Ni: Jun Samson
NAPAKATAAS ng ekspektasyon ng publiko na tuluyan nang masusugpo o mareresolba na ang problema sa iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons.
Ito ay dahil nitong nakaraang linggo ay nagsimula nang manungkulan duon bilang Bureau of Corrections Director si dating Philippine National Police Chief, Ronald “Bato” dela Rosa.
Walang duda na kilala si General Bato na istrikto at seryoso pagdating sa usapin ng pagsugpo sa illegal drugs tulad ng shabu o bato kung tawagin ng mga shabu users.
Kung tutuusin ay masasabi na ito na ‘bato laban sa bato’. Malaking hamon ito para kay General Bato dahil sa mahabang panahon at sa panunungkulan ng mga nagdaang magagaling na mga opisyal ay tila hindi natapos ang problema sa nasabing piitan. Bilang panimula ay inamin ng heneral na magpapatupad siya ng segregation sa mga preso o paghihiwalayin niya ang mga dayuhan at lokal na drug lords sa NBP, kasama na iyung mga umano’y bigtime drug lords.
Nadiskubre rin ni dela Rosa na maraming mga inmates ang matagal nang naka-confine sa NBP Hospital at ang kanyang hinala ay nagsasakit-sakitan na lang ang iba kaya ipapasuri niya ang mga ito at kung irerekomenda ng doktor na pwede nang i-discharge ang patient/inmate ay agad niyang pababalikin sa piitan.
Agad din umano siyang magpapatupad ng mga reporma sa NBP kahit na malaki ang problema ngayon dahil sa kakulangan ng budget sa BuCor. Ang maganda naman dito ay nangako naman si Justice Secretary Menardo Guevarra na isusulong niya ang mas mataas na budget ng BuCor para sa susunod na taon lalo na at mahigpit ang bilin ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyang prayoridad ang problema sa iligal na droga.