PINAS

Facebook, nahaharap sa krisis

Ni: Jonnalyn Cortez

FACEBOOK, nahaharap ngayon sa malaking kontro-bersya ang Facebook pagkatapos maisiwalat ang paggamit diumano ng Cambridge Analytica ng datos ng 50 milyong miyembro nito. Sinasabing nagamit ang mga ito para sa pampanguluhang kampanya ni Donald Trump noong 2016.

Nagtrabaho para sa kasalukuyang Presidente ng United States ang nasabing kumpanya na base sa London, United Kingdom. Kabi-kabilang imbestigasyon ngayon ang hinaharap ng sikat na social media site na pagmamay-ari ni Mark Zuckerberg.

Pagharap sa mga imbestigasyon

Tinatawagan ng mga senador na si Amy Klobuchar at John Kennedy si Zuckerberg at ilan pang mga CEO ng Google at Twitter na humarap sa kongreso ukol sa eskandalong kinasangkutan ng Facebook.

Sinabi ng dalawang mambabatas na ang mga naturang kumpanya ay may hawak na napakaraming bilang ng mga personal na datos.  Nababahala ang mga ito na ang kakulangan sa tamang pangangasiwa sa mga hawak nitong impormasyon ay nagbibigay ng malaking alalahanin sa eleksyon sa Amerika at sa pribadong karapatan ng mga miyembro nito.

Hiniling naman ni Senador Ron Wyden na magbigay ang Facebook ng karagdagang impormasyon ukol sa maling paggamit ng mga pribadong datos na maaaring magamit upang linlangin ang mga botante.

Malugod namang pinaunlakan ni Zuckerberg ang imbitasyon ng mga mambabatas kung siya nga ang tamang tao mula sa kumpanya na karapat-dapat na magbigay ng mga impormasyon ukol sa nangyaring eskandalo.

“I’m open to doing that,” anito sa isang panayam. “We actually do this fairly regularly. There are lots of different topics that Congress needs and wants to know about, and the way that we approach it is that our responsibility is to make sure that they have access to all of the information that they need to have.”

 

Pagkakamali ng facebook

Mula sa pagiging isang pandaigdigang komunidad, nagamit ang Facebook upang magpakalat ng maling impormasyon at mapagkukuhanan ng mga personal na datos ng mga tao na nagagamit sa maling paraan.

Sinasabing binibigyan ng kapangyarihan ng social media ang mga tao ng kalayaang magsalita, ngunit ang paglabas ng datos ng mga miyembro nito ay maaaring may kabaligtarang epekto.

“If the business model is predicated on selling user data, it can seem as democratic as you want but it’s serving a surveillance function that undermines democratic values,” ani Dannagal Young, propesor sa University of Delaware na nag-aral ukol sa social media.

Matatandaang nadungisan ang pangalan ng Facebook mula pa noong 2016 dahil sa pagsisiwalat ng mga ginawang hakbang ng Russia upang maimpluwensiyahan ang halalan sa U.S. Ito ay sa pamamagitan ng pagpapakalat ng mga pekeng balita at iba pang maling impormasyon sa social media.

Ngunit, mas lumala pa nga ang kotrobersyang kinakaharap nito sa ngayon.

Naniniwala si Daniel Kreiss, isang propesor ng media and communication sa University of North Carolina, na hindi natugunan ng Facebook ng tama ang responsibilidad nito sa mga lathala sa website nito ukol sa halalan.

“The fact that Facebook seems to make no distinction between selling sneakers and selling a presidential platform is a deep problem,” anito.

Nakikinita naman ng mga taga-siyasat na magdudulot ng malaking krisis ang paglabag nito sa paggamit ng mga pribadong datos sa kung paano nito kinakalap at ginagamit ang mga impormasyon ng dalawang bilyong miyembro nito.

Ang malaking kontrobersya

May mga ulat na nagsasabing kinontrata ng Cambridge Analytica ang gumagawa ng mga app online na si Alexsandr Kogan. Kasama sa mga nagtatag ng nasabing kumpanya ay ang mga taga-suporta ng U.S. Republican at si Steve Bannon, na naging strategist ni Trump.

Umiikot sa Facebook ang app na gawa ni Kogan at kumukuha ng impormasyon mula sa mga gumagamit nito. Noong 2015, hindi lamang personal na detalye ng mga gumagamit nito ang naiipon, kundi pati na rin ang kaibigan ng mga ito sa Facebook.

Dito na nga sinasabing nagsimula ang pangongolekta ng 50 milyong personal na datos ng mga miyembro nito. Kadalasang ginagamit ang mga impormasyon na ito para sa mga komersyal na produkto na angkop sa gumagamit ng Facebook, ngunit nagamit ito ng Cambridge Analytica upang makilala ang potensyal na tagasuporta ng isang kandidato.

Ginamit ang mga pribadong detalyeng para sa “psychological profiling” ng mga botante sa U.S upang ma-kagawa ng isang malakas na database na makakatulong maluklok si Trump sa pagi-ging presidente noong 2016.

Mula rito, nakabuo ng 4,000 o higit pang mga punto ng datos sa bawat botante ng U.S. ayon  sa chief executive ng Cambridge Analytica na si Alexander Nix bago ito masuspinde. Maaari itong magpadala ng mga mensahe, balita at mga imahe gamit ang Facebook at ibang social media para mapunta ang mga makakakita nito sa base ng botante ni Trump.

Kinondena naman ng Facebook ang gawaing ito at sinabing iligal ang ginawa ni Kogan.

“If you know the persona-lity of the people you’re targeting, you can nuance your messaging to resonate more effectively with those key audience groups,” ani Nix.

Mariin namang itinanggi ng Cambridge Analytica ang maling paggamit nito ng mga datos mula sa Facebook.

Pangako ni Zuckerberg

Nangako si Zuckerberg na gagawa ng hakbang upang ayusin ang problema ukol sa pagiging pribado ng mga hawak nilang datos.

“We have a responsibility to do this, not only for the 2018 midterms in the US, which are going to be a huge deal this year and that’s just a huge focus for us, but there’s a big election in India this year, there’s a big election in Brazil, there are big elections around the world, and you can bet that we are really committed to doing everything that we need to make sure that the integrity of those elections on Facebook is secured,” anito sa isang panayam.

“We have a responsibility to protect your data, and if we can’t then we don’t deserve to serve you.”