PINAS

Lemon juice epektibong pampapayat

Ni: Jonnalyn Cortez

Napakarami na ngang klase ng paraan ng pagpapayat ang naglalabasan ngayon. Sa dami nito, alin nga ba ang epektibo? Epektibo nga raw ba ang pagsama ng lemon sa iyong diet upang pumayat?

Mayaman ito sa fiber, na kilalang lumalaban sa mga taba natin sa katawan. Kumokontrol din ito sa pagkagutom at nakakapagpabawas ng pagiging takam natin sa anumang pagkain. Nakakatulong din itong panunaw.

Mataas din sa vitamin C ang lemon juice na hahayaan ang ating katawang sumipsip ng mas maraming calcium. Sinasabi nga ng ilang mga pag-aaral na hindi lamang pinapatibay ng calcium ang ating mga buto, kundi nakakatulong din itong iwasan ang pag-iimbak ng taba sa ating katawan.

Nililinis din ng pag-inom ng lemon juice ang ating dugo, pinipigilan ang constipation at sinasaayos ang blood sugar at kinokontrol ang mataas na presyon ng dugo.

Matatandaang napabalitang nabawasan ng 20 pounds sa mabilis na paraan si Beyonce gamit ang Master Cleanse Lemonade Fast. Isa itong uri ng liquid diet na binubuo ng halong lemon juice, maple syrup, cayenne pepper at tubig. Iniinom ito ng anim hanggang 12 beses sa isang araw ng walang halong kahit anong klaseng pagkain.

Ngunit, mabilis na mababalik ang nawala sa iyong timbang oras na bumalik ka sa regular na pagkain. Bunsod nito, pinapayong isama ang lemon juice sa iyong balanseng diet upang epektibong makita ang pagliit ng iyong bewang.