PINAS

Total closure sa Boracay Island, nararapat ba?

Pinas News

PANGANGAMBA ang naging reaksyon ng mga negosyante maging ng mga manggagawa sa Isla ng Boracay dahil sa desisyong inihayag ng pamahalaan na isara ang kilalang white-sand island ng isang taon.

Ito ay inihayag sa pamamagitan ng joint recommendation ng interagency task force sa pangunguna ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Sec. Roy Cimatu, Department of Tourism (DOT) Secretary Wanda Teo, at ng Department of Interior and Local Government Officer-in-charge Eduardo Año.

Hindi kaila ang magiging epekto nito dahil hindi lang matindi kundi napakatindi ang epekto nito lalo na sa mahigit 17, 000 bilang ng mga manggagawa na dumedepende ang kabuhayan sa isla at ang mawawalang P56 bi-lyong kita kada taon ng turismo kapag mangyari man ang nasabing total closure.

Mahigit dalawang milyong local at international tourists ang bumisita sa Boracay nakaraang taon at inaasahang tataas ito kung hindi lamang sa mga isyung nakapaligid sa isla at sa nakaambang pagsara nito.

Dinahilan naman ni Cimatu sa nasabing rekomendasyon ang kailangan na mai-upgrade ang sewerage system ng lugar kabilang ang sewer lines upang makamit ang kinakailangan para sa buong isla na maging major tourist destination.

Maganda ang naging adhikain ni Cimatu para sa rehabilitasyon ng Boracay at suportado ito ng mga grupo ng negosyante kaya nais din nilang tumulong sa gobyerno.

Ngunit pinangambahan ng mga ito ang pinahayag ni Cimatu na isang taong total closure ng Boracay kaya naman nagkaisa ang mga ito na ipaabot sa pamahalaan ang kahilingan na huwag ituloy ang rekomendasyon sa pamamagitan ng pagpatay ng lahat ng ilaw  sa buong isla ng walong minuto.

Nagpahayag ang mga grupo ng negosyante, ang mga residente at maging ang ibang mga opisyal ng gobyerno ng alternatibong solusyon para sa rehabilitasyon ng Boracay. Isa rito ang pagpasara lamang sa mga negosyong napatunayang lumalabag sa environmental laws.

Kabilang sa inirekomenda ang phase-by-phase rehabilitation sa lugar kasabay ng pagpapatupad ng mahigpit na batas upang maisaayos ang kalakaran ng isla.

Nararapat din umanong maghain ng kasong admi-nistratibo sa mga lokal na opisyal na nagpapabaya sa kanilang serbisyo upang protektahan ang isla at marami pang iba.

Hindi pa natin tiyak ang magiging katugunan ni Pa-ngulong Rodrigo Duterte dahil ipinagkatiwala nito ang desisyon sa rehabilitasyon ng Boracay sa inter-agency task force ngunit nasa pangulo pa rin ang huling desisyon. Ano kaya ang plano ng pangulo sa Isla ng Boracay? Abangan na lamang natin.