PINAS

Hustisyang nakamit sa pamilya ni Joanna hindi sapat

Pinas News

KAHIT na nakamtan ng pamilya ni Joanna Demafelis ang hustisya ng pagkamatay ng kanilang kaanak ay hindi pa rin ito nasasapat upang mapunan ang malaking kawalan ng pamilya.

Hinatulan ng kamatayan ng Kuwaiti Court sa absentia si Nader Essam Assaf, isang Lebanese at ang asawa nitong si Mona na isa namang Syrian sa kasong pagpatay kay Joanna.

Umalis si Demafelis patungong Kuwait noong nakaraang 2014 na may pangarap na matustusan ang pangangailangan ng pamilya ngunit umuwi itong isa na lamang na bangkay noong nakaraang Pebrero sa kasalukuyang taon halos apat na taon ang nakararaan.

Masakit ito para sa pamilyang naiwan na kung iisipin ay hindi namatay si Joanna sa natural na kamatayan ngunit ito ay may mga palatandaan na dumaan ng matinding pahirap bago namatay.

Hindi ito ang inaasahan ng pamilyang Demafelis na sasapitin ng kanilang kaanak ngunit wala na silang magagawa sa nangyari kaya’t kahit masakit sa kalooban ay pilit na lamang nila itong tinanggap. Ang matindi pa nito ay mahigit isang taon bago nalaman ng pamilya ang pagkamatay ng kanilang kaanak dahil ito ay itinago sa loob ng isang freezer sa abandonadong apartment ng mga amo nito.

Isa lamang si Demafelis sa mga inabusong overseas Filipino workers sa mga kagaya ng mga bansa sa bahagi ng Gitnang Silangan, marahil maraming mga nabiktima na rin noon na hanggang ngayon ay hindi pa nakamtan ang hustisya.

Ngunit sa kabila ng mga pangyayari ay marami pa rin sa ating mga kababayan ang nais na pumalaot sa nasabing mga bansa dahil na rin sa kahirapan at umaasang uuwi dala ang tagumpay para sa pamilya.

Nararapat lamang na baguhin ang patakaran ng pagdedeploy ng mga manggagawa sa mga nasa Gitnang Silangan partikular na sa bansang tinungo ng nasawing si Joanna.

Hindi isang tao ang trato ng mga nagiging amo ni Joanna dahil parang isang hayop ang turing ng mga ito sa kanilang katulong.

Sinaktan hanggang sa mamatay at basta na lamang ipinasok sa loob ng freezer bago iniwan mahigit isang taon na ang nakararaan bago ito natuklasan.

Sana ito na rin ang magi-ging daan upang mabigyan ng hustisya ang iba pang mga inabusong manggagawa sa nasabing bansa na hanggang ngayon ay ibinaon na lamang sa limot.

Sa bilang pa lamang ng mga namatay na OFWs sa Kuwait ay umabot ito sa 185 bilang sa loob lamang ng dalawang taon ng 2016 hanggang 2017 hindi kasama ang mga inaabusong nakaligtas mula sa mga mapang-abusong mga kamay ng kanilang mga amo.

Ganoon karami ang mga buhay na nawala bago ito naaksyunan ng gobyerno. Ito ang mga buhay ng mga itinuturing nating mga bayani ng bansa.

Sa bagong nilagdaan ngayon na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipinong manggagawa doon ay sana mapigilan na ang mga ganitong mga pang-aabuso.