Ni: Jun Samson
NITONG nagdaang linggo o sa huling araw ng paghahain ng CoC o certificate of candidacy, partikular na sa lungsod ng Maynila ay dinagsa ang Commission on Elections ng mga nag-file ng kani-kanilang CoC para kumandidato sa idaraos na Barangay at Sangguniang Kabataan election sa May 14.
Sa huling tala ng Comelec sa Maynila ay lagpas na sa 587 thousand ang naghain para sa Barangay Elections habang mahigit naman sa 272 libo ang para sa SK Elections. Halos lahat sila ay iisa ang paliwanag o katwiran kung bakit sila tatakbo sa halalan, “ang magsilbi umano sa kanilang mga ka-barangay.”
Ang katwirang ito ba ay katanggap-tanggap o kapani-paniwala? Kung gagamitin nating basehan ang pahayag ng ilang mga political analysts ay hindi ito pinaniniwalaan ng mga mulat o matatalinong botante. Ang tingin ng mayorya sa mga botante ay ginagamit o tila nagiging hanapbuhay na ito ng mga Barangay at SK officials.
Napansin pa nga ng mga analysts na kailangan ba na gumastos ng napakalaki sa pangangampanya? Ano raw ang inaasahan kapag nanalo at naupo na sa pwesto si gastador? Siyempre raw ay bawiin muna ang pinuhunan sa kampanya at pagkatapos ay kolektahin na ang tubo! Sa SK naman ay obserbasyon ng marami na nagiging training grounds ito para hubugin o i-expose sa mga proyekto ang mga kabataan at ginagamit sila ng mga mas matataas na opisyal para kumita.
Sa bandang huli ay natututo na rin daw na maging corrupt ang mga batang opisyal. Maliit lang ang sweldo ng mga Kupitan, este Kapitan at mga SK Chairman at ito ay ibabase sa IRA o Internal Revenue Allotment ng kanilang barangay. Pero nakapagtataka nga at nakakagulat kung bakit napakarami ang nais na pumasok sa nasabing pwesto. Ano ba ang meron sa barangay?
Layunin ba ng mga nagpapakilalang mga public servant na magserbisyo sa Barangay o maghahanap buhay lang sa Barangay? Para sa mga boboto sa May 14 Barangay at Sangguniang Kabataan elections, sana po ay maging matalinong botante kayo dahil sa paglipas ng panahon ay ang inyong mga anak at mga magiging apo ang makikinabang sa progreso.
Iyan ay kung matinong opisyal ang inyong iboboto at makakaupo sa pwesto para pamunuan ang inyong komunidad. Dapat ay hindi tao na may pansariling interes ang pipiliin para mamuno sa inyong barangay. Maging matalino sa pagboto.