Ni: Jonnalyn Cortez
BUKOD sa mga pampagandang maskara sa mukha, nauuso na rin ngayon ang maskara na para sa mata lamang.
Karaniwang nakasuklob ito sa palibot ng mata o kaya naman ay sa ilalim ng mata hanggang sentido at malapit sa pisngi. Depende sa gamit, pwede itong pantanggal ng eye bags, kulubot sa ilalim ng mata, at iba pang problema sa palibot ng iyong paningin.
Katulad ng pampagandang maskara sa mukha, may kaparehong sangkap ito na tumutulong upang pagandahin at pagmukhaing sariwa ang iyong balat.
Ilan pa nga sa magandang epekto ng paggamit nito ay nakababawas ng pamamaga sa mata. Maaaring mapawi ang pamamaga sa paligid ng mata sa sa pamamagitan ng paglalagay ng malamig na maskara sa ilalim nito.
Ilagay lamang ang iyong maskara sa mata sa loob ng ref at palamigin ito. Ibabad naman ito sa iyong mata sa loob ng 10 hanggang 20 minuto o hanggang mawala ang lamig.
Maaari ring gamitin ang maskara sa mata upang ibsan ang sakit sa sinus. Ayon sa pag-aaral sa University of Maryland Medical Center, kayang ibsan ng init at presyon ang sobrang sakit ng sinus na may kasama pang sakit ng ulo.
Ibabad lamang ang iyong maskara sa mata sa mainit na tubig sa loob ng ilang minuto at ilagay na ito sa palibot ng mata. Para naman sa sinusitis na sumakit dahil sa lamig ng panahon, gumamit ng malamig na maskara sa mata habang nakahiga at nakapatong ang ulo sa unan.