Ni: Kristin Dian Mariano
PARA sa isang Tarlaqueño na tulad ko, hindi kumpleto ang kahit anong okasyon kung wala ang kakanin mula sa Betty’s Special Native Cakes.
Pasko, birthday, o graduation ay laging may handa na kakanin mula sa Betty’s. Kakabit na nga ang pangalang Betty’s sa kakanin at bawat pagdiriwang ng mga kapampangan.
Walang taga-Tarlac ang hindi nakakaalam ng Betty’s Special Native Cakes. “Sali kang Betty’s (bumili ka ng Betty’s),” kadalasan ang utos sa akin ng aking lola kapag may handaan. Aking naaalala na malimit ihanda ng aking lola ang mga kakanin mula sa Betty’s tuwing kami’y uuwi ng San Miguel sa Tarlac. Malimit rin namin itong ga-wing pampasalubong kapag kami’y pauwi na ng Maynila.
Sinong mag-aakala na ang mga kakaning nilalako sa palengke noon ay magiging isang matagumpay na negosyo sa buong Luzon. Natural sa mga kapampangan ang masarap magluto at nagluluto ng kakanin.
Si Beatriz Junio na tubong La Paz, Tarlac ay nagluluto ng kakanin upang itinda sa lumang palengke ng Tarlac bilang hanapbuhay. Sinimulan niya ang kanyang maliit na negosyo sa halagang P200.
Tulad ng mga matagumpay na negosyo, pinatuna-yan ng pamilya ni Beatriz na sa sipag at tiyaga ay makakamit ang tagumpay. Nag-umpisa ang Betty’s Special Native Cakes noong 1972 na naging kilala sa kanilang Putong Kapit, Bibingkang Nasi at Duman.
Hanggang ngayon, hindi parin nalalaos ang lasa ng Betty’s Native Cakes. Isa na ngang yaman ng Tarlac ang Betty’s at isa sa mga negosyong nagsimula lamang sa maliit na puhunan at pinalago sa pamamagitan ng sipag at tiyaga ng isang Kapampangan.
Sikreto sa negosyo
Isa sa mga sikreto sa negosyo ng Betty’s Special Native Cakes ay ang pagpapanatili ng lasa ng kanilang mga produkto. Isa sa mga dahilan kung bakit binabalik-balikan ang mga kakanin sa Betty’s ay dahil hindi nagbabago ang lasa nito.
Gamit ang orihinal na recipe, ang malalasang kakanin ay niluluto sa tradisyonal na pugon upang masiguro ang hitsura at lasa ng mga produkto. Limitado rin ang bilang ng kanilang niluluto sa isang araw at unahan ang pagbili ng produkto lalo na sa mga espesyal na araw. Noong nakaraang bisperas ng pasko, wala ka ng mabibiling bibingkang duman pagdating ng alas-siete ng umaga.
Nag-uumpisa ang araw ng mga tauhan ng Betty’s mada-ling araw pa lamang sa pagsalang ng mga inihandang kakanin sa pugon. Magtataka ka minsan dahil sarado na sila bago pa man magtanghalian, yun pala ay ubos na ang mga kakanin.
Sumasabay sa agos ng panahon
Ang owner na si Beatriz Junio ay gumawa ng kanyang sariling recipe ng bibingkang dumaan upang umayon sa panlasa ng mga mamimili. Popular ang kapit roll ng Betty’s.
Sa mga hindi nakakaalam, ang kapit ay kakanin na gawa sa giniling na malagkit na bigas, niluluto itong parang palitaw at nilalagyan ng matamis na syrup at latik. Di gaya ng ibang kakanin, mahirap kainin ang kapit ng walang platito at tinidor. Ang ginawa ng Betty’s ay ginawa nilang filling ang latik sa nirolyong kapit para mas madaling kainin ang kapit. Hanggang ngayon ay isa ito sa pinakamabentang produkto sa Betty’s.
Isa pa marahil sa sikreto ng Betty’s Special Native Cakes ay ang pagkontrol sa presyo. Sinisigurado ng Betty’s na abot-kaya ang presyo ng kanilang mga produkto.
Mula noon hanggang ngayon
Sinong mag-aakala na ang P200 ni Beatriz Junio ay magiging susi sa pagtatapos ng kanyang mga anak at mga apo. Ipinagpatuloy na nga ng mga anak ni Beatriz Junio ang pamamahala sa Betty’s Special Native Cakes at inaasahang ipagpapatuloy pa ito ng mga susunod na henerasyon.
Mula sa isang maliit na tindahan sa San Miguel, pinalaki nila ito at ginawa itong isang café. Bukod sa kanilang specialty cakes ay nagbebenta na rin sila ng ibang mga pagkain tulad ng silog at mga frappe. Nagbe-bake na rin sila ng pastries tulad ng brownies at para sa nais ng modernong desserts.
Patuloy na lumalago
Dahil sa naging patok ang negosyo, dumami ang branches. Sa kasalukuyan, mayroong 50 branches sa Luzon at karamihan dito ay nasa Gitnang Luzon. Umabot narin sa mga SM malls tulad ng SM City Clark at SM Pampanga ang branches ng Betty’s. Patuloy ang paglago ng Betty’s at inaaasahang madaragdagan pa ang mga branches nito sa hinaharap.
Pinatunayan ng Betty’s Special Native Cakes na ang pagpapanatili ng lasa at kalidad ng produkto ay sapat upang mapalago ang isang negosyo. Marahil ang isa sa sangkap ng bawat kahon ng Betty’s Special Native Cakes ay “nostalgia” na sa bawat kagat ng malagkit na kakanin ay maaalala mo ang simpleng pamumuhay sa probinsya.