PINAS

SK elections, tuloy – DILG

Ni: Noli C. Liwanag

HABANG wala pang batas sa pagpapa-liban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, puspusan ang preparasyon sa gaganaping halalan sa Mayo 14.

Sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) OIC-Secretary Eduardo Año na puspusan ang ginagawang preparasyon para sa Barangay at SK elections hanggang walang batas na pinapasa tungkol sa muling pagpapaliban nito.

Gayunpaman, umaasa ang DILG na hindi na maipagpapaliban pa sa ikatlong pagkakataon ang halalan para mabigyan ng pagkakataon ang publiko na linisin ang hanay ng mga barangay officials ng mga hindi nagtatrabaho ng tama.

Ayon sa DILG chief, sa aspeto ng local governance, ang eleksyon ay usapin ng accountability o pananagutan. Kung walang eleksyon, hindi mapapanagot ng pu-bliko ang mga opisyal batay sa kanilang paglilingkod. “Ang pagdaraos ng halalan batay sa itinakdang schedule ay nagbibigay ng pagkakataon sa publiko na papanagutin ang mga opisyal ng barangay batay sa kanilang naging performance sa tungkulin,” pahayag nito.

“Ang kasalukuyang opisyal ng barangay ay ibinoto ng mga tao para sa tatlong taong termino lamang.

Sa kasalukuyan mahigit limang taon nang nasa puwesto ang mga opisyal ng barangay. Tama na iyon. Hayaan naman natin ang tao na magbigay sa kanila ng panibagong mandato o kaya naman ay mag-alis sa kanila sa tungkulin,” pahayag nito.

Bahagi ng paraan para maalis ang barangay officials na hindi nagtatrabaho ng tama, naglunsad ang DILG katuwang ang Comelec ng kampanya noong nakaraang buwan para sa Matino, Mahusay at Maaasahang Barangay at SK officials, na humihikayat sa publiko na pumili ng lider na nagtataglay ng mga pangunahing katangian na mahalaga para sa kapayapaan at pag-unlad ng komunidad.

KATANGIAN NG MGA MABUTING BARANGAY OFFICIALS

Ayon kay DILG Spokesperson Asst. Secretary Jonathan Malaya, ang opisyal ng bara-ngay at SK na matino ay dapat nagtataglay ng mga katangian na: 1. Hindi “corrupt” at luma-laban sa katiwalian; 2. Lumalaban sa iligal na droga; 3. Tapat sa serbisyo at bukas sa publiko; 4. Magaling at may disiplina; at 5. Walang kaugnayan sa masasamang tao o grupo.

Ang mahusay na kandidato ay may platapormang pangkaunlaran at pangkapa-yapaan; huwaran at modelo ng kanyang mga kabarangay; sumusunod sa mga alituntunin ng pamahalaan at ng komunidad; 4. Maayos  makitungo sa mga kabarangay; at may patas na pagtingin sa iba’t ibang problema sa barangay.
Samantalang ang ‘maaasahan’ na kandidato ay dapat: may kaaalaman at may kakayahan sa pagpaplano; alistong tumutulong sa panahon ng sakuna; nagmamalasakit sa kapwa; madaling malapitan sa oras ng pangangailangan; at subok sa pagtulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.

SK REFORM ACT, IPATUPAD

Tinanggap ng Department of the Interior and Local Go-vernment (DILG) ang anunsyo ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na tuloy ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections sa Mayo para mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan para makapagluklok ng bagong SK officers.

Ayon kay DILG OIC-Se-cretary Eduardo M. Año, ang gagawing Barangay at SK elections ay napakahalaga sa bansa para maipatupad ang SK Reform Act or RA 10742 sa ilalim ng bagong hanay ng pamunuan ng mga kabataan.

Kabilang sa pinalakas na probisyon ng bagong SK law ay ang anti-dynasty provision na pinakauna sa kasaysayan ng bansa. Batay sa Section 10 ng bagong batas, kabilang sa kuwalipikasyon ng kandidato sa pagka-SK ay dapat “wala itong kaanak hanggang sa ikalawang degree ng consanguinity o affinity na mga halal na opisyal na nakaupo sa kasalukuyan, maging ito ay sa national o regional, provincial, city, municipal, o barangay official, sa lugar kung saan niya ninanais mahalal.”

Sa ilalim ng SK Reform Act, itinataas ang age requirement ng SK officials sa 18 hanggang 24 years old mula sa dating 15 hanggang 17 years old upang sila ay maaari nang makipagkontrata at mapapanagot sa anumang paglabag sa batas.

DILG AT NYC, MAGKATUWANG

Nakapaloob sa bagong SK law na ang Department of the Interior and Local Go-vernment (DILG) at National Youth Commission (NYC), ang magkatuwang na magdidisenyo at magpapatupad ng mandatory at continuing training programs para sa SK officials.

Kabilang dito ang capabi-lity building tungkol sa lea-dership, program at project development at sustainabi-lity, financial management at accountability and transpa-rency.

Ayon kay DILG Spokesperson Assistant Secretary Jonathan Malaya,  ang lahat ng mahahalal na SK officials ay kailangang sumailalim sa mandatorty training programs bago sila tuluyang makaupo sa puwesto.

“Ang DILG ay bumuo ng modules para sa bagong hanay ng kabataang opisyal. Inaasahan natin na ang training na ito ay makakatulong upang mabigyan sila ng kinakailangang kasana-yan para maayos nilang maipatupad ang kanilang tungkulin,”paliwanag nito.

Dagdag pa ni Malaya na sa ilalim ng kanilang panunungkulan, ang SK officials ay kailangang sumailaim sa training programs na pangungunahan ng NYC at DILG. Ang hindi pagdalo sa training programs ay maaaring maging basehan para madisqualify ang isang SK official o di kaya ay mapatawan ng disciplinary actions.

Nanawagan din si Malaya sa mga kabataan na siguraduhing magiging makabuluhan ang kanilang boto sa pamamagitan ng pagboto ng matalino.

Sinabi rin niya na ang inirekomenda ng DILG na batayan sa pagpili ng barangay officials ay pareho din para sa SK candidates.
Ang paghahain ng certificate of candidacy para sa Barangay at SK elections ay nakatakda sa Abril 14 hanggang 20 batay sa Commission on Elections Resolution No. 10246