Ni: Melchor M. Bautista
HINDI rin madali ang mga pinagdaanan ni Coco Martin (Rodel Pacheco Nacianceno) sa totoong buhay bago niya narating ang tagumpay na kanyang tinatamasa ngayon sa showbiz.
Ang una niyang puhunan para pasukin ang larangang ito ay ang kanyang kahusayan sa pag-arte.
Napakaamo ng kanyang kaguwapuhan, iyon ang pumapangalawa niyang katangian. Dahil pinaniniwalaan din niya noon hanggang ngayon, na kung mag-aartista ka ay hindi lamang hitsura ang dapat mayroon ka.
NAKILALA SA INDIE FILM
Kaya nga, isang panahon ng pagpapatunay ni Coco ng kanyang talento ay naranasan din niyang magpakita ng kaseksihan sa ilan sa mga nauna niyang pelikula katulad ng “Masahista” kung saan nagmarka talaga na ang kanyang galing sa pag-arte.
Pinagpantasyahan ang kanyang kaguwapuhan, pero madaling nabura ang nasabing sexy image, dahil nangibabaw ang kanyang galing sa pag-arte.
“Sabi ko nga, sa showbiz naman, kung ano ‘yung kaya mong gawin, kailangan mo talagang patunayan. Para sa akin, kung ano ‘yung mga ginawa ko sa mga nauna kong pelikula, ipinagmamalaki ko iyon dahil doon nila napansin kung ano ang kaya kong gawin,” wika ni Coco.
Maraming pelikula sa kategoryang indie ang nagawa ni Coco. Kinikilala na talaga siya noon bilang mahusay na aktor, dahil nagkakamit na siya ng mga karangalan. Pero naramdaman niya noon na kung saan siya naroon, at kung paano siya napapansin ay may kulang pa rin.
“Sa mga panahon na pinatutunayan mo ang sarili mo, hindi naman biglaan ang lahat,” turan pa ng magaling na aktor. “Hindi mo kasi kaagad makukuha ang gusto mo, kung ano ang pinapangarap mo.
“Kasi, napakaraming artista sa showbiz. Hindi lang ako.
“Naranasan ko ‘yung alam ko na sa sarili ko na artista ako, at alam na sa showbiz na ako si Coco Martin, pero nahihirapan pa rin ako. Nariyan ‘yung nagtatagal bago masundan ang trabaho mo, nababakante kang matagal. Nakakalungkot ‘yon.
Pagiging harDwork
“Kaya nga bago nangyari ‘yung paggawa ko sa ABS-CBN ng mga teleserye at pelikula, akala ko ay mawawala na ako sa showbiz. Kasi, nag-iba ako ng linya, nag-abroad ako… Naranasan ko nga sa ibang bansa na maging janitor… Wala, eh. Kailangan mo rin umisip ng ibang paraan para maiaayos mo ang buhay mo.”
Iyon ang isa sa naging sekreto ng kasikatan ni Coco. Kung ano ang mga dapat niyang ayusin sa kanyang buhay, ay ginawa niya iyong inspirasyon para marating ang tagumpay.
Gusto niyang mabigyan ng kaginhawahan ang kanyang pamilya, kaya isa iyon sa pinangarap niyang maisakatuparan.
MAGALING NA AKTOR
Sa patuloy na pagsisikap, nang muling bumalik ng Pilipinas si Coco at magsimula siyang alagaan ng Kapamilya network ay tumodo ang kanyang kasikatan nang gawin niya ang mga teleseryeng “Tayong Dalawa,” “Walang Hanggan,” “Juan dela Cruz” at “Ang Probinsiyano” na hindi mapantayan ng alinmang teleserye sa Pilipinas sa naitalang ratings magmula nang ito ay umere.
Pagkatapos ng naging lamlam sa kanyang career ay siya na ngayon ang itinuturing na Hari ng Telebisyon dahil sa lakas ng kanyang hatak sa mga manonood. Pero sa kabila ng kanyang kasikatan ay hindi pumasok sa kanyang ulo ang kasikatan.
DOWN TO EARTH
“Napakabait ni Coco. Ibang klase siyang katrabaho. Sikat na sikat na siya, pero siya ‘yung tipo ng tao na magaan at masarap katrabaho. Iyan ang aming naranasan sa kanya,” wika ni Arjo Atayde na naging kontrabida rin sa ‘Ang Probinsiyano’.
Ito na ang panahon ng todong kasikatan ni Coco. Pero para sa kanya ay walang kapaguran pa rin niyang ibinibigay ang kanyang sarili para sa showbiz. Madalas, kahit na nga ang lovelife ay kanya na ring naisasakripisyo dahil sa kanyang career.
“Hindi mo naman talaga kailangang madaliin ang lahat,” katuwiran pa ng guwapong aktor.
“Sabi ko nga kasi, dati ay nananalangin lang ako. ‘Yung pagdarasal ko noong mga panahong walang-wala pa ako ng mga meron na ako ngayon. Sabi ko, sana naman ay magkaroon ako ng maraming trabaho. Ngayong narito na ang pagkakataon, wala akong karapatang magreklamo ng pagod. Pahinga lang ang kailangan, dahil kung ano ang mga trabahong naipagkakatiwala sa akin ngayon, hiniling ko iyan noon sa Diyos, eh. Kaya magpasalamat tayo.”