila ako ng important projects that will enhance my skills as an actor,” ang pambungad na sagot ni Glaiza.

“I love my role kasi she starts as someone na malinis ang mga intensyon sa buhay.”

“Gusto lang niyang magkaroon ng mapayapang buhay, pero may mga taong hahadlang sa layunin niya at hindi siya hahayaang magkaroon ng peaceful life kaya mapipilitan siyang lumaban at gumanti. This is a revenge drama na maraming taong inapi ang tiyak na makaka-identify.”

MALAKING RESPONSIBILIDAD

Sabi nga, ‘big power comes with big responsibility’. At tila angkop ngayon ito kay Glaiza dahil pati ang pamagat ay pangalan ng kanyang karakter sa teleserye. “Nakaka-fuel para sa positive side pero kung sa ngayon ay ipagdarasal ko na lang muna na sana maabot din namin ang tagumpay ng “Ika 6 Na Utos”. 

“Ipagdarasal ko na pumantay siya o na kahit paano ay matanggap din siya ng mga televiewers, at magmarka sa mga tao.”

NEXT BIG STAR TO WATCH

As early, marami na ang nagsasabing may chance na magningning ng husto ang showbiz career ni Glaiza dahil sa bago niyang teleserye sa Siete. Kung matatandaan, wala ring kaingay- ingay noon ang “Ika 6 Na Utos” nang magsimula itong i-ere.

Pero sa pagtatapos ng naturang show, maraming artista na kasama sa “Ika 6 Na Utos” ang gumawa ng ingay at mas nakilala. Andiyan sina Ryza Cenon bilang si Georgia at Arrianne Bautista, ang matalik na kaibigan ni Georgia bilang si Selma.

Muling sumigla naman ang karir nina Gabby Concepcion na tsikang tumaas na raw ang talent fee ngayon sa pagsikat nitong muli, damay din sina Odettem Khan, Angelika dela Cruz at Sunshine Dizon. Keri na ba ni Glaiza na matawag ngayon na ‘next big star to watch.’

“Well, nakakatuwa naman kung sakaling magaya namin o kaya mapantayan man lamang ang success ng “Ika 6 Na Utos?”

“At alam ko rin naman na kung mayroon mang ibibigay sa akin ang GMA-7, binigay yun dahil sa kaya ko. Kumbaga, kung tatagal din kami ng isang taon sa ere, kakayanin namin, masaya yun.”

“Masasabi kong masarap pakinggan pero I’d rather think na nagtatrabaho lang ako, ginagawa ko lang kung ano ang dapat kung gawin.”

“Kung ano man yung naisip nila at i-acknowledge nila sa akin, salamat po.”

CAREER OVER LOVE

Matagal tagal na rin naman na walang balita kay Glaiza hinggil sa kanyang lovelife, maliban sa katotohanan na zero lovelife siya hanggang sa ngayon, ilang taon na rin naman siyang loveless. Ngayon na sasabak siya sa isang daily soap, malamang na mas malaki ang chance na magiging loveless pa rin siya sa mga darating na mga araw, di kaya?

“Sa personal kung buhay, ha ha ha!

“Sa ngayon masasabi ko na… balance!”

“Dahil mayroon akong time para sa sarili ko, mayroon akong time para mag-travel.”

“Yung sa lovelife, ano, eh kailangan pa nating ‘anuhin’ yan, kumbaga parang babadan yan, pero masasabi kong isang factor ang siya sa buhay ko!”

“Hindi pa kasi ako ngayon nagfu-fulltime diyan. Kapag nagfulltime ako sa lovelife baka mawala naman sa akin ang mga projects, ha ha ha ha!” ang masayang pagtatapos ni Glaiza de Castro.