Pinas News
MARAMI nga bang butas ang ating batas? Alin ang tama at mali? Sino ang magdedesisyon o tutukoy sa ligalidad ng isang usapin? Batid ng lahat o ng sambayanan na ang Korte Suprema ang interpreter ng batas o ang pinakamataas at pinakahuling takbuhan ng mga humihingi ng hustisya o katarungan.
Sila kasi ang nag-aanalisa o nagdedetermina kung tama ba o hindi ang desisyon ng mga mababang hukuman.
Pero paano naman kung ang mismong mga mahistrado ng Korte Suprema ang hindi nagkakasundo at nagkakaroon ng magkaibang interpretasyon ng batas?
Sa pagkakataong ito ay naging kontrobersyal ang Korte Suprema dahil nakabinbin sa kanila ang quo warranto petition laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang quo warranto ay isang kahilingan na ideklarang null and void o walang bisa ang appointment ng isang opisyal mula sa unang araw ng kanyang pag-upo sa pwesto.
Kung granted o pinagbigyan ang quo warranto ay nangangahulugang tanggal sa pwesto ang pinepetisyon.
Sa panig ni Sereno bilang respondent sa kaso ay nanindigan siya na mali ang isinampang petisyon laban sa kanya dahil maaari lamang daw siyang matanggal sa posisyon sa pamamagitan ng impeachment proceeding. Depensa naman ng complainant na si Solicitor General Jose Calida na
nakasaad anya sa Section 7, Rule 66 ng Rules of Court na kung ang Solicitor Gene-ral ang magsusulong ng quo warranto ay maaari itong ihain sa Regional Trial Court sa Lungsod ng Maynila, o Court of Appeals at pwede rin sa Korte Suprema kahit na ang pinipetisyon ay isang impeachable official.
Kung susuriin ay maituturing na ba itong constitutional crisis? Kung magkaganunman ay ano naman ang magiging epekto nito sa hudikatura?
Kailangan ba o napapanahon na ba para amyendahan ang ilang probisyon sa ating saligang batas para matukoy agad kung sino o aling branch ang may hurisdiksyon sa isang partikular na usapin?
Gayunman ay isa lamang ang ibig sabihin ng mga nangyayari ngayon sa ating hudikatura, ito ay umiiral pa rin ang demokrasya sa ating lipunan dahil ito ay ginagarantiyahan sa saligang batas.
Sa usapin na ito ay tiyak na may isang makakakuha ng paborableng desisyon at mayroon din isang hindi papaboran.
Ang pinakamahalagang tanong na maiiwan sa isipan ng sambayanan, saan tatakbo ang natalong kampo o partido gayung ang Korte Suprema na nga ang last arbiter?