PINAS

Ambulansiya, negosyo rin pala

Ni: Aileen Lor

E-C-N-A-L-U-B-M-A o kapag kabaligtaran, AMBULANCE na itinuturing na isa sa transportasyon ng mga nangangailangan ng agarang lunas. Dahil sa tulong ng Ambulance, ang mga taong kailangan ng atensiyon medikal ay nalulunasan agad. Pero, paano nga ba nagsimula ang ambulansiya? Alam niyo ba na mainam din ito na negosyo ng kasalukuyang panahon? Oo, tama ang pagkabasa ninyo. Halina’t tuklasin natin ang simpleng simula ng Ambulance service.

MAKASAYSAYANG SIMULA

Nagsimulang gumamit ng ambulansiya noong Ancient Times, kung saan ang gamit pa ay mga carts sa paglilipat ng mga pasyenteng may malala na sugat. Samantala, taong 1487 naman gumamit din ito ng mga Spanish forces nang magsimulang sumiklab ang gulo sa Malaga. Hindi din naman nalalayo ang paggamit nito noong panahon ng American Civil War, kung saan ito ang naging mabilis na transportasyon ng mga sundalong sugatan sa labanan na tinawag namang Ambulance Wagons. Noong panahon naman ng Franco-Prussian War 1870, tinawag nila itong Field Hospitals. Para sa malawak na kaalaman, ang salitang Ambulance ay galing sa salitang Latin na “ambulare” kung saan nangangahulugang “to walk or move about.”  Simula noon, hanggang ngayon tumatak na sa isipan ng tao ang kahalagahan nito. At dahil dala na rin ng makabagong teknolohiya na umusbong ng 19th at 20th centuries, nagsimulang maging modern- self-powered ambulances na ito. Para sa kaalaman ng lahat, may iba’t –ibang uri ng ambulance, depende sa pangangailangan. Ayon sa website na Wikipedia, mayroong Patient Transport Ambulance, Response unit, Charity ambulance, Bariatric ambulance, at ang pinaka common na ginagamit sa lahat ay ang Emergency Ambulance.

AMBULANCE BILANG NEGOSYO

Ang pagkakaroon ng Ambulance Business ay hindi isang biro, dahil kagaya din ito ng mga ibang normal na negosyo. Sa pagtatayo ng ganitong negosyo, kailangang mayroon kang budget o income para sa magiging service mo, kapital para sa mga equipments na ilalagay sa service, at ang mga trained staff.

Isa si Rogelio Estrada na may negosyong Ambulance sa Pilipinas. Taong 2008, nagsimula ang kanyang negosyo na pinangalanang Emergency One Ambulance. Ayon kay Estrada, dahil sa kagustuhan niyang makapag abroad nag- aral siya ng emergency medical technician. Ngunit kalaunan ay nagustuhan na niya ang ganitong trabaho, doon na siya nagkaroon ng interes na pumasok sa ilan sa mga rescue groups at private ambulance services dito sa Pilipinas.

“Nag-aral ako ng emergency medical technician kasi gusto ko sanang mag-abroad tapos noong nag ojt na ako, nagustuhan ko na ang trabahong ito kaya pumasok na ako sa mga rescue groups and other private ambulance services,” pahayag ni Estrada.

Sa tagal niyang nagtrabaho sa ilang mga Ambulance services, nagkaroon ng ideya si Estrada na magtayo nito. Ngunit gaya ng mga nagpaplanong magtayo ng negosyo, ang naging problema ay ang kapital. Kaya nang mayroon siyang kaibigang handang magbigay ng tulong pinansiyal ay hindi na nagpatumpik-tumpik pa ito.

Agad na ipanaliwanag ang naisip na magiging konsepto ng kanilang Ambulance service, at BOOM! Naitayo ang Ambulance service na Emergency One. Kaya naman hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin na nagbibigay ang Emergency One ng serbisyo sa mga na-ngangailangan. Napalapit na si Estrada sa ganitong klase ng trabaho kaya naman kahit na napakamatrabaho ng ganitong gawain ay hindi niya ito maiwanan. Bukod sa siya na ang tumayong Operation Manager, Marketing Strategist para makapag usap sa posibleng mga kliyente ay siya na rin ang naging drayber nito.

Pagod, puyat at kaunting tiyaga ang naging puhunan ni Estrada upang mapalago ang negosyo na umabot na sa hanggang anim ang Emergency One nito.

Nang matanong kung ano ang naging inspirasyon niya para mabuo ang ganitong klase ng negosyo, ang sim-pleng sagot ni Estrada ay ang mga mahihirap.

“Nag-inspire sa akin yung mga mahihirap na tao saka noong nag-volunteer works kasi ako that time, kaunti pa ang government ambulances kaya  ginawa ko, kaya nabuo.”

GOVERNMENT AMBULANCE VS PRIVATE AMBULANCE

Magkaparehas lamang ang serbisyong ibinibigay ng isang private at public/go-vernment ambulance. Hindi naman nakikipagkumpitensiya ang mga nasa private ambulance service bagkus ay nagbibigay din naman sila ng libreng tulong kung kinakailangan. At dahil hindi naman nalalayo sa kalooban ni Estrada ang tumulong, kapag may nangangailangan handa itong tumulong kung kinakailangan.

“Kahit naman nasa private ambulance service kami kapag may nangangailangan ng tulong kahit papano, kami na yung kumukuha kahit na minimal pa yan o walang bayad.”

Isa din sa mga bagay na kanyang naging adbokasiya, ay upang magkaroon ng awareness at preparedness ang mga tao para kung sakaling dumating man ang tinatawag na “The Big One.”

Ang isang government ambulance naman ay may layunin ding maghatid ng agarang lunas sa mga taong na-ngangailangan at kung hindi naman makayanan ng agarang lunas ay dadalhin agad ito sa malapit na ospital. Kung nagtataka kayo paano tumatakbo ang isang government ambulance gayong napakalaki ng budget na kailangan nito para sa mga equipments na kaila-ngan at ang maintenance, may nakalaang pondo para dito at may mga private sectors na handang magbigay ng tulong pinansiyal.

At dahil para sa publiko at emergencies ang gamit nito, may mga rules na itinakda ang gobyerno para sa tamang paggamit nito. Gaya ng pagbabawal gamitin ito para sa mga personal na intensiyon o lakad ng kahit na sinong public employee, gawing isang private service para mapadali ang lakad at lalung lalo na ang paniningil nito sa mga nangangailangan.

Hindi biro ang pagkakaroon ng isang ambulance business, ayon kay Estrada,  dahil bukod sa mga gamit nito at maintenance, kailangan mo rin ng sipag at tiyaga. Kaya naman nagtiyaga siya na makakuha ng mga kliyente. Sa ngayon ay mayroon silang regular na kliyente; race organizers, schools gaya ng LaSalle, ilang mga TV Shows at security agencies. Hindi naman nababahala si Estrada na dumarami na rin ang pumapasok sa ganitong klase ng negosyo. Bagkus ay nagagalak pa ito dahil alam niya na kahit anu-ano pa man ang dahilan ng pagtayo nito, babagsak pa rin ang tunay na hangarin; yun ay ang tumulong sa mga kapwa- tao na nangangailangan.