PINAS

MSMEs, magkakaroon ng e-commerce website

Ni: Kristin Mariano

MAGTUTULUNGAN ang Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Science and Technology (DOST) upang gumawa ng isang e-commerce website para lalong matulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Ang bagong online platform ay tatawaging OneSTore.ph at makakatulong sa mga maliliit na negosyo para maparami ang maabot na mga kostumer. Ang OneSTore.ph ay ang kauna-unahang e-commerce platform (Business–to-Customer and Business-to-Business platform) ng gobyerno.

Ang DOST ang gagawa at magme-maintain ng website kung saan matatagpuan ang mga produkto tulad sa isang tipikal na online shop. Magkakaroon din ng payment at logistic partners para gawing posible ang online shop.

Magiging prayoridad ng website at ng DTI ang paglagay ng mga dekalidad na produktong Pinoy na mula sa maliliit na negosyo na magdadala sa mga produkto sa pintuan ng mga mamimili kahit saang panig ng mundo.

“MSMEs are the backbone of the Philippine economy, and as part of President Rodrigo Duterte’s whole-of-government approach to assist MSMEs, we are teaming up with DOST to impact the lives of more Filipino entrepreneurs,” ayon kay DTI Se-cretary Ramon M. Lopez.

Ang bagong ideyang ito ng DTI ay produkto ng pagpapaigting ng sangay ng gobyerno sa pagma-market ng mga produkto ng MSMEs upang makipagsabayan sa malalaking negosyo. Ang OneSTore.ph ay magiging one-stop shop ng mga world class na produktong Pinoy.

Sa ilalim ng OneSTore.ph agreement, ipo-promote ng DTI ang mga produkto sa website at Negosyo Centers kung saan naka-display ang kanilang mga produkto. Dahil dito palalawakin ng DTI ang Negosyo Centers upang maengganyo ang mas marami pang negosyante.

Tutulong din ang DTI sa pag-dispatch ng mga produkto sa pamamagitan ng One Town, One Product (OTOP) Philippines HubStores. Ang OTOP ay ang programa ng national at local government upang maipakita ang mga produkto ng maliliit na negosyante.

Pakinabang ng OneSTore.ph

Malaking tulong ang pagkakaroon ng website o online shop sa isang negosyo. Dahil maaabot nito ang mas malawak na kostumer lalo na ang kabataan. Narito ang mga benepisyo kung bakit kailangan ng mga maliliit na negosyante.

 

Bagong kliyente – Kung nais ng mga negosyante na magkaroon ng bagong kliyente, ang mundo ng online ay malawak. Karamihan ng mga kostumer online ay kabataan at mga millennials dahil sila ang madalas gumamit ng computers at mga gadgets.

Cost effective – Napakadali ng paggawa ng online shop. May mga negosyo na nag-iinvest sa isang domain sa paggawa ng kanilang online shop. Kung walang budget para sa isang domain, maaaring gumawa ng online shop sa tulong ng ibang platforms tulad ng Facebook, Ebay, at Shoppee. Kapag naitayo na ang online shop, maaari mo na itong la-gyan ng iba’t-ibang produkto.

Sa kasalukuyan, wala pang set of guidelines ang pagsali sa OneSTore.ph, ngunit base sa mga programa ng DTI, maaaring wala o mura lamang ang bayad sa pagsali sa e-commerce platform.

Madaling i-manage – Di tulad ng physical store, madaling i-manage ang isang online store. Kayang-kaya itong i-manage sa bahay, sa harap ng isang computer. Ang entrepreneur o sole proprieter ay maaaring manag-manage ng website at online shop. Sa OneSTore.ph, kailangan mo lamang siguraduhin na may sapat na dami ng produkto para sa mga online orders.

Hamon ng OneSTore.ph

Bukod sa mga benepisyo, mayroon ding mga hamon ang pagkakaroon ng online shop. Maganda magkaroon ng online shop kung masasagot ang mga hamon na nakalista sa baba. Narito naman ang apat na mga hamon sa OneSTore.ph.

Internet connectivity – Ang pagkakaroon ng online shop ay nakasalalay sa internet connectivity ng isang negosyo. Kailangan ng isang negosyante ang mabilis na connection upang mabilis na makasagot sa mga tanong at orders ng kostumer.

Dahil wala pang set of guidelines ang OneSTore.ph, hindi pa malinaw ang layout ng e-commerce platform kung ito ay magiging host sa maliliit na tindahan at sellers tulad ng eBay o AliExpress at ang negosyante mismo ang magma-manage ng kanilang store. Kung ganito man, maaaring mahirapan ang maliliit na negosyo sa kanayunan kung saan hindi malakas o walang internet connection.

Payment partners – Isa sa mga desbentaha ng online shop ay hindi ito kaliwaan ng bayad at produkto. Karaniwan ay babayaran muna ng kostumer ang order bago i-deliver ng seller ang produkto. Kailangan ng mapagkakatiwalaang payment partners. Kailangan din ng maraming options para sa convenience ng kostumers.

Logistics and delivery – Bukod sa payment partners, kailangan ng mapagkakatiwalaang logistics at delivery partners para maihatid ang mga produkto sa mga kostumer. Kailangan isaalang-alang ang lawak ng serbisyo ng logistics.

Ibang websites

Kung isa kang negosyante at hindi mo na mahintay ang OneSTore.ph ng DTI, mara-ming websites na maaaring gawan ng online shop. Ang kagandahan nito, maaari mo ng simulan ang pagbebenta ng iyong mga produkto. Ang mga website na ito ay:

Facebook

Ebay

Shoppee

Carousel

AliExpress

Shopify

Lazada.