Ni: Vick Aquino Tanes
Bakit kaya ganun? Masarap kumain pero kapag sumobra ay nakakataba. Mahirap naman magpigil sa nakikitang masasarap na pagkain na ginagawa ng mga nagpapapayat pero wala pa ring epekto.
Alam niyo bang marami ang pursigido sa pagpapapayat, ginagawa ang mga dapat gawin gaya ng tamang diet, exercise at pagpapapawis. Ngunit bakit kahit malaki naman ang effort na ibinibigay para pumayat ay parang wala pa ring nangyayari. Naiiwan pa rin sa katawan ang taba na hindi mawala-wala.
Habang marami ring payat na nais na tumaba o magkalaman man lang ng kaunti ang kanilang mga katawan lalo na ang balakang. Nage-exercise din, sobra na nga sa pagkain pero wala ring effect.
May mga dahilan kung bakit nananatili pa ring mataba o payat ang isang tao sa kabila ng puspusang pagpapapayat o pagpapalaman. Ang akala kasi nila ay tama na ang kanilang ginagawa. Alamin kung bakit:
Pagkakaroon ng Maling Pagda-diet
Ang alam ng marami, kapag sinabing diet ay dapat binabawasan o nililimitahan ang dami ng pagkaing inilalagay sa tiyan.
Ngunit sa katotohanan, ang pagda-diet ay hindi nakabase sa dami ng pagkain kundi sa uri ng pagkaing kinakain. Masasabi lamang na tama ang pagda-diet kung ang pinipiling kainin ay masustansya dahil nakabase sa “healthy food choices” ang tamang diet.
Kaya upang magkaroon ng maayos na pangangatawan, baguhin ang maling paniniwala tungkol sa diet. Pag-aralang kumain ng tunay na pagkaing may sustansya na kinabibilangan ng mga natural na pagkain at hindi yaong mga pagkaing instant, pro-seso at nasa lata.
Pwersadong pagbabawas ng timbang o pagpapataas ng timbang
Ang pagpapapayat o pagpapataba ay hindi magiging matagumpay kung ang pagsasagawa nito ay pwersahan at paspasan. Halimbawa, bigla na lang isang araw ay nangako na hindi na iinom ng softdrinks, kakain ng sweets at magpapapak ng chips.
Hindi na rin kakain ng fast foods at susundin na rin ang tamang diet plan. Araw-araw nang mag-eehirsisyo at hindi titigilan hanggang sa maubusan ng lakas.
Wala namang masama rito dahil tama na baguhin at palitan ang mga maling pagkain na nakasanayan.
Tama rin na araw-araw magpapawis subalit hindi sinasabi na gawin ito ng biglaan. Mahirap itong baguhin agad-agad lalo na kung sa loob ng napakahabang panahon ay nakasanayan na ang naturang habits.
Parang parusa sa sarili ang ganitong biglaang pamamaraan at baka sumuko lang sa pagpapapayat kalaunan.
Ang dapat gawin ay huwag biglain ang pagbabago ng mga bad habits. “Take one small step at a time”.
Ang mga nakasanayang pagkain na nakakataba ay dahan-dahang palitan ng mga prutas at gulay.
Huwag tangkain na ubusin lahat ng lakas sa pag-eehersisyo sa pag-aakalang ito ang paraan para madaling matunaw ang mga taba. Ang sikreto sa epektibo na pagpapapayat o maging sa nagpapataba ay utay-utay na pagpapalit ng bad habits at dapat ay gawin ito nang tuluy-tuloy.
Kulang sa strengthening exercise
Ang strengthening exercises o resistance training ay mahalaga upang ang mga muscles ay lumakas at lumaki. Kailangang makasigurado na ang muscles ay nasa tamang kundisyon dahil ang mga muscles ang daan para masunog ang mga taba.
Posible na sa halip na taba ang mawala ay muscle ang lumiit kung mali ang diet at mali ang paraan ng pagpapawis.
Kaya napakahalaga na palakasin ang muscles para agad mabawasan ang taba.
Sa pamamagitan ng strengthening exercises tulad ng push-ups, squats, and lunges ay mapapalakas ang mga kalamnan. Kasabay nito ang balanseng diet at pagkain ng mga pagkaing mayaman sa protina (lean red meat, eggs, chicken, beans), fruit and vegetable, complex carbohydrates at healthy fats (salmon, mackerel) na nagbibigay tulong sa pagpapa-laki ng muscles na kailangan din upang magkalaman.
Nasosobrahan sa workout
Ang walking, running, bike riding, swimming, dancing at aerobics ay ilan lamang sa mga importanteng cardio workouts/exercise na ginagawa ng mga gustong pumayat. Ito ay mahalaga dahil bukod sa nakapagpapapawis ang mga activities na ito ay pinagaganda rin ang daloy ng dugo at pinasisigla ang heart at lungs.
Subalit kung ang pagsasagawa ng cardio exercises ay sobrang mahirap at labis sa oras, posible na sa halip na magbawas ng taba ang katawan ay magreserba pa ng fats.
