Ni: Kristin Mariano
GINARANTIYA ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang monopolyo ang Grab sa ride-hailing industry.
Ikinabigla ng ilan ang pagbili ng Grab sa Uber kamakailan lamang.
Kinumpirma ni LTFRB board member Aileen Lizada na may tatlong kompanya na nag-aantay ng kumpirmasyon sa kanilang opisina. Sa kasalukuyan ay kinukumpleto ng mga nasabing kompanya ang mga requirements na hinihiling ng LTFRB.
“Any competition is good for any industry because it benefits the riding-public,” sabi ni Lizada. Ang tatlong TNCs (Transport Network Companies) na kakalaban sa Grab ay Lag-go, OWTO at HYPE.
Ang pagpasok ng mga bagong kompetisyon ay magbibigay ng options sa mga pasahero at magpapanatili sa mababang presyo ng pasahe.
Paglago ng Grab Philippines
Pinal na nga ang pagbili ng Grab sa Uber at ito ay ang isa sa pinakamalaking deal sa Timog-Silangang Asya. Noong April 8 ang huling biyahe ng mga drayber ng Uber. Matapos nito ay lilipat na sila sa Grab.
Ayon kay Brian Cu ng Grab Philippines, inaasahan nila na lilipat ang 20,000-24,000 na mga drayber mula Uber base sa masters list sa tala ng LTFRB.
Mula sa transportasyon, nais rin ng Grab na palawigin ang kanilang serbisyo sa publiko. Una, may plano ang Grab na lumipat mula online-to-offline mobile platform upang mapagsilbihan ang mas maraming pasahero na walang mobile data o access sa internet.
Nais rin pasukin o paigtingin ng Grab ang kanilang serbisyo sa food and package delivery, mobile payments, at financial services.
“We are humbled that a company born in SEA has built one of the largest platforms that millions of consumers use daily and provides income opportunities to over 5 million people. Today’s acquisition marks the beginning of a new era. The combined business is the leader in platform and cost efficiency in the region. Together with Uber, we are now in an even better position to fulfill our promise to outserve our customers. Their trust in us as a transport brand allows us to look towards the next step as a company: improving people’s lives through food, payments and financial services,” ayon sa pahayag ni Grab CEO and co-founder Anthony Tan.
Food delivery – Nais ng Grab na palawakin ng kompanya ang GrabFood hindi lamang sa Indonesia at Thailand kundi pati sa iba’t-ibang bansa sa Asya simula sa Singapore at Malaysia.
Transportasyon – Patuloy na pagbubutihin ng Grab ang kanilang mala-king ambag sa transportasyon sa bansa at nangangakong makikipagtulungan sa gobyerno sa pagbibigay ng mga tunay na solusyon sa lumalalang problema sa trapiko. Bukod sa GrabCar, GrabTaxi, at GrabShare, ilulunsad din ng kompanya ang GrabCycle para sa mga bisikleta at GrabShuttle Plus para sa mga bus.
Payments at financial services – Pagtutuunan din ng pansin ng kompanya ang Grab Financial na kanilang sangay sa mobile payments, micro-financing, insurance, at iba pang serbisyong pampinansiyal upang maserbisyuhan ang milyon-milyong maliliit na negosyo sa SouthEast Asia. Ilulunsad din ang GrabPay bilang mobile wallet sa mga bansa sa rehiyon bago matapos ang taon.
May paglabag ba sa batas?
Umalma ang Singapore at Malaysia sa pagbili ng Grab sa Uber. Ayon sa dalawang bansa, maaaring may paglabag ang pagsasanib puwersang ito ng dalawa sa pinakamalaking kompanya sa industriya. Ang Competition Commission of Singapore (CCS) ay pinag-aaralan na ang merger dahil sa pangamba na maaaring tumaas ang rates ng Grab.
Nagpalabas ang CCS ng direktiba na kailangan ng Grab at Uber na panatilihin ang presyo, pricing policies, at product options. Iniutos din ng CCS sa Grab na huwag kuhain ang mga confidential information mula sa Uber at huwag pilitin ang mga drayber na lumipat sa Grab. Subalit ito ay limitado lamang sa Singapore.
Sa Malaysia, magpupulong ang Land Public Transport Commission (SPAD) at Competition Commission (MyCC) upang pag-aralan kung may nilabag nga bang batas ang deal sa pagitan ng Grab at Uber.
Sa Pilipinas, sinigurado rin ni Lizada na walang pagbabago sa rates ng pamasahe sa Grab sa kabila ng pag-pull out ng Uber sa Timog-Sila-ngang Asya.
“The x2 surge stays, two per minute running time stays,” ayon kay Lizada.
Paliwanag ni Lizada na ang mga Grab cars ay public utility vehicles at hindi maaaring magtaas ng pamasahe basta-basta ng walang pag-apruba ng LTFRB. Dagdag ni Lizada na tulad ng pamasahe sa jeep, bus, at taxi, may hearing muna na gaganapin bago makapagtaas ng pamasahe.
Mino-monitor din ng LTFRB ang mga presyo at mga reklamo sa social media upang maaksyunan agad ang mga ito.