Ni: Assoc.Prof. Louie C. Montemar
PAGSASAAYOS dapat nating tingnan ang politika bilang isang proseso ng pagsasaayos ng isang lipunan. Sa mga sulating inggles, ang paglalatag ng tinatawag na “social order” o kaayusang panlipunan ang sinasabing dahilan kung bakit mayroon tayong sistema ng pamamahala.
Kung magulo man ang tingin natin ngayon sa ating lipunan, hindi ba’t pakikisangkot din sa politika ang paraan para maiayos ang gulo? Kung pamumulitika ang nagpapagulo sa lipunan, ang politika naman ang mag-aayos nito.
Hindi maitatangging sa dami ng mga masamang dinanas at mga nababalitaan natin tungkol sa pamahalaan at mga politiko, isang problema nga natin sa Pilipinas ang negatibong pagtingin ng publiko sa “politika.”
Ang hindi natin karaniwang naiisip o malamang ayaw nang isipin na politika o nasa politika rin ang solu-syon sa mga suliraning panlipunan.
Isingit ko lang ang isang maiksing kwento para linawin ang aking punto. Minsan may mga kwarentang mag-aaral ako at may mga anim na Tsino sa klaseng iyon. Galing sa mainland China ang mga banyaga.
Gaya ng madalas kong ginagawa sa subject na Political Science, pinagsalita ko ang lahat sa klaseng iyon upang sagutin ang tanong na “Ano ang pumapasok sa isip mo kapag naririnig ang salitang ‘POLITIKA’?” Ang kinalabasan, lahat ng mga negatibong bagay ang binanggit ng mga Pilipinong mag-aaral gaya ng korupsiyon, pagkamal ng yaman, bribery, election fraud, assassination, atbp.
Ang anim na Tsino ay gulat na gulat. Nanlaki ang mga mata. Sila ang huli kong pinagsalita. Ang halimbawa ng mga sagot nila na salin sa orihinal na inggles ay “pag-lingkuran ang publiko”, “serbisyo”, “pagmamahal sa bayan.”
Hindi kaya may binabadya ito para sa kalagayan natin?
Sa tingin ko, hindi natin problema ang labis na politika o demokrasya sa bansang ito. Dahil sa labis na negatibong pagtingin ng marami sa politika, kulang pa nga. Kulang tayo sa makabuluhang pakikisangkot sa makataong politika.
Sa darating na halalang pambarangay at patuloy na talakayan sa panukalang pagpapalit sa anyong pederal ng ating pamahalaan, tingin ko, dapat nating alalahanin na ang usapin talagang nakalatag dito ay ang pagsasaayos ng ating bayan o ng ating lipunan.
Makisangkot tayo. Pamamaraan at larangan lamang ang politika. Pagsasaayos ang tunay na layunin.