Pinas News
DAPAT tingnan natin ang pagbibitiw ng isang kasapi ng Gabinete sa perspektibo ng pagpapahusay sa pamamahala. Natural lamang para sa kahit sinong lider ang naisin na nasa likod niya ang pinakamahuhusay na mga tao upang tumulong.
Sa isang Demokrasya, karaniwang tampok ang kalayaan at halalan bilang mga katangian ng politika at pamamahala. Ang tila nalilimutan ng marami, hindi gagana ang isang demokratikong pamahalaan kung walang epektibong tagapagpatupad at tagapangasiwa ng mga patakaran at programa. Sa madaling salita, kailangan ng isang gumaganang Gabinete. Hindi lamang tungkol sa kalayaan at karapatan ang isang demokrasya. Kailangan din ng mga epektibo at responsableng pinuno para rito.
Kung iisipin, sa anumang pamahalaan, demokratiko man o hindi, sadyang ‘di kaya ng iisang tao lamang ang gawain ng pagpapatupad ng mga plano at desisyon. Sa kalakaran sa ating bansa, hango sa praktika ng iba pang lipunan, tinatawag na Gabinete (“Cabinet” sa Inggles) ang pormal na grupo ng pinakamalalapit na katuwang at tagapayo ng Pangulo.
Dito sa atin, tinatalaga ng Pangulo ang kasapi ng kanyang Gabinete at tampok na inaasahan sila bilang: una, tagapayo sa Pangulo, ikalawa, bilang pinuno’t tagapangasiwa ng ahensiya o departamentong nakatalaga sa kanila.Tinatawag silang mga “Secretary” sa Inggles (Kalihim sa Tagalog). Nagsisilbi sila ayon sa kumpas at para sa kagalingan ng Tanggapan ng Pangulo.
Mainam naman yatang regular na repasuhin ang pamamalakad ng mga Kalihim na ito. Kung tila hindi na katanggaptanggap, lalo na para sa Pangulo, ang mga ginagawa o pagkukulang ng isang Kalihim, dapat lamang naman na palitan na siya. Halimbawa na lamang, nariyan ang kaso ng dating Kalihim Aguirre sa Department of Justice (DOJ).
Bakit nga ba tila hindi regular na iniuulat ng Malacañang sa publiko ang “performance” ng bawat isa sa mga kasapi ng Gabinete? Hindi sapat na nakakulong ang Gabinete sa Malacañang kapag may pagpupulong ito. Dapat namang malaman talaga ng tao kung ano ang kinahihinatnan ng mga nasabing pagpupulong, at kung kumusta ang pagpapatupad ng mga programa. Sa ganitong paraan, mas masisiguro natin ang pagpapatupad ng mga susing plano ng pamahalaan.
Kung talagang hindi mainam ang pagtatrabaho ng isang itinalagang miyembro ng Gabinete, dapat lamang na palitan na siya.