Ni: Jonnalyn Cortez
NORMAL na nga ang magkaroon ng maliliit na butas sa mukha o yung tinatawag na pores. Madalas itong makikita sa baba, ilong, noo at pisngi. Ngunit, marami sa atin ang ayaw na ayaw na nakikita ito.
Sa kasamaang palad, walang paraan upang matanggal ang maliliit na butas na ito sa mukha. Subalit, meron namang paraan upang mas mapaliit pa ang mga ito at hindi na mahalata.
Una, panatilihing malinis ang iyong mukha. Ang namumuong mga dumi at langis sa mukha ay bumabara sa iyong pores na siya namang nagiging dahilan ng paglaki nito. Kaya naman, importanteng maghilamos araw-araw upang mapanatiling malinis ito.
Pangalawa, protektahan ang iyong balat. Nababawasan nga ang pagkalastiko ng ating mukha habang tayo ay tumatanda. Nagiging dahilan ito ng pagiging bagsak ng ating balat na humihila sa ating pores.
Bunsod nito, kailangang panatilihing protektado ang ating mukha sa pamamagitan ng paggamit ng mga pamahid na may SPF at moisturizer na walang halong langis.
Pangatlo, wag kutkutin ang dumi sa iyong mukha. Iwasang kutkutin ang mukha upang tanggalin ang mga nakakairitang whiteheads at blackheads. Hayaan na lamang na kusang matanggal ito gamit ang iyong panghilamos o maaari rin namang tumungo sa dermatologist at hayaang isang propesyonal ang gumawa nito.