PINAS

Bagong barangay officials frontline sa war on drugs

Ni: Quincy Joel V. Cahilig

TAPOS na ang mga ingay ng mga tambol at jingle, at mga pasiklaban. Mabilis na nagdaan ang halalan sa Barangay at Sangguniang Kabataan.  Ang tanong: Ano na ngayon ang dapat asahan?

Sa takbo ng mga pangyayari sa pamayanan, kung saan magkakaroon ng pagpapasa ng kapangyarihan ng liderato sa mga barangay, isa sa mga inaasahan ng pambansang pamahalaan, lalo na ng mga mamamayan, na magpapatuloy ang laban kontra sa ipinagbabawal na gamot.

Hinamon ni Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño ang mga nanalong opisyal ng barangay, lalo na ang mga naitala sa narcolist, nitong nakaraang eleksyon na pangunahan ang kampanya kontra droga.

“Ichachallenge ko ang mga nanalong barangay officials na nasa narcolist na manguna sila sa laban sa kontra droga sa inyong barangay,” kanyang sinabi sa isang media forum.

“Hindi lang illegal drugs, ang inyong trabaho, pati sa illegal parking, pati sa sidewalks,” dagdag ni Diño, na nagsilbi bilang kapitan ng Barangay San Antonio, Quezon City sa loob ng 13 taon.

Kamakailan ay sinampahan ng DILG ng kasong administratibo ang 15 barangay captains sa hindi nila pagtatag sa kani-kaniyang barangay ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

Batay sa datos ng ahensya, 70 porsyento lang ng mga barangay sa buong bansa ang nagtatag ng BADAC, na kumakalap ng mga impormasyon tungkol sa mga suspected “drug personalities” sa komunidad. Ito rin ang nagoorganisa ng mga aktibidad gaya ng counseling, sports fest, Zumba dancing, at mga proyektong pangkabuhayan upang matulungan ang mga tao na makaiwas sa pagdo-droga.

Ngunit para kay Bubot Sarmiento, host ng radio program na AyoKo sa Droga sa DWDD 1134 khz, at chairwoman ng anti-drugs campaign ng Rotary International District 3800, mas matinding aksyon pa mula sa DILG sapagkat ang problema ng droga sa barangay ay masalimuot at malalim ang pinag-uugatan.

“Di talaga titigil ang mga nagtutulak at gumagamit ng droga ang ating mga kababayan. Bakit kaya? Una, madali ang perang kinikita rito, marami pa rin ang di sumusuko sa paggamit ng iligal na droga. Pangalawa, marami pa ring mga nakapwestong barangay officials ang walang ginagawa sa nasasakupan nila, dahilan kasangkot sila o duwag lang,” wika ni Sarmiento. “Naniniwala ako na di kailangan ng pondong malaki para ito ay maaksyonan.”

Napaulat kamakailan na sinampahan ng DILG ng kasong kriminal ang isang barangay captain sa Lungsod ng Malabon dahil sa di umano’y pagkakasangkot nito sa kalakaran ng ipinagbabawal na gamot sa mismong komunidad na kaniyang pinamumunuan. Para sa ilan, isa itong pagpapakita na seryoso ang ahensya sa pagtugis sa mga tiwaling opisyal na ahente ng pagpapalaganap ng bawal na gamot.

Mga nanalong opisyal sa narcolist, ‘di abswelto

Dalawang linggo bago ang eleksyon ng Barangay and Sangguniang Kabataan, naglabas ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng listahan ng mga pangalan ng mahigit 200 na mga opisyal ng barangay na di umano’y sangkot sa droga.

Naniniwala si Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, na nakatulong sa mga botante ang naturang listahan upang matukoy kung sino ang mga karapat-dapat na iluklok sa pwesto.

Sa kabila nito, nilinaw niya na ang pagkakapanalo ng ilang mga opisyal na nasa narcolist ng PDEA ay hindi nangangahulugan ng pag-abswelto sa kanila.

“Hindi porke nanalo na sila ay excused na sila sa iligal na droga,” wika ni PNP chief.

“Unang-una kasi, the barangay election is parang ano yan, mabigat yung kakilala, kaibigan, kapamilya kasi you’re speaking of one barangay. Baka malaking pamilya yan. Alam mo naman, basta kapamilya, kahit may hindi ginagawang maganda kung minsan, kinukunsinti. Although hindi natin sinasabi na guilty sila,” wika ni Albayalde.

Aniya, anim sa 12 barangay officials sa Metro Manila na umano’y sangkot sa droga ang natalo nitong nagdaang barangay elections, na maaring nanalo kung hindi inilabas ng PDEA ang narcolist.

Patuloy na mangangalap ang PNP ng ebidensya na mag-uugnay sa mga opisyal sa listahan upang masampahan ng kaso ang mga ito.

Ang mahalagang tungkulin ng barangay officials kontra droga

Ang barangay ang basic unit ng pamahalaan ng bansa. Bagama’t ito ang pinakamaliit na sangay ng pamahalaan, ito naman ang direktang naghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno sa mga mamamayan tulad ng pagbabakuna at iba pang health programs, peace and order, at pangangalaga sa kalikasan.

Pagdating sa kampanya kontra droga, mahalaga ang gampanin ng mga opisyal ng 42,000 na barangay sa buong bansa. Kabilang sila sa mga inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa anti-drug campaign, sa pangunguna ng Interagency Committee on Anti-Illegal Drugs, na binuo upang arestohin ang mga big-time drug dealers at mga street-level pusher.

Noong 2017, nag-isyu ang DILG ng circular kung saan inaatasan ang mga barangay officials na gawin ang mga sumusunod na hakbangin bilang suporta sa kampanya kontra droga ng Administrasyong Duterte:

Inaatasan ang barangay officials na bumuo ng grupo ng mga impormante mula sa mga residente na magbibigay ng impormasyon tungkol sa mga drug suspects sa kanilang komunidad. Ang mga datos na isusumite sa kanila ng mga impormante ay masusing pag-aaralan ng mga opisyal bago nila ito ibigay sa PNP, PDEA, at DILG.

Kailangan ding maghanda ng mga opisyal ng listahan ng mga drug suspects sa kanilang barangay, sa pakikipagtulungan ng pulisya. Kabilang dito ang pagtukoy sa mga suspected drug dens, mga kamag-anak, kaibigan, kakilala, at maging kinakasama ng suspek.

Ang mga makukumpirmang drug suspects ay hihikayatin ng barangay na sumuko at isailalim sa community-based rehabilitation program, kung saan kabilang ang training, seminar, capability building, at counseling sessions upang sila ay matulungan na makapagbagong-buhay.

Obligado rin ang barangay na magpatupad ng drug awareness program sa mga pampubliko at pribadong paaralan na kanilang nasasakupan upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa panganib na dulot ng pagdo-droga.

Kung may anti-drug operations naman ang pulisya, kakailanganin dito ang koordinasyon ng barangay upang masiguro ang tagumpay nito.

At kada buwan ay kailangan magsusumite ng drug campaign report ang barangay officials sa DILG.