PINAS

Mga negosyong patok sa tag-init

Ni: Janet Rebusio-Ducayag

EXCITED ka na ba at nag-iisip kung saan tutungo o magbakasyon ngayong summer? Ang ilan naman sa atin ay nag-iisip kung paano kikita ngayong tag-init? Ang mga business-minded ‘ika nga ay walang inisip kundi ang paano makalikom ng salapi para sa muling pagbubukas ng klase sa Hunyo. Pinaghahandaan ang bukas.

Kanya-kanyang diskarte para kumita. Ang mahalaga ay mayroon tayong dudukutin sa panahon ng pangangailangan. Hindi araw-araw ay Pasko, sabi nga. Batay sa isinagawa nating survey para sa realidad ng buhay, may ilang mga small-time negosyo na lalong papatok nga-yong wala ng klase ang mga kabataan. Saan nga ba galing ang anumang malaking negosyo kundi sa maliit?

Pagtitinda ng merienda at palamig

Kabilang dito ay ang pagtinda ng palamig at nangunguna sa talaan ang halo-halo, ice cream, ice candy, shake, sago gulaman, mais con yelo at pagkaing katulad ng siomai, fish at squid balls.

Kapag tag-init, marami ang tambay sa kalsada o labasan ng bahay. Una, dahil walang pasok sa eskuwela ang mga bata; pangalawa, dahil mainit sa loob ng bahay, marami ang mas gustong sa labas na lang magpalipas ng oras. Kaugnay nito, ang pagtitinda ng merienda ay isa rin sa malakas na pagkakitaan. Kabilang sa masarap na snacks ay kakanin tulad ng puto, kutsinta, palitaw, ube halaya, sapin-sapin, biko at iba pa.

Samantala, hindi rin matawaran ang pagkamabili ng banana cue, kikiam, maruya, kwek-kwek, ginataang bilo-bilo, mais o monggo. Siyempre, dapat ding isaalang-alang ang lokasyon ng ilalagay na snack station o outlet.

Si Aling Theresa France, 65, ng Ascension St., Capitol Parkland, Caloocan City ay matagal ng panahong nagtitinda ng ginataan at halo-halo nguni’t  inaasahan niyang mas magiging abala siya kapag tag-nit dahil dumudoble umano ang kanyang kita sa panahong ito.

Samantala, si Marlyn Lava, 50,  ng Calamansian St. Camarin, Caloocan City ay umaasa na lalakas ang kanyang tindang hotcake at milky jelly ngayong tag-init dahil matutulungan na siya ng kanyang mga anak na bakasyon na sa eskuwela. Si Marlyn ay biyuda at may limang anak.

T-shirt printing

Isa pang malakas na pagkakitaan ng mga kabataan ay ang t-shirt printing na siyang pinagkakaabalahan ni Joshua Diamante, 21, ng Pa-ngarap, Caloocan City. Bilang IT student, magaling siyang mag-design sa computer ng mga iimprenta sa t-shirt na ipinapasa naman niya sa mga barkada na nagbebenta nito sa mga concert at iba’t- ibang okasyon ngayong summer time.

Ayon kay Joshua, sumasama rin siya sa kaibigang isa ring artist upang mag-asiste bilang videographer o camera man sa mga summer events.

Fashion accessories

Samantala, si Loreta Dungo, 42, ay magiging abala rin sa paggawa ng mga fa-shion accessories na nababagay ngayong tag-init katulad ng kuwintas at bracelets mula sa beads at sea shells. Pinasok na rin niya ang pagtitinda ng summer gadgets katulad ng bath towels, swimwears, sunglasses, goggles, tents, water-proof bluetooth speakers, inflatable salbabida, backpacks, outdoor grillers, coolers (styropor)  pati na ang pagbebenta ng sun block lotion at tanning lotion.

Ayon kay Loreta, kabilang sa mga kustomer niya ay mga kaklase sa zumba class at kasamahan sa real estate business. “Tumatabo (kumikita ng husto) ako pag summer dahil sa mga kasamahan ko rin,” ani Loreta.

Make-up artist

Natutuwa rin niyang ibi-nida na magiging “full-time” make-up artist ngayong summer ang kanyang anak na si Cleo, 19, dahil wala ng klase. Kakaibang summer job naman ang pinasok ng huli – make-up artist ng mga artista sa ilang indie films. Samantala bago pa mag-summer ay pinagkakaabalahan na ni Cleo ang pagmi-make-up sa mga graduates.

Pagtitinda ng ulam

Si Hernani Ponce, 58 at ang asawa nitong si Evelyn ay nagdadagdag ng panindang ulam sa kanilang sari-sari store ngayong summer. “Kapag may pasok, mga bata ang sentro ng atensiyon namin. Ngayong maluwag na umano ang kanilang schedule, nakakapagluto na sila.

Tutorial

Si Daniel Manzo, 15, nasa ika-9th grade  sa Maligaya High School, Quezon City ay magiging abala sa pagtuturo ng sayaw sa mga kabataan. Kumikita siya ng P300 sa bawa’t session ng kanyang  choreography. Kahit may pasok, ito na ang sideline ni Daniel kung saan ang kinikita ay ibinibili niya ng mga bagong electronic gadgets.

Hanggang may diskarte, hindi ka mawawalan ng pagkakaabalahan at pagkakitaan ngayong summer vacation. Alamin natin kung ano ang  ating talento na maaring ibahagi sa iba at kasabay na pagkakitaan ito.

Kung magaling kang swimmer, maaring mag-train ng nais maging magaling na manlalangoy.

Si Kenshin Rebusio, 11, ay nais ibahagi ang kanyang talento sa Tae Kwon Do, bago tumulak sa New Zealand upang magbakasyon kasama ang inang si Gayl. Gagawin niya umano ito ng libre sa mga kapitbahay, kalaro at kaibigan.

Si Kenshin ay magtatapos sa elementarya mula sa Montessori Heights Christian School. ”Kung masaya siya sa gagawin niya, hindi kailangang kumita,” pahayag ni Gayl. Bata pa ay achiever na si Kenshin at marami na ring nasalihang kompetisyon na kanya ring napagwagian.

Ang ideya ng pagkakitaan ay madalas na nag-uugat sa mga nasaksihan natin, narinig o napanood. Madalas ay kasanayan na rin sa pagpapatakbo nito ang susi ng tagumpay.

Naniniwala ka ba sa swerte? Puwes, bakit hindi ka dumiskarte ng pagkakakitaan ngayong tag-init? Malay mo ang maliit mong negosyo ay biglang lumalaki at magkaroon ng mga sangay dahil nasa palad mo ang swerte na nakasalalay pa rin sa iyong pagkatao at pagpapatakbo.

Ginagawa ang kapalaran.