Kapag sobra ang cardio exercise na ginagawa, sinisigurado ng katawan na may sapat itong energy na magagamit. Kaya nagrereserba ng taba ang katawan, at posible na ang mga muscles ang mabawasan.
Tumataas ang appetite kapag sobrang napapagod kaya mas ganado sa pagkain at mas malapit sa pagmemeryenda at overeating na kailangan ng mga nagpapataba ngunit mali rin dahil sobrang taba ang tutubo sa katawan at hindi balanseng fats.
Moderate o katamtamang pagpapawis lamang ang tama para sa magandang epekto ng cardio exercises sa katawan. Kapag hindi ka na halos makapagsalita habang nag-woworkout, ibig sabihin ay masyadong mahirap na ang iyong ginagawa at ito ay hindi na tama. Ang 30 minuto na moderate intensity workouts ang kailangan para masunog ang mga taba. Mas mabuti kung gagawin ito araw-araw.
Hindi pa natatagpuan ang hiyang na workout
Kung bakit hindi pa rin pumapayat kahit ginagawa naman ang ginagawa ng karamihan at sinusunod naman lahat ng nababasa, napapanood o naririnig para pumayat, marahil ay dahil hindi bagay sa iyo ang ginagawa mong workout. Trial and error din kung minsan ang paghanap sa saktong hihiyang na workout para sa iyo lalo na kung ikaw lamang ang gumagawa nito at walang personal trainor.
Ang epektibong workout ay hindi nakasalalay sa haba ng oras na itinatagal sa pag-eehersisyo kundi sa intensity o bigat ng ginagawang physical activity. Magtanong sa eksperto upang makasigurado na ang workout na ginagawa mo ay ang kailangan at babagay sa iyong katawan.
Ginugutom ang sarili sa pag-aakalang ito ang tamang paraan ng pagda- diet
Kadalasang ginagawa ng mga nagpapapayat ang gutumin ang sarili at hindi kumakain ng nararapat. Hindi alam ng marami na ang masyadong pag-focus sa pagda-diet ay hindi nakatutulong bagkus posible pang mas lalong tumaba kalaunan.
Sa halip na magfocus sa pagda-diet ay gawing pangunahing goal ang mabigyan ng tamang nutrisyon ang katawan. Ibig sabihin ay dapat kumain ng sapat na ca-lories na kailangan ng iyong katawan sa isang araw.
Magtanong sa doktor o nutritionist upang malaman ito. Kapag napanatiling healthy at masaya ang sarili ay hindi malabong kusang makamit ng natural ang pagiging fit.
Sobra sa pagkain
Lubhang nakasasama sa katawan ang labis kaya naman delikado ito para sa mga nagpapataba dahil baka sakit ang dumapo sa iyo at hindi ang taba na nais mo.
Hindi nabibigyan ng pagkakataon ang katawan para maka-recover
Ang rest o pahinga mula sa matinding workout ay mahalaga dahil ito ang pagkakataon para manumbalik ang lakas ng katawan mula sa pinagdaanang matinding pagod.
Sinasabi na ang panahon ng pahinga o recovery ay higit na importante dahil dito nagaganap ang mas maraming pagtunaw ng mga taba.
Halimbawa ng pagrecover ay paggawa ng workout routine na kung saan kapag sa araw na ito ay whole body workout ang iyong ginawa, sa susunod na araw ay dapat light cardio, stretching o pwede ring complete rest ang gawin.
Ang tamang pahinga ay kailangang kasama sa routine dahil ito ay para maihanda uli ang katawan sa paggawa ng mahirap na workout kinabukasan. Mahalaga na i-push ang sarili ngunit importante rin na may hustong oras ng pamamahinga.
Masyadong stress
Isang napakahalagang bagay na dapat isaalang-alang kung nais maging matagumpay sa pagbabawas ng timbang ay ang pagkakaroon ng panatag na isipan. Laging tandaan na importanteng mapanatili rin ang malusog na isip at damdamin kasabay ng pagpapaunlad ng pisikal na kalusugan.
Para maiwasan ang stress, ang pag-aalaala at pag iisip ng mga negatibong bagay ay dapat kalimutan.
Panatilihing masayahin ang kalooban at pasalamatan ang mga biyayang natatanggap araw-araw.
Mag-practice ng deep breathing exercise, pwede ring mag-meditate o makinig sa kaaya-ayang musika. Ang pakikipag-usap sa kapwa at pagbabahagi ng iyong istorya sa isang kapamilya, kaibigan, o kakilala ay makagagaan din ng dalahin kung sakali na may bumabagabag sa iyong damdamin.
May sakit o karamdaman na nagiging sanhi ng katabaan o pagkapayat
May mga kaso na hirap magbawas ng timbang ang isang tao dahil sa medikal na kundisyon. Kung minsan hindi ito malalaman hangga’t hindi nagpapatingin sa isang espesyalista.
Kung sa iyong palagay ay ginawa mo na ang lahat ng paraan para pumayat o tumaba ngunit wala pa ring nagiging magandang resulta, makabubuti na alamin kung may problemang medikal na pumipigil sa iyong pagpapapayat o pagpapataba.
Ito na ang tamang panahon para magtanong at komunsulta sa doctor upang malaman ang kalusugan.