Pinas News
LUMALAKI ang kontribusyon ng turismo sa pang-ekonomiyang pag-unlad ng bansa at patuloy pa itong lalaki.
Bilang paglalarawan, noong buwan ng Disyembre 2017, umabot ng Php 33,406.72 milyon ang pinasok na halaga ng turismo sa ating ekonomiya. Ito ay 72.39% na mas mataas kaysa sa kita noong Disyembre noong nakaraang taon na nasa Php 19,378.31 milyon.
Patuloy na lumalaki pati na nga ang lokal o domestikong turismo. May higit sa 50 milyong domestikong paggalaw noong nakaraang taon (kabilang lamang ang mga dumayo kahit overnight lamang). Ayon sa mga ulat, sa karamihan ng mga destinasyon, ang mga lokal na turista ay sumasakop sa 70 hanggang 90 porsiyento ng espasyo para sa mga numero ng bisita.
Kung tutuusin ang pakinabang sa ekonomiya, ang mga banyagang turista ay nagpasok ng 250 bilyong mga resibo, habang ang domestic market ay nagpaikot ng higit sa isang trilyong piso.
Mula sa pagiging isang menor na pang-ekonomiyang manlalaro kailan lamang, ang industriya ng paglalakbay sa Pilipinas ay katumbas na ng 8.6 porsiyento ng GDP.
Sa harap ng paglaking ito, nagiging tampok ang dalawang bagay: ang pag-aayos at paglilinis sa katiwalian sa pamahalaan sa pagpapatakbo ng industriya (gaya ng makikita sa isyu sa Tourism Promotions Board) at, ang kaugnay na pagsisiguro na maprotektahan ang kalikasan (gaya ng unang natampok sa kalagayan ng Boracay).
Sa huling paglilimi, may hangganan ang bilang ng tao at kanilang mga gawain na kayang suportahan ng kalikasan. Kung gayon, hindi naman talaga basta na lamang natin mapapayagan ang walang patumanggang paglabas-pasok ng mga turista sa isang lugar, banyaga man o lokal.
Kailangan natin ang kabuhayang dinadala ng turismo, subalit kailangan din ng akmang regulasyon at tampok dapat sa bagay na ito ang lagay ng kalikasan sa isang lugar, lalo na sa nakaambang usapin ng climate change sa buong mundo.