Ni: Cherry Light
MATAPOS ang tanim-bala scheme sa NAIA, ay isa na namang panibagong modus ng pagnanakaw sa mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport ang muling kinasangkutan ng mga personnel ng Office of Transportation Security.
Sa panahon ng semana santa ay hindi pinalampas ng mga suspek ang Japanese national para nakawan ito ng mahigit isanlibong Australian dollar.
Sinibak sa kanilang puwesto ang dalawang personnel ng Office of Transportation Security (OTS) na nagnakaw ng 1,700 Australian dollars sa isang Japanese national sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport sa panahon ng Semana Santa.
Ito ang kinumpirma ni Manila International Airport Authority MIAA General Manager Ed Monreal sa SMNI matapos mahuli sina Stephen Bartolo, isang OTS na assigned sa arrival entrance gate 2 at Demmie James Timtim kung saan kapwa nagsabwatan sa pagnanakaw kay Juya Sakata na galing sa Australia.
Lulan ng Cebu Pacific Flight 5J40 si Sakata galing Sydney nang dumating ito sa NAIA Terminal-3 at habang naghihitay ito para sa kanyang connecting flight papuntang Cebu ay nagtambay muna ito sa smoking area sa labas ng Terminal-3 nang bumalik na ito at dumaan sa x-ray machine ang kanyang mga gamit pagdating sa check in counter napansin niyang nawawala ang 1700 Australian dollars sa kanyang wallet at tanging 1,000 Australian dollars na lamang ang natira.
Agad naman inireport ng biktima ang nawawalang pera sa airport authorities dahil malaki ang paniniwala nito na ninakaw nga ito ng mga OTS personnel.
Sa cctv nakita ng mga airport police na habang nakasalang ang bag ni Sakata sa x-ray machine ay may nakita umano ang mga xray operator na kakaibang image sa gamit ng Japanese at dito na sila nagsimulang magkalkal sa bag ng biktima at kitang kitang na may kinuha si Bartolo sa wallet ng turista.
Inamin naman ni Bartolo na kinuha niya ang pera at ibinalik nito ang 100 Australian dollars, samantalang ang 200 dollars ay itinuturo nito sa kasama niyang si Timtim Y Plaza.
Kasong kriminal ang isasampang kaso sa naturang mga suspek.