Ni: Kristin Mariano
MAY bagong kainan sa Pasay, ngunit di tulad ng karamihan ng mga restaurant, ang A&J Caf’e and Resto ay pagmamay-ari ng mag-asawang sina Ace at Janice Dela Peña na parehong may kapansanan sa pandinig. Kahanga-hanga na pinili ng mag-asawa ang isang negosyo kung saan napakaimportante ng komunikasyon sa mga staff at kostumer.
Para kay Ace at Janice, hindi hadlang ang kanilang kapansanan sa pandinig sa kagustuhan nilang magtagumpay sa buhay at ibahagi ang kanilang hilig sa pagkain. Si Ace ay nagtapos ng kurso sa isang culinary school habang patissiere naman si Janice.
Ang pagiging foodies ng mag-asawa ang dahilan kung bakit sila nagtayo ng restaurant. Sa bawat biyahe nila sa loob at labas ng bansa, sumusubok ang mag-asawa ng bagong pagkain sa lugar na kanilang pinuntahan.
“We both are foodies. We love to check out new restaurants, explore and try new food every time we travel. Ace went to Culinary School and Janice took up Pastry course few years back. We decided to give our shot and starting our own caf’e and restaurant. Ace has so many ideas on his mind what to put on the menu already and want to cook and serve his food to the world. We also appreciate coffee very much. That’s when we thought it’s about time for us to put up our own caf’e and restaurant,” sabi ni Janice.
Sa A&J Caf’e and Resto, si Ace at Janice ay co-owners at may kanya-kanya silang gawain. Si Ace ang tumatayong executive chef ng restaurant at si Janice naman ang gumagawa ng desserts at nangangasiwa sa pinansyal at papeles ng restaurant.
Gamit ang malawak na kaalaman sa pagkain, ginawa ni Ace at Janice ang menu ng A&J Caf’e and Resto. Nakakaanyayang kumain sa restaurant na ito dahil sa iba’t-ibang mga pagkaing nasa menu. Tila “west meets east” ang tema ng restaurant kaya maeengganyo ang mga pinoy at turistang nasa lugar. Mayroong hamburger at baby back ribs na binabad sa special sauce na gawa ni Ace at mayroon ding bibimbap at dong po rou. At syempre, ang mga pagkaing pinoy crispy pata, sinigang, at pares.
Sa kanilang mga inumin, sikat na sikat ang cherry blossom frappe na special blend ni Ace na bunga ng pagkahilig niya sa matcha.
“Beside our love for food and drinks, we love travelling and explore deeply of each country’s food and culture. It has been always our inspiration on the dishes,” ayon kay Janice.
Suporta ng pamilya
Bagaman parehong galing sa may kayang pamilya, nais ni Ace at Janice na tumayo sa kanilang sariling mga paa para sa kanilang sariling pamilya. Para sa mag-asawa, naging malaki ang papel ng kanilang pamilya sa pagtatayo nila ng negosyo. Suportado sila ng kanilang mga pamilya sa pagpasok sa restaurant business.
Ang kasalukuyang lokasyon ng restaurant ay dating pag-aari ng ina ni Ace. Noong malapit na matapos ang kanyang kontrata, nag-lakas loob sila na magbukas ng restaurant.
Ang pamilya ni Ace ay nasa food business kaya naging madali ang paghahanap ng maaasahang supplier ng kanilang mga ingredients. Katulong din sila sa pagbili ng mga muebles na ilalagay sa loob ng restaurant. Sa madaling sabi, naging madali para sa mag-asawa ang magbukas ng restaurant dahil sa tulong ng kanilang bawat pamilya na walang ibang hangad kundi ang tagumpay ng kanilang negosyo.
Suportado rin ng kanilang mga kaibigan ang pagbubukas nila ng restaurant. Naging mainit ang pagtanggap ng publiko sa ‘global dishes’ ng A&J Caf’e and Resto.
Pagtulong sa may kapansanan
Ako ay nagtaka kung paano napapatakbo ni Ace at Janice ang negosyo sa kabila ng kanilang kapansanan. Inamin nila na isa itong pagsubok sa kanila, ngunit kailanman ay hindi ito naging handlang. Ang kanilang mga servers ay hearing o mga taong nakakarinig, ngunit mayroon din silang miyembro ng staff na deaf.
Ikinuwento sa akin ni Janice na sobrang hanga siya sa dedikasyon at passion ng kanyang asawa. Gamit ang hearing aid at lip reading ay halos naiintindihan ni Ace ang usapan. Naging malaking tulong ito sa maayos na pamamalakad ng restaurant.
Bukod rito ay isinailalim nina Ace at Janice ang kanilang mga staffs sa training upang maging maayos at walang aberya ang kanilang serbisyo at upang magkaintindihan ang kanilang mga tauhan. Nais nina Ace at Janice na makatulong sa kapwa nila may kapansanan upang mabigyan ng pagkakataong makapagtrabaho.
“Maybe Ace is unexceptional, since he can communicate by talking and we got to know our staffs while we had them trained way before the opening of our caf’e and restaurant. We also have few deaf kitchen staffs. We’ll say the biggest challenge we have is to make our hearing and deaf staffs work together, we would always have meetings every time there’s a problem. That’s how we overcome it but everything has gone smoothly so far,” kwento ni Janice.
Sa kasalukuyan, nasa pagpapalago ng negosyo ang pokus ng mag-asawa. Marami ang kanilang kostumer tuwing peak hours, ngunit naging isang hamon ang paghikayat sa mga kostumer tuwing off peak hours. Pinaigting nila ang pag-aadvertise ng kanilang restaurant sa mga kalapit na opisina at condominium.
Ang A&J Caf’e and Resto ay matatagpuan sa Metro Bank Avenue, Pasay City mula 6 am hanggang 11 pm.