NAkakaasiwa ang magulo at may masamang amoy na closet. Paano nga ba ito maiwasan at malinisan upang maging mabango at maayos?
Gawing madalas ang paglilinis sa ating closet para hindi mangamoy at napapanatiling nasa ayos ang ating mga damit. Nangyayari talaga na nawawala ito sa ayos, in short ay magulo. Kalimitang nangyayari ito sa mga taong busy kasi laging may hinahabol na oras.
Katotohanan na hindi maitatanggi ng magulong closet ay ang katamaran. Wala talagang nagagawa ang katamaran kaya alisin na ito sa ating bukabolaryo.
Gabay para sa mabangong closet
Ginagawa nating taguan ang ating closet at maliban sa damit, ay nakaugalian ng karamihan na maglagay ng ibang mga gamit tulad ng jewelries, make up kits, ibang mga gadgets at worst ginagamit ding taguan ng pagkain.
Tama, pagkain sa loob ng closet ay isang sanhi ng pagbaho nito. Maraming uri ng pagkain ang akala natin ay hindi mangangamoy sa loob ng closet ngunit tandaan na ang mga damit ay madaling kapitan ng amoy sa paligid nito. Maaari namang magtago pero siguruhing nakabalot ito sa loob ng plastic box na natatakpan at hindi makawawala ang amoy sa loob ng iyong damitan.
Siguraduhin namang hindi maglagay ng basang damit. Hindi natin napapansin lalo na sa mga nagpapatuyo na gamit ang drier machine. Nangyayari ito kapag hindi napatuyo ng maigi ang mga damit lalo na ang mga makakapal. Nagdudulot ito ng hindi kanais-nais na amoy sa loob ng kabinet at ganun din sa mga damit na nasa loob ng closet.
Iwasang mag-spray ng pampatanggal ng mabahong amoy or maglagay ng air freshener dahil tinatakpan lang nito ang mabahong amoy. Panandalian lang ang naibibigay nitong bango sa closet kaya masasayang lang ang ginawa mong effort.
Punasan ng malinis na basahan ang bawat sulok ng closet. Upang malinisan nang maigi, mas mainam na alisin muna ang lahat ng laman nito.
Nakatutulong din ang paglalagay ng charcoal o uling sa loob ating cabinet. Mabilis kasi itong sumipsip ng mabahong amoy.
Maglagay ng newspaper o gawing sapin ito sa mga nakatuping mga damit. Maaari ding patungan ito ng hindi pa na printahan na papel tulad ng manila paper. Para rin kasi itong uling na sumisipsip ng hindi kanais nais na amoy sa loob ng closet.
Labhang maigi ang mga damit bago itago para maging mabango at presko sa pang-amoy. Nakakapagbigay ng mabangong amoy ang ginamit nating sabon o fabric conditioner sa loob ng closet. Nakaugalian din ng iba na maglagay ng mabangong sabon sa loob ng damitan.
Panghuli sa lahat, huwag paghaluin ang mga damit na malinis at damit na nasuot na. Nakakalikha talaga ito ng masamang amoy sa loob ng kabinet lalo na kung napawisan na ang mga damit.
Paano maging maayos ang ating closet
Maraming paraan upang maging laging maayos ang ating mga kagamitan sa loob ng ating closet. Masarap sa pakiramdam at maaliwalas ang tirahan kung nasa tamang ayos ang mga gamit.
Malaki ang katungkulan ng isang magulang dahil nagsisimula sa mga ito ang kaalaman ng lahat sa pagliligpit ng mga gamit. Maliit man o malaki ang ating tinitirhan, dapat nasaayos ang mga gamit.
Nakaugalian ng marami na taguan ng iba’t ibang gamit ang loob ng aparador. Depende sa disenyo nito, malaki man o maliit pero maaaring pangkat pangkatin ang mga gamit sa loob ng closet. Madaling hanapin at kunin ang ating kinakailangan paghiwa-hiwalayin ang mga gamit tulad ng t-shirt, pantalon, mga panloob na damit, medyas at maging ang sinturon.
Maaring ilagay naman sa isang box o kahit anong lagayan ang mga maliliit na gamit para hindi magkalat sa loob ng kabinet tulad ng mga hikaw, kwintas, pang-ipit sa buhok, at mga make-up.
Naisasama rin dito ang mga charger sa ating cellphone, headphone at iba pa.
Sa pangkalahatan, dapat ay maging masipag, magligpit at magtupi upang maayos at kaibig-ibig ang loob ng ating closet.
Sinabi ni Benjamin Disraeli na dating British Prime Minister, “Cleanliness and order are not matters of instinct; they are matters of education, and like most great things, you must cultivate a taste for them.”
Ang mabango at maayos na kabinet ay nakatutulong
Bawat araw nagbibihis tayo kaya kung nakaayos ang ating mga damit alam na alam mo na kung saan kukunin at hihilain ang mga ito.
Nasa magandang ayos at nakasalansan ang mga gamit ayon sa kanilang kulay.
Marami ka pang magagawa kung maayos ang closet. Hindi na kailangan na balik balikan ang ating closet para ayusin. Resulta nito ay hindi na naaabala ang oras mo sa ibang mga gawain sa loob man o labas ng bahay.
Nakakatuwang tingnan ang ating closet kung mabango ito at maayos. Nakakataba ng damdamin kung pagbukas palang nito ay sasalubungin ka na ng bango at maayos na mga gamit. Iwas stress din ang tumira sa maayos na lugar.
“Keep your surroundings pure and clean. This hygiene will keep you healthy, physically and mentally,” ayon sa isang kawikaan. Di ba, tama nga naman.
Paano aayusin ang closet
Naaayon sa iyong kagustuhan ang pagsasaayos ng iyong sariling closet. Maraming estilo ang mga ito, kung ang ginagamit mo ay malaking kabinet madali lang itong ayusin dahil may lulugaran ang lahat ng mga gamit. Kumpara sa maliit na may masikip na espasyo mahirap isiksik lahat ang iyong kagamitan.
Pagsama-samahin ang mga magkakatulad na damit. Tikluping mabuti bago isalansan ng naaayon sa kanilang kulay para mapabilis ang paghahanap mo ng damit sakaling isusuot na. Gawin din ito sa mga pantalon at ibang damit.
Gumamit ng filer o divider. Maaaring gumamit ng shoe box kung nararapat. Nakatutulong ito lalo na sa masikip na closet.
Gumamit ng box o filer para maisilid ng maayos sa closet lalo na ang maliliit na damit
Isabit sa hanger ang damit na madaling makawala sa pagkakatupi tulad ng sitro, makakapal na jacket, blazer at ilang mga gugustuhin mo pang ilagay sa hanger.
Bawasan ang laman ng closet. Nakasisikip at nakagugulo ang mga lumang damit na hindi na ginagamit. Tanggalin ang lahat ng mga ito upang mailagay sa tamang lugar ang iyong mga gamit.
Alisin sa closet ang mga damit na hindi na sinusuot
Ilagay sa ibabaw ng mga natuping damit ang mga madalas sinusuot. Nakagugulo kasi kung huhugutin mula sa pinakailalim ng mga nakasalansan na damit. Ang mga damit pang okasyon ay mas mainam pag nasa ilalim dahil paminsan minsan lang itong nagagamit.
Mapanatili ang mabango at malinis na closet pag maglaan ng oras at araw sa pag-ayos dito.