Pinas News
MUKHANG malabo nang maipatupad ang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Executive Order (EO) na magtutuldok sa kalakaran ng ‘endo’ o end of contract, 5-5-5, seasonal at contractual.
Ito ay matapos na ikansela ng pangulo ang takdang panahon na sana ay makapagbabago sa nakasanayang panggigipit at pananamantala ng mga kumpanya sa mga manggagawa sa pamamagitan ng walang tiyak na regularisasyon sa trabaho at karapatang makamit ang mga benepisyo bilang manggagawa.
Dahil kung ano ang magi-ging katayuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay magiging katayuan na rin ng pangulo.
Idinahilan kasi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na ang mga mambabatas at hindi ang DOLE ang may kakayahang ipagbawal ang kontraktuwalisasyon.
Magiging walang katuturan ang EO dahil hindi ito makapagpapatupad ng parusa sa mga pasaway na kumpanya na tanging ang Kongreso lamang ang maaaring makapagmungkahi.
Mas malinaw din umano kung anong mga trabaho ang papayagang maging kontraktuwal at hindi sa ilalim ng batas dahil una nang ipinahayag ng pangulo na hindi kakayanin nito ang absolute ban sa kontraktuwalisasyon.
Dahil dito ay mabuti pa umanong ipapasakamay na lamang sa Kongreso ang pag-apruba ng batas kaugnay sa endo.
Mangangahulugan ito ng mahabang panahon na naman na paghihintay kung kailan ito tuluyang maipatutupad o hanggang paasa nalang ba ito?
Malaking dismaya ito sa panig ng mga manggagawa na noon pa ay naghihintay kung kailan maipatutupad ni Pangulong Duterte sa kanyang pangako noon sa kampanya nito nakaraang 2016 na wakasan na ang endo.
Mangangahulugan din ito sa patuloy na pananamantala ng mga kumpanya sa kanilang manggagawa na pagkaitan ang mga ito sa nararapat na mga benepisyong matanggap kapag naabot ang anim na buwan sa pananatili sa trabaho ayon sa mandato ng batas.
Obligasyon ng kumpanya na ibigay ang benepisyo kagaya ng SSS registration, mga kabayaran sa Labor Code employment benefits gaya ng holiday pay, 13th month pay, atbp. kapag naabot ng isang manggagawa ang anim na buwang panunungkulan nito sa kumpanya.
Upang maiwasan ng mga kumpanya ang obligasyon ay nilimitahan ang mga manggagawa nito sa limang buwang panunungkulan o 5-5-5 na pilit namang tinatanggap ng mga ito dahil sa kailangang maiahon ang pamilya sa kahirapan.
Kailangan na talagang maipatupad ang pagtigil sa endo na kungsaan tanging ang kapitalista o employer lamang ang gumiginhawa. Sana mabigyan na rin ng kaginhawaan ang 1.3 milyong bilang ng mga manggagawa na kasalukuyang sumailalim sa naturang pamamaraan ng mga kumpanya.