PINAS

Vice President? Robredo o Marcos?

Ni: Jun Samson

MALAYO pa ng eleksyon pero mainit na ang usapan ngayon sa pulitika partikular na sa Vice Presidential. Pero sa pagkakataong ito ay hindi ang darating na halalan ng pinag-uusapan. Ang mainit na binabantayan ngayon ay ang nagdaang eleksyon sa pagkabise presidente.

Matapos kasing kinuwestyon ni dating Senator at Vice Presidentiable Ferdinand Marcos Jr. ang panalo ni Vice President Leni Robredo ay idinadaos na ngayon ang revision o manual recount sa mga balotang ginamit ng nagdaang May 2016 elections. Partikular sa binibilang ngayon ng PET o Presidential Electoral Tribunal ay halos 31,000 ballot boxes mula sa 5,418 clustered precints sa Camarines Sur, Iloilo at Negros Oriental dahil ang mga lalawigang ito ang pilot provinces na kinuwestyon ni Marcos.

Sa ibang bansa, lalo na sa Amerika, ilang oras matapos ang eleksyon ay binabati agad ng natalong kandidato ang nanalo. Minsan pa nga ay hindi pa tapos ang bilangan ay nagko-concede na ang natatalong kandidato. Paniwala kasi ng mga political analysts sa ibat-ibang mga bansa na makakaapekto sa pag-usad ng ekonomiya at sa pag-unlad ng kanilang bansa ang electoral protest.

Sa isang banda ay karapatan naman ninuman ang maghain ng protesta lalo pa kung sa kanilang paniwala ay nadaya sila. Iyan naman kasi ang kagandahan na namumuhay ka sa isang bansang may demokrasya. Ilan naman sa mga tanong ay kailan naman kaya matatapos ang recount? Ang pangamba kasi ng ilang mga political experts ay baka maproklama ang nanalo habang malapit ng matapos ang termino ng isang kasalukuyang nakaupo sa pwesto? Ok lang daw iyun kung ang mapoproklama after recount ay si Madam Leni dahil wala itong epekto sa kanyang panunungkulan.

Ang siste lang daw ay paano naman kung si Bongbong ang maiproklama na tunay na nanalong bise presidente at kung ang desisyon ay inilabas na halos papatapos na ang term ng seating president? Sa ilalim ng konstitusyon ay kailangang ituloy na lang ng bagong proklamang opisyal ang natitirang panahon na babakantehin ng nakaupong opisyal. Ibig sabihin ay hindi maaaring mapalawig o mabigyan ng extension period ang bagong opisyal. Sa pahayag naman ng PET ay ayaw nilang magbigay ng time frame kung kailan matatapos ang recount.

Depende na lang daw iyan sa bilis ng proseso at kung wala o mayroong lilitaw na sagabal o problema habang idinadaos ang bilangan. May mga nagbiro naman sa lara-ngan ng pulitika na nagsabing wala namang kwenta para sa sambayanan kung sinuman kina Leni o Bongbong ang maideklarang nanalo. Ang bise presidente anya aay parang flower vase lang na naka-display sa lamesa. Sa madaling salita kung susuriin ang kanilang pahayag ay walang trabaho o walang saysay ang nasabing posisyon. Napansin ba ninyo na sa tuwing nangingibang bansa ang sinumang seating president ay itinatalagang caretaker ang executive secretary, sa halip na ang vice president?

Kadalasan ang nagiging papel ng pangalawang pangulo ay nagtataas ng watawat sa probinsya o sa bantayog ng bayani kung may okasyon, tulad ng Independence Day, Araw ng mga Bayani, at iba pa. Mapalad o masuwerte naman ang bise presidente kung kaalyado niya ang nakaupong pangulo dahil tiyak na mabibigyan siya ng posisyon sa gobyerno. Kung inyong maaalala ay nanungkulan nuon bilang Chairman ng Housing, Land and Urban Regulatory Board si Vice President Noli de Castro at sa Department of Social Welfare and Development Office naman ang nuon ay Vice President Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa ngayon ay masasabi naman at hindi maitatanggi na may lamat sa pagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ni VP Robredo. Hindi ko tuloy maiwasan na mag-isip o magtanong sa sarili ko! Ano kaya ang mangyayari sa Pilipinas kapag tapos na ang recount at naideklara na ang nanalo? Ito kaya ay makakatulong sa aking inang bayan o mas magdudulot pa ng problema? Siyempre ang mga sagot diyan ay hindi pa natin malalaman ngayon dahil makikita lang ang sagot kapag nariyan na sa harapan natin ang siywasyon. Ibig sabihin ay wala tayong magagawa kundi hintayin ang resulta nito at suportahan na lang kung sinuman ang maideklarang bise presidente.