PINAS

Resignation o dismissal!

Ni: Jun Samson

TILA nauuso ang sibakan o resignation sa hanay ng mga government official? Ang pinakahuling nagbitiw ay si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at ang ipinalit sa kanya ay si Senior Deputy Executive Secretary Menardo Guevarra. Ngayon naman ay hinihiling ng Public Attorney’s Office (PAO) at ng Volunteers Against Crime and Corruption kay Health Secretary Francisco Duque III na magbitiw na rin sa pwesto.

Hindi man sangkot si Duque sa implementasyon ng Dengvaxia, pero patuloy pa rin ang panawagan ng kanyang resignation.  Ito raw ay dahil nagiging hadlang o sagabal si Duque sa paghahanap ng hustisya sa mga batang nasawi matapos naturukan ng Dengvaxia.

Sa paniwala ni PAO Forensic Chief, Dr. Erwin Erfe na dapat na magbitiw sa pwesto si Duque dahil sa halip anya na makatulong ang kalihim na makamit ang hustisya ng mga biktima ng Dengvaxia ay tila lumilitaw na ito pa ang nagiging sagabal para mapanagot ang mga may sala sa kontrobersyal na malawakang anti-dengue vaccine ng Department of Health.

Nakakuha naman ng kakampi ang PAO dahil sinegundahan o sinang-ayunan ng mga miyembro ng VACC o Volunteers Against Crime and Corruption ang panawagang resignation ni Duque. Isa sa mga tinutulan ng PAO ay ang inilabas na kautusan ng DoH na nagsasabing dapat ay sa mga ospital lamang ng gobyerno ipaubaya ang pagasasagawa ng autopsiya sa mga naturukan ng Dengvaxia.

Dahil diyan ay agad na idinipensa ng PAO ang sistema ng pagsasagawa nila ng forensic examination sa mga bangkay ng mga naturukan ng Dengvaxia. Tama ba na sa tuwing magkakaroon ng problema o kontrobersya ay ipapanawagan ang resignation sa namumuno? Sakali namang mag-resign nga at napalitan ang hepe ay nakakatulong ba ito o magiging dahilan kaya ito para maresolba ang problema?

Marahil ay hindi resignation o dismissal ang sagot sa problema? Ang kailangan siguro ay malinis na intensyon ang pairalin sa puso, tunay na pagsisilbi sa taumbayan at sa inangbayan, at walang korapsyon o katiwalian at walang pinoprotektahang political party. Pero sa panahon ngayon ay saan naman kaya tayo maghahanap ng public servant na masasabing tunay na malinis at walang bahid ng kahit na kaunting katiwalian? Sabi nga ay dapat magkaroon ng isang leader by example. May apat na taon pang pamumuno sa bansa ang natitira para sa Duterte administration. Hindi naman maiiwasan na mag-isip o magtanong, “ilang opisyal pa kaya ang sisibakin o magre-resign?