Ni: Edmund C. Gallanosa
MATINDING pag-aaral sa tamang kombinasyon ang ginagawa ng coaching staff ng Gilas ngayon. Mga laro ng Gilas, kitang-kita namang numero unong puhunan natin ay bilis at liksi laban sa iba. Kaya naman mahalaga ang tamang kombinasyon ng manlalaro sa loob ng court upang makapanalo sa maigsi na torneo, gamit kung anumang talento ang mayroon ang Gilas.
Kinapos man ang Pilipinas sa Australia sa kanilang laban, kumartada naman ang Pinas ng 3-1 win-loss record kasunod ng Australia (4-0) matapos mapadapa ang Japan noong ika-25 ng Pebrero. Dahil sa panalong ito, pumangalawa tayo sa standing at nakakasigurong mapapasama ang Pilipinas na aabante para sa 2nd qualifying round ng FIBA World Cup.
Kung susuriin, base na rin sa mga performance at accomplishment ng mga manlalaro, ito ang napipisil na ‘tambalang matitinik’ na manlalarong maituturing na pinakamagandang kombinasyon upang mapasama sa best 12 teams na sasali sa FIBA World Cup 2019. Ang tamang tandem sa loob ay makakapagbuo ng tamang timpla sa court, at magdadala ng tamang momentum sa tuloy-tuloy na arangkada ng puntos, hanggang sa huling segundo na magbubunga ng panalo.
Jayson Castro at Kobe Paras
Alam na ng madla na sabik pang makalaro si Jayson sa Gilas, matapos siyang hindi makalaro laban sa Australia dahil sa isang slight injury. Kaya alam nating babawi sa darating na laro si Jayson simula sa Hunyo. Idagdag mo pa si Kobe Paras sa line-up kung susuwertehin ang Pilipinas na makasama siya para sa 2019. Ang tambalang Castro-Paras ay magbibigay ng ibang anggulo sa laro ng Gilas, at mas malaking sakit ng ulo para sa kalaban. Minsan na natin namalas ang dalawang ito sa ilang torneo ng FIBA, Hindi ba gusto niyong masilayan silang magkasamang muli? Dalawang henerasyon ng basketbolistang magsasama para magbigay karangalan sa bayan.
Keifer Ravena at Terrence Romeo
Paganda nang pagganda ang laro ni Keifer hindi lamang sa Gilas, pati na rin sa PBA—nabitbit niya ang bagong balasang NLEX team sa top 4 ng All-Filipino Cup. Ani Jayson Castro, napapalagay siya na may papalit na sa kaniyang pagtitimon sa national team kung sakaling hindi na kailanganin ang kaniyang serbisyo bilang lider ng grupo.
Nami-miss naman ng maraming fans ang bilis at galing ni Terrence, na sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa ng kaniyang injury. Magaling na one-on-one player si Terrence, at three-point shooter at magagamit ng husto ang kaniyang hustle sa paglalaro lalo na sa open court situation na siya namang kalamangan ng Pilipinas sa ibang bansang kalaban. Isipin ninyo na lamang ang maaaring mangyari kung sakali ang kombinasyong Ravena-Romeo ay makakanakaw ng bola at itatakbo sa open court. Exciting ‘di ba?
Bobby Ray Parks Jr. at Calvin Abueva
Kung sakaling matatapos agad ang torneo ng ABL bago ang 3rd window sa Hunyo, siguradong tatawagin sa duty ang dating local MVP ng ABL na si Bobby Ray Parks Jr., at hindi matatawaran ang kaniyang bangis sa pagbabantay ng mga manlalarong singbilis o maaaring mas mabilis pa sa kaniya. At kung bibigyan naman ng bola si Bobby Ray, alam naman natin ang kaya niyang gawin. Enter Calvin Abueva—at ipares pa natin sa loob kasama si Parks, matinding angas ang dala ng dalawang ito. Nakita ninyo naman ang laro ni Calvin, handang makipagpalitan ng mukha at nagpapakamatay sa bola anytime. ‘Yan ang kailangan ng Gilas.
Ang top-three na kombinasyon na ito ang magbibigay ng kakaibang dimension sa Gilas sa mga darating na paghahanda. Idagdag mo pa ang tambalang June Mar Fajardo at Andrey Blatche sa loob—pagaling ng pagaling ang laro ni Fajardo bilang big man ng Gilas, at hindi naman matatawaran ang sipag at tiyaga ng tambalang Gabe Norwood at Troy Rosario bilang wingmen. Si Gabe ay ever-dependable bilang isang magaling na defensive player at maaasahan din sa pagpuntos. Si Troy naman ay paganda nang paganda ang laro. Ipalit mo pa ang tambalang Japeth Aguilar at Christian Standhardinger. Mas nakakatakot na kombinasyon para sa kalaban, magaling na rebounder at shotblocker ang dalawang ito na pwedeng pagsabayin bilang threat sa kanan at kaliwa.
Idagdag mo pa sa back-court ang tambalang Matthew Wright at Marcio Lassiter bilang ‘three-point specialists’ para sa Gilas. Nakita na natin ang nagagawa ni Wright bilang ‘magic bunot’ ni Coach Chot, na bigla-bigla na lang pumuputok. Bagama’t si Lassiter naman ay ‘di pa bumabalik sa Gilas, abangan na lamang ang mangyayari kung sakaling magkasabay ang dalawang ito sa loob ng court. Mas mapapadali para sa pointguard ang pasahan ang isa man sa shooter na ito, na kailangang-kailangan ng Pilipinas. Go Gilas! Go Puso!