Ni: Jonnalyn Cortez
TAKOT ang marami sa mga Pilipino na gumamit ng kahit na anong uri ng langis sa mukha dahil na rin baka makaapekto ito sa kanilang mga kutis. Dagdag mo pa rito ang mainit na klima sa Pilipinas na talaga namang napakalagkit sa katawan.
Ngunit, dahil sa nauusong iba’t-ibang mga beauty oils sa mukha ngayon, narito ang ilang payo kung paano mo magagamit ang mga ito araw-araw.
Ihalo ang pulbo na pampakintab sa beauty oil at itapik-tapik ito sa iyong may panga, sa ibabaw ng taas na labi, at sa ilalim ng kilay. Magdudulot ito ng kakaibang aliwalas sa iyong mukha na mukhang natural.
Maaari ring magtagal ang amoy ng iyong pabango gamit ang ganitong uri ng langis kapag nilagay mo ito sa mga lugar ng iyong mga pulso. Maglagay muna ng langis, saka wisikan ng pabango at mananatili na ang amoy nito ng mas matagal.
Nakakapagpaputi rin ang mga beauty oils ng mga naiwang maiitim na bakas sa iyong mukha. Ipahid lamang ito sa iyong buong mukha at leeg – upang mapantay ang kulay – saka patuyuin. Kung natatakot ka naman dahil likas na mamantika ang iyong mukha, maaari itong gamitin sa gabi bago matulog at banlawan na lamang sa umaga.
Pwede mo ring lagyan ng beauty oil ang iyong labi sa gabi at iwan ito magdamag para magkaroon ng natural na pout. Nakakatulong din ito upang mas madaling makapaglagay ng paborito mong lipistik.
Maraming magandang dulot ang paggamit ng beauty oil sa balat. Sundin lamang ang mga payo naming ito at tiyak na mas kikinis ang inyong mga kutis.