Ni: Edmund C. Gallanosa
ANG lugar ng Cabanatuan sa probinsiya ng Nueva Ecija, ang pinangyarian ng makasaysayang pagligtas sa pinakamalaking bilang ng POWs, noong ikalawang digmaang pandaigdig. Taong 1944, nang makatunog ang mga hapon na babalik si Gen. Douglas MacArthur sa Pilipinas,iniutos ang pagpapapatay ng mga Amerikanong bihag sa mga prison camps sa Pilipinas. Sa Palawan, 150 bihag ang minasaker ng mga hapon. Dahil sa nangyari sa Palawan,pinagplanuhan ang pagligtas ng mga bihag sa kampo sa Cabanatuan na bumibilang ng higit sa 500.
Ang Cabanatuan prison camp ay dating kampo militar ng mga Pilipino na ginawang kampo ng mga bilanggo. Sa loob ng isang compound na may halos isang ektarya ang lawak ay may malalaking kubong gawa sa kahoy, pawid at kawayan na korteng parihaba. May walumpung talampakan na bakod ang nakalibot sa kampo na yari sa kahoy at barbed wire. Ang lahat na bilanggong nagtangkang tumakas dito ay tinutuluyang patayin kapag mahuli. Kung
sakaling may tatakas na isa, 10 ang katumbas na bilanggong papatayin ng mga hapon.
Naisakatuparan ang pagligtas sa pagpupursige nina Capt. Juan Pajota at ni Maj. Bob Lapham. Si Capt. Pajota ay pinuno ng mga gerilyang Pilipinong lumalaban sa mga hapon. Si Maj. Lapham naman ay isang USAFFE Senior Guerilla Chief, na matagal nang nakikipagugnayan kay Pajota upang mapalaya ang mga POWs.
Ika-26 ng Enero, 1945, tumungo si Maj. Lapham sa Sixth US Army Headquarters upang imungkahi na gawin sa lalong madaling panahon ang pagligtas sa mga bihag bago pa man sila paslangin ng mga Hapon. Tumugon naman ang US Army at iniatang ang misyon sa balikat ni Lt. Col. Henry Mucci, pinuno ng 6th Ranger Battalion.
Ika-27 ng Enero, alas-siyete ng gabi, nakalusot ang mga Alamo Scouts ilang daang metro sa kampo upang magmasid. Kinaumagahan, nakipag-ugnayan ang mga scouts kina Mucci at Pajota.
“BE READY TO GO OUT…”
Si Capt. Robert W. Prince ang inatasan ni Mucci na magplano ng pagsalakay. Ang battalion surgeon na si Capt.Jimmy Fisher naman ang namuno sa rangers medical evacuation team. Hinati ni Prince ang grupo sa dalawa siya ang mamumuno sa pagligtas ng mga bihag, samantalang si Lt. John Murphy naman ang sasabak sa mga bantay na hapon. Pinakamalaking balakid ani Prince ang kapatagang nakapalibot sa kampo. Madaling makita ang sinomang
mangahas lumapit sa kampo. Ang tanging paraan lamang ay gapangin ito sa kadiliman, at may ilang minuto lamang sila para gawin ito mula sa paglubog ng araw sa dapit hapon, hanggang sa pag-angat ng inaasahang malaki at maliwanag na buwan.
Iminungkahi ni Pajota na gumamit ng eroplano na lilipad paikot sa kampo upang malihis ang atensyon ng mga hapon. Idinagdag pa ni Pajota na sila naman ang bahala sa kampo sa kabila ng Cabu River.
Ika-30 ng Enero lumarga ang grupo ni Capt. Prince mula Platero. Sa Pampanga River naghiwalay ang dalawang tropa. Sina Prince tumigil ng 640 metro na lamang ang layo sa kampo, samantalang sina Pajota naman sa kabilang ilog. Inantay nila ang pagkagat ng dilim.
Dumating ang isang P-61 Black Widow na eroplano na umikot sa kampo at animo’y babagsak kaya naman nanood ang mga hapon. Lingid sa kaalaman nila, gumapang na ang mga rangers at napaligiran na ang kampo. Kasabay nito, matagumpay na naputol naman ni Lt. Carlos Tombo ang kable ng teleponong mag-aalerto sa hukbo ng mga hapon sa buong Cabanatuan.
Gabi ng 7:40, nataranta ang mga hapon nang magsimulang magpaputok ang grupo ni Lt. Murphy. Sa loob ng 15
segundo, wasak lahat ng tore at baraks ng mga hapon. Sabog din ang ammunition bunker ng kalaban. Sumugod agad ang grupo ni Prince sa direksyon ng mga bihag upang pakawalan. Ang ilang bihag ay nag-akalang minamasaker na sila, at tumangging sumama. Ilang minuto pa ang lumipas bago nakumbinse ang lahat. Ang mga hindi makalakad, pinasan na lang ng mga nagsipagligtas.
Samantala, naalarma na ang mga hapon sa kabila ng ilog.
Pinaulanan naman nina Capt. Pajota ang kuta ng mga hapon bago pa man sila makalabas ng kanilang barracks.Binomba ang tulay na nag-uugnay sa dalawang kampo. Tinangka pang tumawid sa ilog ng ilang hapon subalit
nasawat sila agad ng mga gerilyang Pilipino. Wasak rin ang isang tanke at trak ng mga hapong reresbak sana sa mga papatakas na bihag.
Tumagal lamang ng ilang minuto ang pagligtas sa mga bihag. Papalabas na sana ang mga sundalong kano at bihag sa kampo nang makupa pang magpaputok ng mortar ang ilang gwardiyang hapon. Walang tinamaang bihag, subalit napuruhan sina Scout Alfred Alfonso at medical surgeon Capt. Jimmy Fisher.
Matapos ang halos 30-minutong misyon, nailabas din ang mga bihag. Isinakay ang mga POWs sa karitelang hila
ng kalabaw papalayo sa POW camp. Hinikayat ni Capt. Pajota na tumulong ang mga nakatira sa mga nayon upang makalikom ng karitelang magdadala sa mga bihag sa kampo ng mga kano. Umabot sa isandaan karitela ang nagamit.
Bagama’t nagmadaling gumawa ng pansamantalang paliparan sina Mucci para madala sa operasyon si Capt.Jimmy Fisher nang mabilisan, binawian din siya ng buhay kinabukasan. Ang kaniyang huling salita, “Good luck on the way out.”
Tumatak sa kasaysayan ng mundo ang tinaguriang ‘Cabanatuan Raid’ na pinakamatagumpay na rescue mission. Umabot sa 522 na bihag ang nailigtas. Magpasahanggang ngayon, hindi pa nalalagpasan ang ganitong kabayanihan ng pinagsanib na pwersa ng mga Kano at mga Pilipino.