PINAS

OFW deployment ban sa Kuwait: Matatapos na ba?

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

NAKATAKDANG lagdaan ng Pilipinas at Kuwait ang memorandum of understanding (MOU) sa Abril, kung saan nakasaad ang mga probisyon na nagbibigay proteksyon sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) mula sa sari-saring pang-aabuso sa kanilang pagtatrabaho sa naturang Gulf State.

Nakasaad sa naturang kasunduan, na bunga ng pagpupulong ng mga opisyal ng dalawang bansa sa Maynila kamakailan, ang mga sumusunod:  Ang pagbabawal sa mga Kuwaiti employer na kunin ang pasaporte ng empleyadong OFW; pagkakaroon ng sariling bank account ng OFW upang mamonitor ng gobyerno kung tama ang pagpapasahod ng employer; ang pagkakaroon ng Standard Employment Contract sa pagitan ng OFW at kaniyang amo; probisyon sa pagbibigay ng wastong pagkain, bahay, pananamit, at health insurance; pagbabawal sa mga employer na kumpiskahin ang cellphone at ibang communication gadgets ng OFW; at ang pagbabawal sa mga employers na ipasa sa ibang amo ang mga OFW nang walang pahintulot.

Kabilang din sa MOU ang pagsiguro na hindi bababa sa USD 400 o nasa PHP 20,000 ang sweldong tatanggapin ng OFW mula sa kanyang amo kada buwan.

Ang final draft ng MOU ay nasa mga kamay na ni Pa-ngulong Rodrigo R. Duterte. Inaalam na lamang kung sa aling bansa pipirmahan ang kasunduan sa unang linggo ng Abril, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Napipinto na kaya ang wakas ng total deployment ban?

Matatandaang nagpatupad ng total deployment ban ng OFW sa Kuwait ang Department of Labor and Employment, ayon sa utos ni Pangulong Duterte, matapos ang pagkakadiskubre sa bangkay ng Filipina household worker na si Joanna Demafelis na nakasilid sa freezer sa loob ng isang abandonadong apartment sa naturang Gulf State nitong Pebrero.

Bukod pa sa kaso ni Demafelis, maraming sumbong ng pangaabuso sa mga OFWs sa nasabing bansa ang natanggap ng Overseas Wor-kers Welfare Administration, na nagtulak sa iba’t-ibang sangay ng gobyerno ng Pilipinas na suportahan ang natu-rang hakbangin ng Pangulo.

Ngunit daan-daang mga manggagawang Pinoy na nakatakda na sanang lumipad at magtrabaho sa Kuwait ang naapektuhan ang kabuhayan ng deployment ban. Nananawagan ang mga ito na pahintulutan na silang makapagtrabaho sa nasabing bansa upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang mga pamilya at mabawi ang mga ginastos sa pagproseso ng kanilang mga papeles.

Bago ipatupad ang ban, isa ang Kuwait sa mga pa-ngunahing bansang pinupuntahan ng mga OFWs. Base sa datos, nasa 240,000 na mga Pinoy ang nagtatrabaho dito.  Umabot naman sa USD 735 milyon o katumbas ng PHP 37.5 milyon ang halaga ng OFW remittances mula Enero hanggang Nobyembre 2017.

Paglilinaw ni DOLE Se-cretary Silvestre Bello III, kahit mapirmahan ng Pilipinas at Kuwait ang MOU ay hindi nangangahulugang tatanggalin na ng gobyerno ang total deployment ban. Aniya, baka ang mga skilled workers muna ang pahihintulutang makapagtrabaho sa nasabing Gulf State.

“If there will be a signing, this is one step towards the possible lifting [of the deployment ban], pero I also made a statement [na] if there will be a lifting, it will only be for a moment a lifting of the ban with respect with the skilled workers,” wika ni Bello.

Dagdag ng kalihim na ang pagtatanggal ng deployment ban ay nakadepende rin sa takbo ng kaso ni Demafelis dahil nais umano ni Pangulong Duterte na makuha ang hustisya para sa pinaslang na 29-anyos na household service worker na tubong Iloilo.

Sa kanyang talumpati sa graduation exercises ng Philippine National Police Academy Maragtas Class of 2018, inilahad ng Pangulo ang kaniyang mga kundisyon para alisin ang total deployment ban sa Kuwait, na dapat aniya ay nakasaad sa MOU bago niya ito pirmahan.

“I demanded that it will be a contract of government-to- government and that there will be some mandatory provisions like they [domestic helpers] should be allowed to sleep for 7 hours a day, fed nutritious food. We will not allow leftovers to be eaten by our countrymen,” wika ni Pangulong Duterte.

Sinabi din ng Pangulo na pagbabawalan niya ang pagkukumpiska sa mga pasaporte ng OFWs at dapat ay pinahihintulutan sila na makapag-holiday.

 “I have said that we are not slaves. Maybe our only fault is that we are poor,” wika ni Pangulong Duterte.

Senado: Deployment ban, dapat palawakin

Kung tatanungin ang mga senador, ang OFW deployment ban ay hindi lang dapat ipataw sa Kuwait kundi ma-ging sa mga bansa na alipin ang pagtingin sa mga Pilipinong manggagawa.

Kamakailan ay inihain sa Senado ang Senate Resolution 676, na orihinal na akda nina Sen. Manny Pacquiao at Sen. Sonny Trillanes, na nagrerekomendang ipagbawal ang pagpapadala ng mga Filipino household workers sa mga bansang walang paggalang sa kanilang mga karapatan na nagpapahintulot sa mga employers ang  pagkuha at pagtago ng mahahalagang papeles at cellphone, gayon din ang pagbebenta sa mga OFWs na parang mga alipin.

Ang nasabing resolusyon ay inisponsoran ni Senate President Aquilino Pimentel III at sinoportahan ng lahat ng miyembro ng Mataas na Kapulungan.

“However, we can—and we should—limit the places where they seek employment in to only those countries that provide Filipino workers the same rights and protections given to nationals of that country,” wika ni Pimintel sa kanyang talumpati.

Dagdag pa niya, mara-ming Pilipino ang na-ngingibang bansa upang makapaghanap ng trabahong makapagbibigay sa kanila ng malaking sweldo para matugunan ang pa-ngangailangan ng kanilang pamilya. At hangga’t hindi sapat ang oportunidad ng trabaho sa bansa, asahan na magpapatuloy ang pag-lipad ng mga manggagawang Pinoy sa abroad—sa kabila ng mga kinakaharap na panganib at kalumba-yan—para lang makaahon sa kahirapan.

Dahil dito, nararapat lamang aniyang bigyang proteksyon ng gobyerno ang mga OFWs.

“Let us put an end to the practice of allowing our citizens to fall into the hands of cruel people who make no distinction between slaves and staff. The Filipino is not a slave,” pagtatapos ni Pimentel.