PINAS

POEA at DFA, nagbabala kontra scams at fixers sa online

Ni: Vick Aquino Tanes

MARIING nagpapaalala ang pamunuan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) kaugnay sa mga fixers na nagsasamantala sa mga Pinoy na nais maging Overseas Filipino Worker (OFW) na iwasan ang magpaloko sa mga fixer at mga online registration systems.

Ayon kay Ricarte Abejuela III, DFA acting Director ng Passport Division ng Office of the Consular Affairs, libre ang pagkuha ng appointment slot at walang kailangang bayaran. Kasunod nito ang pagkakahuli ng Southern Police District (SPD) sa mahigit 23 na nagbebenta ng passport appointment slot.

“Ang pag-schedule po ng appointment online ay libre at wala pong bayad,” ayon kay Abejuela na nag-aabiso rin na scam ang mga Facebook posts ng mga nagsasabing nagbibigay sila ng passport appointment.Kasabay nito ay nagbukas din ang DFA ng Passport on Wheels (POW) programs upang maibigay ang serbisyo sa malaking demand para sa slots. “Ang mga aplikante lamang po ay dapat na masugid na magtungo sa online application site ng DFA upang maagang makakuha ng puwesto at hindi maubusan,” dagdag pa ni Abejuela.

“Huwag po nating hayaan na mabiktima tayo ng mga fixer. Huwag po natin silang bigyan ng pagkakataon na wasakin ang maayos na proseso kapalit ng halaga. Asahan po ninyo na ang DFA ay patuloy na pag-iisip ng ma-kabago at magaan na paraan para po maging mas maayos ang pagbibigay ng passport sa ating mga kababayan,” paliwanag pa ni Abejuela.

Ang DFA ASEANA office ay bukas sa serbisyo kada Sabado simula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon upang maserbisyuhan ang mas maraming aplikante. Ang DFA ay magbubukas din ng walong consular offices at maglulunsad ng e-payment system na magpapagaan sa pagbabayad ng mga passport applicant.Nagbabala pa ang pamunuan ng DFA na may kaukulang kasong paglabag sa Republic Act No. 9485, o estafa ang sinumang mahuhuli na nagbebenta ng appointment slot ng DFA.

POEA VS. ONLINE REGISTRATION SYSTEM

Samantala, nagbigay ng babala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa lahat ng lisensyadong recruitment agencies at medical clinics kaugnay sa pekeng online registration system. Partikular na binalaan ang mga Overseas Filipino Wor-kers (OFW) na nag-aayos ng mga papeles patungo sa labas ng bansa na
iwasan ang magparehistro sa kumpanyang Gulf Cooperation Council, Ministry of Health.

Ayon sa pamunuan ng POEA, hindi lisensyado ang papeles ng Gulf Coo-peration Council, Ministry of Health at posibleng hindi maprocess ang dokumento dahil walang sapat na papeles ito na maibibigay sa mga OFW. Sa inilabas na advisory ng POEA, itinatanggi naman ng Department of Health (DOH) ang schemes na ginagamit ng Gulf Cooperation na kung saan ay pinagbabayad ang mga aplikante ng $10 para sa registration fee ng provision of Pre-Employment Medical Examination.

Ang DOH ay mayroong Medical Facilities for Overseas Workers and Seafarers (MFOWS) na mas makakatulong sa mga OFW na mapadali ang pagproseso ng mga papeles.

POEA VS SEAFARERS DEPLOYMENT BAN

Kasabay nito, nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga shipping companies na huwag pababain ang mga seafares sa mga bansang sakop ng deployment ban.

Ayon sa abiso ng POEA, pinag-iingat ang mga Pinoy seafarers na makadaong sa mga bansang may mahigpit na nagpapatupad ng deployment ban upang maiwasan ang anumang problema na maaaring mangyari sa mga OFW. Walang shore leaves sa mga marinong Filipino na ang sinasakyang barko ay magsasagawa ng port call sa mga bansa kung saan umiiral ang deployment ban, dagdag pa ng POEA.

Karamihan umano ng mga seafarers na bumababa ay hindi na umano bumabalik pa sa barko kapag nakakuha na ng trabaho sa ibang bansa kaya ito ang mga iniiwasan ng ahensya ng mga seafarers at lahat ng ship manning agencies sa bansa. Nilinaw ng POEA na hindi sakop ng kautusan ang mga Filipino seafarers na mapapadaan lang patungo sa kanilang principals sa mga bansa kung saan may umiiral na deployment ban. Kinakailangan pa rin nilang kumuha ng clearance mula sa Overseas Wor-kers Welfare Administration (OWWA).

POEA SA KUWAIT

Samantala, pinagbigyan ng Kuwait Government ang kahilingan ng Pilipinas na palawigin ang amnesty program para sa mga overstaying Filipino workers matapos maexpired ang nasabing amnesty noong Pebrero 22. Ayon sa POEA, nagextend ng dalawang buwan ang amnesty ng Kuwait para sa mga OFW kaya maayos naman ang usapan ng gobyerno ng Pilipinas at ng State of Kuwait na nagbibigay ng exit visa para makauwi ang undocumented OFWs. Higit 2,000 exit clearance naman ang ipinalabas ng Kuwait Ministry of Interior para sa sunod-sunod na pagpapauwi sa mga undocumented OFW kamakailan.

Dumagsa rin ang mga distressed OFW sa Philippine Overseas Labor and Office sa Kuwait matapos ianunsiyo ni Pangulong Duterte na umuwi na ang mga gustong umuwi. Kaya naman, pinapayuhan ang mga walang maayos na trabahong OFW na umalis na lamang o lumipat ng ibang bansa na mas makapagbibigay sa kanila ng maayos na pamumuhay dahil sa nagaganap na sitwasyon sa nasabing bansa na kung saan isang Pinay ang inabuso ng kanyang employer.